Pinangunahan ni Cardinal Jose F. Advincula, Arsobispo ng Maynila ang selebrasyon ng ika-325 taong pagdating ng Nuestra Señora de Peñafrancia de Manila sa Paco noong Mayo 14, 2022, 10 ng umaga.
Sa araw ding iyon, tinatag ng butihing Kardinal ang simbahan bilang isang bagong “Arkidiyosesanong Dambana” kasabay ng pagtalaga kay Reb. Padre Carmelo Arada bilang unang Rektor.
Sa homiliya ng Kardinal, nabanggit niya na “Si Maria, na mula sa munting bayan ng Nazaret ay dumalaw at nanahan dito sa munting bayan ng Paco.” Ito ay tanda na ang pagmamahal kay Inang Maria ay yumayabong sa pagdedebosyon sa kanya at sa kanyang Anak.
Pina-alalahanan rin niya ang mga mananampalataya na “Ang pagiging dambanang santuario ay hindi lamang tungkol sa magagarang dekorasyon o mga engrandeng selebrasyon. Higit sa mga ito, ang dambanang santuario ay dapat katulad ni Maria, maging kongkretong tanda ng kabanalan ng Diyos.”
Ang Parokya ng Nuestra Señora de Peñafrancia de Manila ay nagsimula sa isang “Ermita” na itinayo noong 1697. Itinatag itong parokya ni Abp. Gabriel Reyes noong ika-11ng Agosto 1951.
Ang imahen naman ng Mahal na Virgen ay natagpuan ng mga taga-Paco sa sapa na nakarolyo sa isang punong Bakawan noong ika-15 ng Mayo, 1697. Dahil sa maalab na debosyon ng mga taga Paco, ginawaran ni Papa Juan Pablo II ang imahen ng “Coronacion Canonical” at kinoronahan ni Cardinal Jaime Sin noong ika-10 ng Nobyembre, 1985. Kasalukuyang nakadambana sa gitna ng altar ang nasabing imahen. (Benedict Canapi/SOCOM-Quiapo Church)