Homily delivered by Most Rev. Broderick S. Pabillo, Apostolic Administrator of Manila after he opened the Jubilee Door of Minor Basilica of the Black Nazarene (Quiapo Church) on April 9, 2021, at 12:15 pm.
Happy Easter po sa inyong lahat. Nandito pa po tayo sa Easter Octave, walong araw na pagdiriwang ng pagkabuhay ng ating Panginoon. At binuksan po natin ang ating jubilee door. Tayo po’y nakikiisa sa buong simbahan sa Pilipinas sa ating pagdirawang ng ating 500th anniversary ng pagdating ng pananampalataya sa ating mga dalampasigan. Ang official po na opening nitong 500th anniversary celebration ay nagsimula noong Linggo, noong Easter Sunday sa pagbubukas ng jubilee door dito po sa atin sa cathedral. At mapalad po tayo sa archdiocese na binigyan po tayo ng pribilehiyo na magkaroon po ng labindalawang mga pilgrim churches. Kaya binibuksan po natin ang jubilee door ng mga pilgrim churches na ito, at isa na nga itong Quiapo, yung Dambana ng Quiapo, na talagang pinupuntahan ng mga tao.
Ang jubilee door po ay sagisag ng pagpasok natin upang matagnggap ang grasya ng Diyos. Kaya kapag tayo ay dumadaan sa jubilee door, matatanggap po natin ang grasya ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga panalangin sa pilgrim church na yan. Umaasa po tayo na ilang araw na lang ay mabubuksan na ang mga simbahan natin at ang mga tao ay patuloy ng makapunta dito sa loob ng ating simbahan. Pakinabangan po natin itong pagkakataong ito na mangyayari po sa loob ng isang taon. Kaya isang taon nakabukas ang jubilee doors. At yung grasyang matatanggap natin, yung plenary indulgence ay matatanggap natin bawat araw sa ating pagdadasal para sa Santo Papa, sa ating pagkukumpisal at sa pamamagitan ng ating pagtatanggap ng Banal na Komunyon. Kaya yan po sana ay pakinabanggan natin at ito po’y paalaala sa atin, yung biyaya ng pananampalataya na kailangan natin ibahagi sa iba. Kaya meron po tayong slogan, “gifted to Give”. Binigyan tayo ng pananampalataya, nagpapasalamat tayo rito, pinapahalagahan natin ito, pinapalalim natin ang pananampalataya. At may tungkulin din tayong palawakin ito, na ibahagi natin ito sa iba.
Ang mga pagbasa po natin sa mga araw na ito ay nagpapakita sa atin paano po natin pinapalawak ang pananampalataya. Sa unang pagbasa na ito ay kadugtong sa pangyayari noong si Pedro at si Juan, pinagaling nila ang isang taong lumpo na namamalimos sa labas ng templo at siya’y kilala ng maraming tao doon sa Jerusalem kasi palagi siyang namamalimos. Kaya nung nakita nila na ang taong lumpo ay lumalakad na, kasa kasama ni Pedro at Juan, nagtaka sila. At kinuha po ito na pagkakataon ni San Pedro upang ipahayag si Hesus. Si Hesus aniya na inyong ipinapatay ngunit muling binuhay ng Diyos. At ang taong ito ay nakakalakad dahil sa kapangyarihan ni Kristong muling nabuhay. Ibig sabihin na minsan lang si Hesus muling nabuhay ngunit ang kapangyarihang ito ay kumikilos na sa loob ng simbahan sa pamamagitan ng mga alagad niya at ito nga’y nakinabang dito. At dahil sa maraming mga taong pumupunta at nakikinig kay Pedro, dumating na rin ang mga guwardiya ng templo, ang mga punong saserdote at mga sadoseyo na sila po ay medyo nasaktan kasi sinabi ni Pedro nila sa kanila, “Pinapatay nyo. Kayo ang nagpapatay dito ngunit Siya’y muling binuhay ng Diyos”. Kaya hinuli nila si Pedro at si Juan, binilanggo at kinaumagahan pinatayo sa harap ng leadership ng mga leaders ng mga hudyo ng Sanhedrin. At ganun din, si Pedro na isang duwag, na isa lamang mangingisda ay nagkaroon ng tapang na magsalita sa mga leaders na ang taong ito’y gumaling sa kapangyarihan ni Hesus. Si Hesus na inyong tinanggihan, Siya yung batong tinanggihan ng mga manggagawa na naging pinaka importanteng bato. Kaya ngayon magsisi na kayo sa inyong ginawa.
Paano ba pinalalawak ang pananampalataya? Pinalalawak ito sa ating pagpapatotoo sa kapwa. Pagpapatotoo na buhay si Hesus, na kumikilos Siya. Huwag po tayong matakot, huwag tayong mahiya na magsalita kay Hesus at tayo mismo’y nararamdaman natin yan na kahit pandemic, tayo’y talagang nagkaroon ng lakas na patuloy na magsimba. Patuloy na lumapit sa Diyos kasi nakikita natin nandiyan ang kapangyarihan na kumikilos.
Ang malaking kalaban po natin ngayon ay sakit, totoo, may mga panlaban tayo dito, mayroong mga bakuna, mayroong mga health protocols. Pero tandaan po natin ang isang panlaban natin sa karamdaman ay ang ating pananampalataya. Ang lakas ng ating panalangin at dito sa Quiapo naranasan natin yan. Kahit na pandemya, nagkaroon tayo ng piyesta ng ating Poong Nazareno, na ang daming tao at hindi naman tumaas ang impeksiyon. Yan po’y talagang grasya, may biyayang kumikilos, may spiritual power na kumikilos na hindi yan naiintindihan ng IATF, na hindi naiintindihan ng gobyerno, hindi naiintindihan ng mga doktor. Pero alam po natin, may kapangyarihan tayong kumikilos, kapangyarihan po ni Hesus. Yan po, huwag tayong mahiya, huwag tayong matakot na magsalita tungkol kay Hesus na muling nabuhay at sa kapangyarihan na kumikilos sa piling natin.
At dito naman sa ating ebanghelyo, ang pangatlong beses na nagpakita ang Panginoon sa mga alagad ayon kay San Juan. Tulad ng dati halos hindi Siya makilala ng mga alagad, nagdududa pa sila kahit na sila’y nasa dalampasigan na. Ngunit si Hesus na muling nabuhay kahit na hindi kasa kasama ng mga alagad, alam Niya ang nangyayari sa mga alagad. At Siya po, He continues to care, may malasakit Siya. Kaya habang Siya’y nasa pampang, sinabihan Niya ang mga alagad, “Gusto nyong makahuli, itapon niyo ang lambat sa gawing kanan”. At totoo nga nakahuli sila. At nung sila’y pumunta na sa dalampasigan, nandoon naihanda na ni Hesus ang almusal para sa kanila. May baga na, may mga isda, may tinapay. At sinabi ni Hesus, “Kumuha pa kayo ng iba pang isdang nahuli niyo, isama nyo rito”. Naghahanda si Hesus para sa Kanyang alagad. Kaya sa tagumpay ni Hesus hindi tayo kinakalimutan. Nakikiisa pa rin tayo, nababahala pa rin Siya sa atin. Kaya yan po yung muling pagkabuhay ni Hesus ay nagpapaalaala sa atin, hindi Niya tayo iniiwan sa Kanyang tagumpay. Nandiyan pa Siya.
Sana po ang ating attitude ay tulad ng attitude ni Pedro na siya’y puno ng pananabik. Noong sinabi ni Juan, “Ang Panginoon yun”. Nandoon sa dalampasigan, hindi siya makaantay na dumaong ang bangka sa tabi ng dalampasigan, tumalon siya sa dagat upang maging mas mabilis na makasama ang Panginoon. Noong sinabi ni Hesus, “Kumuha kayo ng ibang isda para lutuin natin,” kaagad siya ang pumunta sa bangka, hinuli ang lambat, kumuha ng isda upang ibigay kay Hesus. Eager na eager siya. Enthusiastic na enthusiastic, puno ng pananabik na makapaglingkod sa Panginoon at maging malapit sa kanya. Sana po ganoon din ang ating attitude, patuloy na nanabik sa Diyos. Patuloy na gustong maglingkod sa Diyos, huwag tayong magsawa. Nandiyan Siya at paglinkuran natin Siya. Yan po ang resulta ng muling pagkabuhay ng Panginoon.
Kaya yung tanong ko kanina, binuksan na ang holy door, ano ngayon ang ating attitude na makuha na nandiyan na, bukas na ang biyaya para sa atin? Una po, huwag tayong matakot, huwag tayong mahiyang magsalita tungkol sa Panginoon. Ipahayag natin na Siya’y muling nabuhay at ang kapangyarihan ay kumikilos sa atin. At pangalawa, alalahanin natin, nandiyan Siya palagi sa piling natin. Matagumpay na Siya, ngunit Siya’y nababahala, Siya’y may malasakit pa rin para sa atin. He gives us assurance, He knows what’s happening to us and He cares kahit na sa ganitong kalagayan natin. Kaya huwag sanang mawala ang ating eagerness na lumapit sa Kanya at maglinkod sa Kanya.
Kaya mga kapatid, kapag nabuksan na ang ating mga simbahan, huwag na lang tayong mananatili sa online. Hahanap din tayo ng pagkakataon na lumapit ng physically sa mga simbahan natin, matanggap ang Panginoon sa Banal na Komunyon, matanggap siya sa Banal Pagkukumpisal at maging eager din tayo na mglinkod sa Panginoon tulad ng paglilinkod natin sa ating kapwa. Kasi ang Diyos ay napaglilingkuran natin sa ating paglinkod sa ating kapwa lalung lalo na ngayong panahon ng pandemic, ang daming kapwang nangangailangan. Doon natin mapapakita ang ating pagmamahal sa Diyos. (Archdiocese of Manila Office of Communications/RCAM-AOC)
IN PHOTO | Most Rev. Broderick S. Pabillo leads the celebration of the Holy Eucharist after he opens the Jubilee Door of Quiapo Church in Quiapo, Manila on April 9, 2021. | Photo by SOCOM Quiapo