Minamahal na bayan ng Diyos ng Mary, Mirror of Justice Parish. Napakaganda po ng pangalan ng inyong bagong kura paroko, Godwin, panalo ang Diyos. Gusto niyo po bang malaman kung saan nakuha ang pangalan ng inyong bagong kura paroko? Hayaan niyo po munang ikwento ko.
Noong ipinagbubuntis siya ng kanyang ina, ang sabi po ng mga kaibigan ng kanyang ina, matapos ang magkaroon ng dalawang anak na lalaki, tiyak na babae na ang dala dala niya sa kanyang sinapupunan. Dahil hindi pa naman po uso ang mga gender reveal noon. Ang hula ng karamihan ay babae nga ang nasa sinapupunan ng kanyang ina. Kita daw sa mga palatandaan sa mukha at hugis ng tiyan ng kanyang ina na babae ang kanyang ipinagbubuntis. Para bang siguradong sigurado na sila na babae nga ang kanyang magiging anak. Subalit nung dumating ang November 26, 1974, lalake ang iniluwal ng kanyang ina. Kaya ang sabi nila: “mali tayo, nanalo ang Diyos, panalo ang Diyos.” Ibig sabihin Godwin.
Panalo ang Diyos dahil hindi tayo nakikipag-paligsahan tayo sa Diyos. Laging panalo ang Diyos laban sa kasamaan at kadiliman. Hindi tayo ang kalaban ng Diyos. At kung hindi tayo ang kalaban ng Diyos, nasa panig tayo ng Diyos. At kung tayo’y nasa panig ng Diyos, ibig sabihin lagi din tayong panalo.
Minamahal na mga parokyano ng Mary, Mirror of Justice, panalo kayo hindi dahil mayroon kayong guwapo, matipuno at mabait na kura paroko. Panalo kayo, panalo tayong lahat dahil mahal tayo ng Diyos. Si Fr. Godwin ay regalo sa inyo ng Diyos, tanda ng kanyang pagmamahal sa kanyang bayan. Pakaingatan niyo ang regalong ito. At nawa maging daan din kayo ng kabanalan ni Fr. Godwin.
Fr. Godwin, matapos ang ilang taon ng paglilingkod mo sa seminaryo, narito ang bayan ng Diyos ng Mary, Mirror of Justice. Panalo ka rin hindi dahil nakalaya ka na sa mga matataas na pader ng seminaryo. Panalo ka dahil bitbit mo rin ang maraming karanasan at regalo na pinagkaloob sa iyo ng Diyos sa pananatili mo sa seminaryo. Bitbit mo ang sigasig dahil sa bagong mukha ng paglilingkod. Regalo din ng Diyos sa iyo ang pagkakataong ito na maglingkod sa dambana ng kanyang ina. Pakaingatan mo rin ang regalong ito. At nawa ay lumago lalo ang kanilang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng iyong halimbawa at paglilingkod. At kapag naisakatuparan mo ang mga ito, hindi lang Diyos ang panalo kundi panalo din ang kanyang bayan.
Minamahal na bayan ng Diyos ng Mary, Mirror of Justice, maraming salamat sa inyong pagtanggap kay Fr. Godwin. Sa bagong yugto ito ng inyong parokya, madama niyo nawa ang pagkapanalo ng Diyos sa bawat hakbang na inyong paglalakbay bilang isang parokya.
Fr. Godwin, maraming salamat sa iyong kahandaang maglingkod. Maraming salamat sa iyong sigasig. Buo ang aking tiwala na hinding hindi matatalo at malulugi ang bayan ng Diyos sa iyo dahil sa iyong sigasig at kahandaan. Nawa maihatid mo lagi ang Mabuting Balita nang may pagmamahal at karunungan.
Pakaingatan nawa kayong lahat ng ating Mahal na Ina, Salamin ng Katarungan. Amen. (Photo by Rian Salamat/RCAM-AOC)