Today is Good Shepherd Sunday. The theme of every fourth Sunday of Easter is Jesus as the Good Shepherd. In the culture of the Jews in the Bible, the leader, whether religious or political, is pictured as a shepherd of his people. As a shepherd leads, provides, defends and cares for his flock, so should the leaders do to the people. Maliwanag sa ating ebanghelyo ngayon na inilalarawan ni Jesus na siya ay pastol, at hindi lang pastol, siya ay mabuting pastol. As believers, let us take Jesus as a model of what a leader should be, whether our religious leaders or our government leaders.
Paano masasabi na si Jesus ay mabuting pastol? Una , inaaalay niya ang kanyang sarili alang-alang sa kanyang tupa. Hindi siya isang taong upahan na ang mahalaga sa kanya ay ang sahod, kung ano ang makukuha niya. Kaya kung may panganib, agad-agad iniiwan ang tupa. Ayaw niyang mapahamak siya. Hindi niya itataya ang kanyang sarili para lang sa tupa. Iba si Jesus. Sabi niya na iaalay niya ang kanyang sarili alang-alang sa kanyang tupa. At ginawa nga niya ito. Inalay niya ang kanyang buhay para sa atin. “He was pierced for our sins, crushed for our iniquity. He bore the punishment that makes us whole, by his wounds we were healed.” (Is 53:5) Ang pag-aalay na ito ay sinasariwa natin tuwing misa. Naririnig natin ang sinasabi ni Jesus: “Ito ang aking katawan para sa inyo….Ito ang kalis ng aking dugo na ibubuhos para sa inyo.”
Pangalawa, si Jesus ay mabuting pastol kasi kilala niya ang kanyang tupa at kilala din siya ng kanyang tupa. Kaya nga ang Diyos ay naging tao upang ang lahat ng ating karanasan bilang tao ay maranasan din niya. He was tempted in all ways as we are. He underwent human suffering and even suffered more than most of us do. Jesus is no stranger to our human lot. At kilala din natin siya. Sinabi niya na ang lahat ng narinig niya sa Ama ay pinaabot na niya sa atin, kasi hindi niya tayo tinuturing na alipin kundi mga kaibigan. At binigay pa sa atin ang kanyang Banal na Espiritu upang ipaalaala sa atin ang lahat ng sinabi niya at dalhin tayo sa kabuuan ng pag-unawa ng kanyang mga salita. There is total transparency between the shepherd and his flock.
Pangatlo, si Jesus ay mabuting pastol kasi hangad niya, at kumikilos siya, upang mapasama ang iba sa kanyang kawan. Naniniwala siya na marami pa ang gustong makarinig ng kanyang salita so that there will be one flock under one shepherd. So he is one who brings unity among all. Kaya sinabi ni San Pablo: “There is neither Jew nor Greek, there is neither slave nor free person, there is not male and female; for you are all one in Christ Jesus.” (Gal. 3:28)
Si Jesus ang modelo ng leadership. Ganito ba ang ating mga leaders – sa simbahan man, sa gobyerno, sa business o sa ating mga organisasyon? Ang leader ba natin ay may malasakit sa pinamumunuan niya at tinataya ang kanyang sarili para sa nasasakupan? Noong napansin ni Jesus na pinagdedebatihan ng mga alagad niya kung sino ang mas dakila sa kanila, maliwanag ang kanyang sinabi: “Let the greatest among you be as the youngest, and the leader as the servant. For who is greater: the one seated at table or the one who serves? Is it not the one seated at table? I am among you as the one who serves.” (Lk. 22:26-27)
Pero iba yata ang nangyayari. Pinag-aawayan ang posisyon kasi mas malaki ang makukuha nila dito. Kaya nga ayaw bitawan ang pork barrel. Ngayong malapit na ang election usisain natin ang mga namumuno sa atin. Nakinabang ba sila sa kanilang posisyon? Mas yumaman ba sila sa kanilang tungkulin? Kaya nga ayaw nila magbitiw sa kanilang posisyon at kapit tuko sila dito na pati ang kanilang pamilya ay pinapaluklok nila. Hindi naman dahil sa gusto nilang maglingkod, kundi ayaw mawala ang kanilang benepisyo at ayaw masilip ang kanilang ginawa – kaya isinusulong nila ang political dynasty. Ang pamilya lang ba nila ang may monopolia sa kaalaman na maglingkod? Ano ba ang itinataya ng mga leaders natin para sa tao? Takot nga sila manindigan para sa katotohanan at katuwiran at nagpapadala lang sa gusto ng namumuno o nagluklok sa kanila. Kaya pumasa ang anti-terror bill ng mabilisan. Sunod sunuran lang ang mga kongresista sa kumpas ng nasa taas. Kaya rin hindi pa inaaksyonan ng Supreme Court na halos 9 na buwan na, kahit na may mga 37 petitions na laban sa anti-terror law na ito. Kaya nga tinanggalan ng franchise ang ABS-CBN kahit na walang dahilan kasi ayaw maninidigan ng mga congresista na ang concern ay ang kanilang political survival at hindi ang katotohanan.
Hindi lang sa gobyerno laganap ang ganyang klaseng leadership. Ganyan din sa simbahan. Kaya hindi nagsasalita sa mga kasamaan na nangyayari sa lipunan kahit na lantaran na ang pang-aapi sa mga mahihirap tulad ng sa kaso ng Drug War o sa kaso ng Red-tagging at pagpapatay sa progressive and active leaders of the people’s organizations. Sad to say, we church leaders take refuge in silence. We are like watch dogs who have lost the courage to at least bark!
A good leader knows his flock and is transparent. He is not afraid to be known by the people. Talaga bang kilala natin ang mga tao, o tayo ay nakatago sa ating condone sanitaire? Madali na ngayong panahon ng pandemic na gamitin natin ang virus bilang dahilan upang mahiwalay sa mga tao. Do we protect ourselves from the virus or, do we protect ourselves from the people and our responsibility towards them? Alam ba natin ang pangangailangan ng tao ngayon? Paano natin malalaman kung wala tayo sa piling nila? At nagpapakita lang paminsan-minsan sa taong bayan, at pre-recorded pa!
At bakit tayo takot sa accountability sa mga tao? Kaya ayaw maipasa ang freedom of information bill kasi ayaw masilip ang ginagawa ng mga political leaders natin. Kahit na gumawa na ng Executive Order ng Freedom of Information sa executive branch, maraming contrata sa China na hindi dinidisclose ang laman. Hindi nga nilalabas ang SALN ng matataas na opisyales ng bansa. Sa simbahan kailangan din natin ng transparency sa ating mga programa – kung may programa nga – at sa ating finances. Kaya nga ang finance council sa mga Parokya ay requirement ng Canon Law, siyang batas ng simbahan. Kailangan ng pari na maging transparent sa kanyang pamamahala sa Parokya.
Ang mabuting leader ay inclusive. Gusto niyang isama at pag-isahin ang lahat ng nasasakupan niya at hindi lang ang mga kakampi niya. Paano magiging inclusive ang leader kung sinisiraan niya ang hindi niya kasundo o ang kumokontra sa kanya? In a democracy we need oppositions, and strong oppositions, so that there be healthy debate and proper check and balance of power. No person, no party, has a monopoly of good ideas. Paano magkakaroon ng good discussions kung pikon ang leader at sa halip na sagutin ang mga tanong at pag-uusisa, ay tinitira at binabansagan ang mga nagtatanong? In the church too we need leaders who are not concerned only about intra-church matters. There are so many in the peripheries who have to be reached out to, and not only the usual flock that we have. Nasa taon pa naman tayo ng Missio Ad Gentes, pagmimisyon sa iba. At sa simbahan, kailangan din natin ng mga leaders na marunong makinig sa mga observasyon na hindi inaasahan. Openness brings unity but not close mindedness. Talagang hamon si Jesus na Mabuting Pastol.
Huwag sana kayo ma-turn-off sa malalakas na salita laban sa mga leaders. Ginagaya ko lang ang mga apostol na malakas din magsalita laban sa kanilang mga leaders at elders sa ating unang pagbasa. Lantarang sinabi nila: Sa ngalan ni Jesus Kristo na taga- Nazareth, na inyong pinapatay, ang taong ito ay magaling sa harap ninyo. Susunod kami sa Diyos at hindi sa inyo. Ganoon din katapang ang ating mga ninuno sa pananampalataya sa mga namumuno sa kanila.
The Good Shepherd Sunday is also the World Day of Prayer for vocations. Minsan, napuna ni Jesus na maraming tao ang litung-lito tulad ng mga tupa na walang pastol. Nasabi ni Jesus na marami ang aanihin ngunit kakaunti ang mang-aani. So he remarked: Pray therefore to the owner of the vineyard to send more laborers to the vineyard. Tumutugon tayo sa utos na ito ni Jesus sa Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa Bokasyon. Nakikita natin na kulang ang mga pastol sa simbahan. Kulang ang mga pari, kulang ang mga madre, kulang ang mga lay leaders. At hindi lang kulang sa bilang. Kulang din sa pagiging mabubuting pastol. May magagawa tayong lahat. Magdasal tayo na padalhan tayo ng Diyos ng mga pastol, at ng mabubuting pastol. Ganoon din iyan sa ating pamahalaan. Kulang tayo sa mabubuting leaders. Ang bawat isa naman sa atin ay maaaring magdasal para mga leaders natin ngayon na magbago naman sila, na ayusin naman nila ang kanilang pamumuno kasi gutom na ang mga tao, tumataas ang bilang ng mga may sakit, at marami na ang namamatay, at ngayon palang magdasal na tayo ng mabubuting leaders na tumakbo at mahalal sa election next year. It is never too early to start praying now for good leaders for next year’s elections. Magdasal tayo sa Mabuting Pastol na bigyan tayo ng mabubuting leaders sa simbahan at sa bansa.
IN PHOTO: Most Rev. Broderick S. Pabillo, Apostolic Administrator of Manila | Photo from Binondo Church Facebook Page