Minamahal na Arsobispo Socrates Villegas; Reberendo Padre Rufino Sescon, ang ating bagong rektor at kura paroko; mga kapatid na pari, diyakono, mga relihiyoso at relihiyosa; mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno; mga minamahal na kapatid kay Kristo:
Ang pagtatalaga ng bagong pastol ng pamayanang ito ay tanda ng pagkalinga ng Diyos sa kanyang bayan. Mga minamahal kong mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno, ang bagong Rektor at Kura Paroko ninyo ay paalala na mahal kayo ng Diyos, na tapat siya sa kanyang pangako na pagkakalooban niya ang kanyang kawan ng mga pastol na hinubog sa kanyang puso.
Ipinagkakatiwala ko sa inyo si Fr. Jun. Pagbuhusan ninyo siya ng inyong pagmamahal at suporta. Pinagpala lagi ang naparirito sa ngalan ng Panginoon. Ang pagmamahal ninyo ang huhubog sa kanya upang maging mabuting pari. Ang malalim na pananampalataya ninyo sa Diyos, ang katapatan ninyo sa panalangin, ang pagsisikap ninyong maging tapat, ang malasakit ninyo sa inyong parokya at sa isa’t isa ang huhubog kay Fr. Jun na maging mabuting pastol ng pamayanang ito.
Bago pa man atasan ni Hesus si Pedro na kalingain at pakainin ang kanyang mga tupa, tinanong ni Hesus si Pedro, “Iniibig mo ba ako?” Nagsisimula ang lahat sa pag-ibig kay Hesus. Nawa’y ang pag-ibig mo kay Hesus ang magbigay ng direksyon sa buhay-pastol mo. Titigan mo si Hesus sa panalangin at pagninilay sa Salita ng Diyos. Sa pagtitig mo sa mukha ni Hesus, maiiwan ang ala-ala ng kanyang mukha sa iyong puso at gunita. Makikita mo si Hesus sa bawat taong makakasalamuha mo.
Fr. Jun, ang tanging hiling namin ay ipakita mo sa amin si Hesus. Hindi mo kailangang magpakitang-gilas at magpakitang-kisig. Ipakita mo lang lagi si Hesus, dito sa Quiapo, sa bawat deboto, sa bawat pamilya, sa bawat mananampalataya, sa bawat taong naghahanap kay Hesus.
Maranasan pa rin nawa natin ang Panginoong Hesus na umaakay sa atin sa prusisyon ng buhay, sa traslacion ng buhay. Sinasamahan niya tayo at tinutulungan sa ating paglalakbay. Siya ang humahatak sa lubid at umaayos sa mga buhol ng mga problema natin. Siya ang nakasalya sa atin upang makausad tayo sa pagbabagong-buhay. Siya ang nakatukod sa atin upang hindi tayo mahulog sa kamalian at kapahamakan. Siya ang tumitimon sa atin upang magabayan tayo sa tamang landas. Siya ang pumapasan sa mga pinggâ ng kalooban natin sa tuwing pinanghihinaan tayo ng loob. Pinuprusisyon niya tayo tungo sa pagbabagong-buhay. Inaahon niya tayo at binabangon, pinaghihilom niya tayo at binibigyan ng pag-asa at lakas upang makatindig at makapagpatuloy bilang mga anak ng Diyos.
Katulad ng ginagawa natin tuwing Traslacion, nawa’y magtulungan kayo sa pamumuno ng inyong bagong pastol upang lahat tayo ay makaranas sa pagmamahal ng Mahal na Poong Hesus Nazreno.
Pagpalain tayong lahat ng Nuesto Padre Jesus Nazareno. (Photogallery)