Reberendo Msgr. Hernando Coronel, mga kapatid na pari, mga diyakono, mga relihiyoso at relihiyosa, mga lingkod-bayan, mga minamahal na kapatid na deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno, maligayang kapistahan po sa ating lahat.
Nagpupuri at nagpapasalamat tayo sa Diyos sapagkat sa pagdiriwang natin ng Banal na Misa ay naipagdarangal natin ang Mahal na Senyor. Alam kong nalulungkot ang marami sa inyo dahil hindi kayo makalapit ngayong araw na ito sa imahen ng ating Mahal na Poong Hesus Nazareno dito sa simbahan ng Quiapo. Kami rin ay nalulungkot na hindi namin kayo makasama ngayon. Gayumpaman, nananalig tayo na hindi tayo pinababayaan ng Mahal na Senyor, na hindi niya tayo iniiwanan na mag-isa at malayo sa kanya. Hindi man tayo lahat makadalaw dito sa Quiapo, ang Senyor naman, siya mismo ang dumadalaw sa ating mga pamilya at tahanan. Hindi man tayo makalapit sa imahen niya, siya naman ang lumalapit sa atin ngayon. Pumapasok siya sa ating mga puso, at pinalalakas ang ating pag-asa. Namamagitan siya sa piling natin, at pinagbubuklod tayo sa pag-ibig. Ito ang pananalig natin: Si Hesus na kaisa ng Ama sa langit ay nabubuhay rin sa puso natin, sa piling natin. Buhay na buhay si Hesus! Kaya nga’t sinasabi natin lagi, “Viva Hesus Nazareno!”
Mga kapatid, ngayong araw din ay dakilang kapistahan ng Pagbibinyag ng Panginoon. May dalawang aral mula sa kwento ng pagbibinyag ng Panginoon na makikita rin natin sa larawan ng Poong Hesus Nazareno: ang pagluluhod at pagtatayo.
Una ay ang pagluhod. Nakaluhod ang kaliwang paa ng imahen ng ating Mahal na Poon. Inilalarawan nito ang pagkakadapa niya sa daan patungong Kalbaryo, ang pagpasan niya sa bigat ng krus, ang pagpasan niya sa ating karukhaan, kasalanan, at kamatayan. Nakikiisa si Hesus sa ating abang kalagayan. Kaya’t kahit lubos ang kanyang kabanalan, nagpabinyag din siya kay Juan Bautista sa binyag ng pagsisisi. Kahit wala naman siyang kasalanan, lumuhod pa rin siya at lumublob sa maputik na tubig ng Ilog Jordan, kaisa ng mga makasalanan.
Nakatukod sa lupa ang tuhod ng Poon, dahil ang puso niya ay naka-ugnay at nakakawing sa ating mga puso. Nakikiramay siya sa sangkatauhan. Walang karanasan ng tao na hindi nauunawaan ng Poong Hesus Nazareno. Naiintidihan niya ang pagtitiis ng mga maysakit at ng mga nakapiit sa quarantine. Nararamdaman niya ang pagod at stress ng mga health workers. Nauunawaan niya ang pagsisikap ng mga mahihirap. Nakikita niya ang sakripisyo ng mga tapat na lingkod-bayan. Naririnig niya ang taghoy at hinaing ng mga OFW na nangungulila at nag-aalala para sa mga mahal nila sa buhay. Nadarama niya ang ginaw ng mga walang maisuot at walang masilungan. Alam niya ang kalam ng sikmura ng mga nagugutom at nauuhaw. Batid niya ang pagsisisi ng isang makasalanan. Nalalaman niya ang mga pagpupunyagi ng bawat isa sa atin, ang mga pangarap ng mga bata, at ang tiyaga ng matatanda. Ramdam niya tayo, at nakikiramay siya sa atin. Nauunawaan niya ang pinagdadaanan natin, nakalublob siya sa karanasan natin.
Huwag sana tayong mag-atubili na lumuhod din. Lumuhod tayo upang manalangin sa kanya, at buksan ang ating mga puso sa pagpupuri, pagpapasalamat, at pananalangin sa kanya. Lumuhod din tayo sa pagdamay sa kapwa; magmalasakit tayo sa isa’t isa. Abutan natin ng pagkakawanggawa ang ating mga kapatid, lalo na ang mga nahihirapan ngayon.
Ang ikalawang kilos na makikita natin sa Mahal na Poong Hesus Nazareno ay pagtayo. Makikita sa larawan ng Poon na tumatayo na ang kanyang kanang binti, at ang mga balikat niya ay nakaunat at nakatuwid, at ang mga mata niya ay nakatingala. Nakasuot din siya ng magarang damit, meron pang burdang ginto, katulad ng kasuotan ng isang hari. Sabi ng isang deboto, ang imahen ng Poong Hesus Nazareno ay hindi lang naglalarawan ng pagkakadapa niya noong Biyernes Santo. Ito rin daw ay paglalarawan ng Linggo ng Pagkabuhay, ng pagbangon niya mula sa himbing ng kamatayan. Ito ay larawan ng sandali na napagtatagumpayan niya ang krus ng kasalanan at karahasan. Hindi nagpatalo ang Senyor sa krus; nanaig ang pag-ibig at sumagana ang biyaya nang higit sa anumang kasamaan sa mundo.
Ganito rin ang makikita sa pagbibinyag ng Panginoon. Hindi siya nanatiling nakalublob na lamang sa maputik na ilog. Umahon siya at sa kanyang pagtayo ay nahayag ang makalangit niyang karangalan bilang Anak ng Diyos.
Tayo na nabinyagan ay nakikiisa sa pagkamatay at pagkabuhay ng Panginoon kaya’t naitatak na sa atin ang pagiging anak ng Diyos, at naitanim sa ating kalooban ang pag-asa ng makalangit na buhay. Umahon at bumangon ang Poong Hesus Nazareno upang maiahon at maibangon tayo. Tumayo siya upang akayin tayo na makatayó sa buhay nang may dangal.
Ngayong ikalawang taon na, na hindi pa rin natin maidaraos ang prusisyon ng Traslacion, maranasan pa rin nawa natin ang Panginoong Hesus na umaakay sa atin sa prusisyon ng buhay, sa traslacion ng buhay. Sinasamahan niya tayo at tinutulungan sa ating paglalakbay. Siya ang humahatak sa lubid at umaayos sa mga buhol ng mga problema natin. Siya ang nakasalya sa atin upang makausad tayo sa pagbabagong-buhay. Siya ang nakatukod sa atin upang hindi tayo mahulog sa kamalian at kapahamakan. Siya ang tumitimon sa atin upang magabayan tayo sa tamang landas. Siya ang pumapasan sa mga pingga ng kalooban natin sa tuwing pinanghihinaan tayo ng loob. Hindi man natin ngayon maiprusisyon ang imahen ng Mahal na Poong Hesus Nazareno; siya ngayon ang nagpuprusisyon sa atin. Pinuprusisyon niya tayo tungo sa pagbabagong-buhay. Inaahon niya tayo at binabangon, pinaghihilom niya tayo at binibigyan ng pag-asa at lakas na makatindig at makapagpatuloy bilang mga anak ng Diyos.
Sa pagsasaloob natin sa pagtayo ng Mahal na Senyor, maudyukan din nawa tayo na tumayo nang may dangal sa buhay. Talikuran natin ang kasalanan at mamuhay tayo bilang mga anak ng Diyos. Mahal na mahal tayo ng Poong Hesus Nazareno, hindi niya gusto na nayuyurakan ang ating pagkatao, ayaw niyang masira tayo ng kasalanan at kasamaan. At tumayo rin tayo upang akayin ang isa’t isa patungo sa kabanalan at kaunlaran sa buhay. Katulad ng ginagawa natin tuwing Traslacion, magtulungan tayo upang lahat tayo ay makaranas sa pagmamahal ng Mahal na Poon, magtulungan tayo upang tayong lahat ay makarating sa langit na siyang ating tahanan.
Manalangin tayo ngayon katulad ng madalas nating inaawit sa Mahal na Senyor:
Poong Hesus Nazareno naming Mahal,
ito po ang dalangin namin at kahilingan:
Na kami po’y nawa’y ilayo mo sa anumang kapahamakan,
at bigyang lakas na makaahon sa kahirapan.
Huwag po Ninyo kaming pababayaan,
lagi Niyo po Kaming papatnubayan,
Kaawaan Niyo po kami’t patawarin sa mga kasalanan
Poong Hesus Nazareno naming Mahal. (RCAM-AOC)