Rev. Msgr. Emmanuel Sunga, ang ating Kura Paroko, mga kapatid na pari at diyakono, mga minamahal na kapatid kay Kristo,
Habang nasa panahon tayo ng Adbiyento, ipinagdiriwang natin ang dakilang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Loreto dito sa ating parokya. Ang debosyon sa ating patrona ay nakaugnay sa tahanan ni Maria kung saan dumalaw ang anghel at ibinalita na si Maria ang magiging ina ng Diyos. Ito ang tahanan kung saan sa isang punto sa kasaysayan ng sangkatauhan, nanahan ang Diyos sa ating piling, nagkatawang tao ang anak ng Diyos.
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang tahanan. Saan man naroroon ang Pilipino, babalik at babalik sa tahanan kapag Pasko para makasama ang pamilya. Deep inside, each Filipino’s heart is the desire to behold whether the home is a kubo, an apartment, a chanty, a condominium or a mansion. It is home and he belongs there.
Ang salitang ugat ng tahanan ay “tahan” – tahan sa pagtigil ng pag-iyak, pagpahid ng luha. Tahan, na pananatili hindi pag-iwan. Si Hesus ang ating tahanan. Ang puso ni Maria ay ating tahanan. Nawa’y ang parokya ay maging ating tahanan, uuwian natin kapag tayo ay pagod, gutom, nalilito, nasasaktan para umuwi sa yakap ni Hesus, sa yakap ni Maria, sa yakap ng pamayanan.
Sa unang pagbasa, ipinahayag ni propeta Isaias ang pagdating ng Mesiyas. Sa kanyang pagdating, sumilay ang liwanag sa mundong matagal ng nababalot sa dilim. Ito ay nagdulot ng pagbubunyi at pagdiriwang. Dulot ng kanyang pagdating ay hindi mapapantayang ligaya, kapayapaan at katarungan. Kailangang dumating si Hesus. Kailangan natin si Hesus. Si Maria ang humaran natin ngayong panahon ng Adbiyento. Siya ang unang halimbawa sa paghahanda at pananabik sa Panginoon. Ang buong buhay ni Maria ay nakatuon kay Hesus. Ang buong buhay ni Maria ay nakaturo kay Hesus. Kaya’t si Maria ay huwarang tagasunod. Si Hesus ang kahulugan ng buhay ni Maria. Sa bawat yugto ng buhay ni Maria, tila sinasabi niya, “Kay Hesus umiikot ang mundo ko.” Pinaghandaan niya ang pagdating ni Hesus sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Diyos. Pinaghandaan niya ang pagdating ng Panginoon sa pamamagitan ng pagmamalasakit. Sa ebanghelyo, narinig natin si Maria na nasa paanan ng krus ni Hesus. At the foot of the cross, Mary stood with compassion. Iniwan na si Hesus ng lahat, ngunit nanatiling tapat na nakatindig sa paanan ng krus si Maria, sa paanan ng krus ni Hesus si Maria. Pinanindigan ni Maria si Hesus. Sa gitna ng pagdurusa, naglaho silang lahat ngunit nanatiling tapat si Maria. Naroon siya sa paanan ng krus. Hindi inwan ni Maria si Hesus. Hindi bumitiw si Maria sapagkat ang pag-ibig na tapat ay hindi bumibitiw lalo na sa paghihirap at kabiguan.
Ang pagbubukas natin ng ating buhay kay Hesus ay nagbubunsod sa atin na magbukas din ng sarili sa kapwa na may malasakit at pagmamahal. Napakalawig ng puso at bisig ni Mria. Because of her compassion, she was able to stretch her heart and arms so that she could embrace others and respond to their needs. Niyakap ng puso at bisig ni Maria ang lahat ng dumudulog sa kanya.
Nang ibalita sa kanya na buntis ang kanyang pinsang si Elizabeth, batid niyang nahihirapan ito sapagkat matanda na. Kaya nga’t nagmamadali at nag-aalalang nagtungo si Maria sa kanyang pinsan upang tuwangan siya ng ilang buwan.
Ang Magnificat ni Maria ay awit din ng malasakit sa mga anawin, sa mga dukha. Naging tinig si Maria ng mga hindi pinakikinggan at pinahahalagahan. Nangarap si Maria para sa mga dukha. Umawit si Maria ng awit ng kabutihan ng Diyos sa mga maliliit, walang tinig, hindi maipaglaban ang sarili, walang lakas at kapangyarihan, sa mga taong tanging sa Diyos, sa Diyos lamang umaasa.
During the Wedding at Cana, she was also moved with compassion for the couple who was experiencing a crisis in their wedding, they were running out of wine. Kahihiyan ito noong panahong iyun. Nakakahiyang maubusan ng alak sa isang kasalan. Kaya nga dumulog si Maria sa kanyang anak na si Hesus. Namagitan si Maria para mag himala si Hesus. The couple was saved from an impending crisis. Jesus turned the water into wine.
Marami sa atin ang nakaranas, nakaranas na tumayo sa paanan ng krus ng iba katulad ni Maria. Maaaring krus ng karamdaman o kamatayan. Maaaring pagsama sa kaibigang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa isang aksidente. Maaaring pag-aaruga sa isang mahal sa buhay na may cancer habang unti unting nakikita ang pagbagsak ng katawan at kalusugan nito. Ito’y mga pagkakataong kasama natin si Maria sa paanan ng krus. Tanging pag-ibig lamang ang makapagtitiis na manatiling tapat sa paanan ng krus.
Hilingin natin na matulad tayo kay Maria sa pagtindig niya sa tapat ng paanan ng krus ni Hesus. Hilingin natin lalo na sa gitna ng pandemyang ito na tulad ni Maria, lumalim ang ating pananampalataya at lumawig ang ating pagmamalasakit. Amen. (RCAM-AOC | Photo from SOCOM/Archdiocesan Shrine of Our Lady of Loreto )