Binuksan ngayong ika-16 ng Abril 2021 ang Banal na Pinto ng Arkidiyosesanong Dambana ng Santo Niño sa Tundo para sa Hubileyo ng Ika-500 Taon ng Pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang maringal na ritu na pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang Obispo Broderick S. Pabillo, D.D., Apostolikong Tagapangasiwa ng Arkidiyosesis ng Maynila, na siyang sinundan ng pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.
Isa ang Parokya ng Santo Niño de Tondo sa 12 mga simbahan na sakop ng Arkidiyosesis ng Maynila na pinagkalooban ng pribilehiyong magpasinaya ng Porta Sancta upang maging daluyan o instrumento ng pagkakaloob ng Indulhensiya Plenarya para sa Taon ng Misyon. Makakamtan ito sa pagpasok sa Pintuan ng Hubileyo kasabay ng pagtupad sa mga pangkaraniwang kondisyon ng Simbahan: Pangungumpisal, Pagdalo sa Banal na Misa, Pagtanggap ng Banal na Komunyon, at pagdarasal para sa intensyon ng ating Santo Papa Francisco.
Naging sentro ng Homilya ni Bishop Pabillo ang pagpapaliwanag sa mga biyayang kalakip ng pagiging Pilgrim Church: ang Plenary Indulgence, at ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos. “Ang Plenary Indulgence, ‘yung damage na ginawa [ng ating kasalanan] ay binayaran na… Ina-apply natin [ito] sa ating sarili… [o] sa isang kamag-anak na namatay na.” ani Bishop Pabillo.
“Iba ang pananaw ng tao sa pananaw ng Diyos, sa paraan ng Diyos. Kaya kailangan natin makinig sa Kanyang salita. Tanggapin po natin ang paraan ng Diyos. Sana sa ating pagdiriwang ng limang daang taong ito, mas mahubog ang ating pananalig. Mas lalo tayong maging maka-Diyos. Mas lalo tayong maging maka-Kristo.” pagtatapos ni Bishop Pabillo.
Kaisa sa makasaysayang pagdiriwang na ito ang kaparian at buong komunidad ng Arkidiyosesanong Dambana ng Santo Niño sa pangunguna ng butihing Rektor at Kura Paroko na si Reb. Pd. Estelito E. Villegas. Mananatiling bukas ang lahat ng Jubilee Door sa buong bansa hanggang sa ika-22 ng Abril 2022. (John Emmanuelle D. Resurreccion/SOCOM-Archdiocesan Shrine of Sto. Nino)