Matapos muli ang implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Greater Manila, ang mga simbahan, kabilang na ang Arkidiyosesanong Dambana ng Santo Niño sa Tondo ay nagdaos muli sa ikalawang pagkakataon ng mga liturhikal na mga gawain para sa mga Mahal na Araw ngayong Marso hanggang Abril 2021 sa pamamagitan online platforms.
Naunang nilimitahan sa 10 porsyento ng kapasidad ng dambana ang mga maaaring papapasukin noong ika-23 ng Marso bilang tugon sa Pastoral Instruction ng Lubos na Kagalang-galang Bishop Broderick S. Pabillo. Ngunit matapos ang anunsyo ng Pamahalaan patungkol sa pagpapatupad ng ECQ, kaagad nagsuspende ng pampublikong pagdiriwang ng Banal na Misa ang Parokya ng Santo Niño sa Tondo.
Kasabay nito ang pagkansela ng lingguhang Lenten Recollection ng Parokya, at ilang gawain sa Semana Santa; idinaos ng Daan ng Nagdadalamhating Ina noong ika-26 ng Marso, Viernes Dolores, sa pamamagitan ng Live Streaming. Binawasan din ang mga oras ng Santa Misa simula ika-28 ng Marso, Linggo ng Palaspas hanggang sa kabuuan ng pinaigting na community quarantine classification.
Dahil sa limitasyong idinulot ng pinaagang curfew, ang mga pagdiriwang sa Banal na Triduong Pampaskwa ay isinagawa lahat sa pinaaga ring oras na ikatlo ng hapon. Pinangunahan ang mga ito ng Rektor at Kura Paroko ng Dambana ng Santo Niño de Tondo na si Reb. Pd. Estelito E. Villegas kasama ang iba pang kaparian, at mga seminaristang naglingkod sa pagdiriwang.
Sinundan ang mga pagdiriwang na ito ng ilang oras na pagtatanod, una ng Banal na Sakramento noong Huwebes Santo, at ng Santo Entierro noong Biyernes Santo na ginawa muli sa pamamagitan ng Facebook Live Streaming. Bagaman nakansela ang pamparokyang pagninilay sa Huling Pitong Wika sa Biyernes Santo, ito ay itinuloy sa tulong Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) at ipinalabas sa kanilang official Facebook page.
Pag-alaala ang naging tema ng mga homilya ni Pd. Villegas sa Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Hapunan ng Panginoon sa Huwebes Santo at Pagdiriwang ng Pagpapakasakit ng Panginoon sa Biyernes Santo. “Mapanganib ang paglimot o amnesia, sapagkat ang anomang pagkalimot ay kawalan ng kakayahang gawin ang dapat gawin,” aniya ni Pd. Estelito.
“Sa napakalaking pag-ibig ng sa atin ng Diyos, ibinigay Niya sa atin ang kayang Anak… na tumapad ng Kanyang misyon, at ang misyong ito atin ngayong binabalik sa ating pagdiriwang upang tayo ay hindi makalimot,” dagdag pa niya.
Pagtawid naman ang naging mensahe ng Kura Paroko sa kanyang homilya sa Magdamagang Pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay noong Sabado Santo, “Tayo ngayon ay nakikiisa kay Hesus, sa pagtawid natin taglay ang pasya na tayo ay para sa Kanya, at sasama sa Kanya,” aniya Pd. Villegas.
Sa darating na ikasiyam ng Abril sa walong araw na pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, bubuksan ang Banal na Pinto ng Dambana ng Santo Niño de Tondo bilang isa sa mga piniling Pilgrim Churches sa bansa kaugnay ng Hubileyo sa Ika-500 Taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Inaasahang ang mga susunod na pagdiriwang sa simbahan ng Tondo ay mananatiling online habang nakasailalim ang National Capital Region Plus sa ECQ.
By John Emmanuelle D. Resurreccion
SOCOM-Archdiocesan Shrine of Santo Niño
Vicariate of Santo Niño
Photo by Jeric San Antonio
SOCOM-Archdiocesan Shrine of Santo Niño
Vicariate of Santo Niño