Mga Fire Volunteers, nagbigay-pugay sa Banal na Krus ngayong Biyernes Santo

Hindi napigil ng pandemya ang maalab na pagnanais ng Pang-Arkidiyosesis na Dambana ng Mahal na Ina ng Loreto na ilapit ang pagdedebosyon, pamamanata ng mga mananampalataya sa distrito ng Sampaloc ngayong Biyernes Santo matapos itanghal ang Banal na Krus sa gitna ng Liwasan ng Figueras (Plaza Figueras).

Kasabay ng paglabas ng imahe ay sinalubong ito ng “Water Salute” ng mga bumbero mula sa Gaffud Fire & Rescue Volunteer Brigade. Ang water salute ay isang paraan ng pagbibigay-pugay o galang ng mga bumbero, sa panahong ito, para sa Panginoong Hesus na inialay ang buhay para sa ating lahat.

Sa kabilang banda, siniguro naman ng parokya ang mahigpit na pagsunod sa mga minimum health protocols sa bawat pagdiriwang, lalo na ngayong Banal na Triduo, sa tulong na rin ng konseho ng Barangay 415.

Kabilang sa mga protocols na ito ay ang hindi paghawak o pagpunas sa Banal na Krus at iba pang imahe, pagsusuot ng face mask at face shield sa loob ng Parokya, at pagdaan sa pagsusuri ng temperature ng katawan bago pumasok sa loob, at pagsunod sa 10% seating capacity.

Gayundin, ang lahat ng mga liturhikal na Gawain at pagdedebosyon ay napapanuod din online sa pamamagitan ng ASOLL Network-Parish Social Communications Ministry (www.Facebook.com/asollnetwork). (Fernyl N. Rebibis/SOCOM Archdiocesan Shrine of Our Lady of Loreto/Vicariate of Our Lady of Loreto)

 

Leave a reply