Minamahal na Arsobispo Socrates B. Villegas, Obispo Teodoro Bacani, Reberendo Padre Carmelo Arada, Jr., ang ating bagong kura paroko; mga kapatid na pari, diyakono, mga relihiyoso at relihiyosa, mga minamahal na kapatid kay Kristo:
Tunay na pinagpala kayo dito sa Santisima Trinidad Parish sapagkat sa araw na ito ay itinalaga ang ikatlong Kura Paroko ng inyong komunidad, si Fr. JekArada. Ang pagtatalaga ng bagong pastol ng pamayanang ito ay tanda ng pagkalinga ng Diyos sa kanyang bayan.
Mapalad kayo sa Santisima Trinidad Parish sapagkat sa kasaysayan ng inyong munting parokya, laging nagpapadala ang Diyos ng mahuhusay, mababait at mapagmalasakit na mga pastol. Naryaan si Fr. Domingo Baybay, ang inyong unang Kura Paroko na nagsikap upang pagbuklurin ang inyong komunidad, nagtrabaho para mapasainyo ang lupang kinatatayuan ng simbahang ito at nagpatayo parish center at rectory. Naryaan din si Fr. Jojo Buenafe, ang inyong ikalawang Kura Paroko, na nanguna sa pagpapasa-ayos ng napakagandang simbahang ito na inyong natapossa kabila ng Covid-19 pandemic. Hindi lamang itong simbahan ang inyong napaganda, ang inyong pamayanan ay tumibay din sa harap ng mga pagsubok na dala ng pandemya. Ngayon naman ay isinusugo sa inyo si Fr. Jek, ang inyong ikatlong Kura Paroko. May mga nagsasabi na “blessings come in threes”, at mukhang ito ay totoong-totoo sa karanasan ng inyong Parokya na nakatalaga sa Banal na Santatlo – ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo.
Sabi ni Pope Francis sa kanyang Apostolic Exhortation na Evangelii Gaudium: “Ang parokya ay presensya ng Simbahan sa isang partikular na lugar, isang tagpuan para sa pakikinig sa salita ng Diyos, pag-unlad ng búhay Kristiyano, pakikipagdiyalogo, pagpapahayag, bukas-palad na pagkakawanggawa, pagpupuri, at pagdiriwang. Sa pamamagitan ng lahat ng kanyang gawain, hinihikayat at hinuhubog ng parokya ang mga kasapi niya na maging tagapagpahayag ng Ebanghelyo. Ito’y komunidad ng mga komunidad, isang dambana kung saan makaiinom ng mga nauuhaw sa gitna ng paglalakbay nila, at sentro ng patuloy na misyonerong pagsugo”(EG, 28). Ito ang dalangin ko para sa inyong parokya at naniniwala ako na malaki ang maitutulong sa inyo ni Fr. Jek sa layuning ito.
Ipinagkakatiwala ko sa inyo si Fr. Jek. Pagbuhusan ninyo siya ng inyong pagmamahal at suporta. Mabait si Fr. Jek: madaling lapitan, pala-kaibigan, maunawain at mapagmalasakit. Hayaan niyong hubugin kayo at akayin ni Fr. Jek sa inyong buhay pananampalataya.
Fr. Jek, ipinagkakatiwala sa iyo ni Hesus, ang Mabuting Pastol, ang parokyang ito. Nais Niyang akayin mo sila sa buhay na sumasalamin sa buhay ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo: isang komunidad na pinagbubuklod ng pag-ibig. Mahalin mo ang mga mananampalataya sa Santisima Trinidad Parish. Hanapin mo at mahalin din ang mga hindi pa kabilang o mga nagsilayo na sa ating pamayanang Kristiyano.Ipakita mo sa kanila ang mukha ng Diyos ng Pag-ibig.
Mga kapatid, Fr. Jek, huwag kayong mangamba. Palagi niyong kasama si Maria, ang Ina ng Diyos at Ina nating lahat. Katulad ni Maria, maging daan nawa kayo ng pagmamahal ng Diyos sa isa’t-isa at sa lahat ng mga mamamayan ng bahaging ito ng Maynila.
Pagpalain kayo ng lagi ng Diyos ng Pag-ibig: Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen. (Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC | Photogallery)