Message delivered by Rev. Fr. Rufino Sescon, rector and parish priest of Quiapo Church during the Solemn Declaration to a National Shrine, January 29, 2024

Tayong lahat ay naririto dahil tinipon tayo ng Diyos, dahil mahal tayo ng Diyos. Kaya’t bigyan natin ng papuri, parangal at pasasalamat ang ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno!

Unending thanksgiving! Walang hanggang pasasalamat! Ito po ang dalanging usal ng bawat deboto na nagpupunta dito sa Quiapo. Halos dalawang daan at limampung taon na… mula ng nanahan ang Nazareno dito sa Quiapo. At simula noon hanggang ngayon, hindi niya binibigo ang milyon-milyong namamanata at tumatawag sa kanya.

Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno! Kalakip ng biyayang ito ang hamon na dalisayin at gawing mabunga ang ating debosyon. Hindi lingid sa karamihan na kapag binanggit ang Nazareno, ang traslacion ang agad nating naiisip. Ngunit higit pa dyan ang kaganapan sa dambanang ito. Naririyan ang mga libo-libong tahimik na pumupunta mula Luzon, Visayas at Mindanao, umulan man o umaraw upang magsimba, maglakad ng paluhod at magbigay pugay sa kanya. Naririyan ang mga motorista na sa pagdaan sa harap ng simbahan ay hihinto saglit at magtataas ng kamay ng pagtagubilin. Naririyan ang mga taong simbahan na agad nagbabahagiat naghahatid ng ayuda sa mga nasunugan, binaha, nalindol at iba pang pangangailangan. Naririyan ang mga streetdwellers at vendors na ating tinutulungan at tinuturuan. Naririyan ang mga presong dinadamayan habang nasa loob at kapag nakalaya na ay binibigyan ng pamasahe at panimulang tulong sa pagbabagong buhay. Naririyan ang mga kabataang inaalalayan sa kanilang matrikula, katekesis at paglilingkod. Naririyan ang mga lingkod simbahan na galing pa sa malalayong lugar at nagbabahagi ng kanilang oras at lakas upang maging maayos ang ating mga gawain. Naririyan ang mga international devotees na walang sawang sumusubaybay at tumutulong sa atin lalo na ang mga may Nazareno replica sa Hongkong, Singapore, America, United Arab Emirates, London, Canada, Austria, Italya, Australia, Israel at kung saan may mga Pilipino sa iba’t-ibang panig ng daigdig. Ang tahanan ni Jesus Nazareno ay tahanan ng bawat Pilipino. Walang hanggang pasasalamat sa mga deboto at namamanata. Kayo po ang kayamanan ng simbahan ng Quiapo!

Higit pa sa traslacion ang debosyon sa Poong Nazareno. Misyon ang bunga ng debosyon at ito ang hamon sa atin ng ating mga minamahal na obispo, palalimin ang debosyon para magtungo sa misyon. Ito ang sama-sama nating ipagdasal at pagtulungan. Mga ka-deboto at kapatid sa Hijos del Nazareno, ipakita natin si Jesus! Ipakita natin na ang puwersa ng traslacion na kinamamanghaan ng buong mundo ay maging puwersa din ng awa, pagmamahal, kapayapaan, katarungan, pagkakaisa at kabutihan. Ang tunay na deboto ay misyonero! Let this shrine not just be a place of welcome for devotees but a place to send missionary disciples of Jesus.

Salamat po sa ating kagalang galang na Mayora Honey Shiela Lacuna Pangan at sa lahat ng katuwang sa pamahalaan. Nagsimula na po tayong panibaguhin ang mukha ng traslacion. Patuloy nating ibalik ang orihinal na pagpapahayag ng debosyon sa Nazareno. Ibig po naming makita si Jesus!

Siguro nga po, bago pa sumapit ang araw na ito, matagal ng dambana ang Quiapo. This church has become holy ground ever since the Nazareno came here. This is truly a shrine because of the fervent faith of the devotees and overflowing grace and mercy from the Lord. The petition of our dear Cardinal Archbishop and the approval by our beloved bishops are but an affirmation of this spiritually rich reality. Your presence today in this shrine gives so much joy and confidence to us devotees. Our unending gratitude to Archbishop Charles John Brown, our Apostolic Nuncio, Bishop Pablo Virgilio David, president of the CBCP, to our bishops and to our dearest Cardinal Jose Advincula. Walang hanggang pasasalamat po Cardinal Joe, Archbishop Brown, Bishop David at mga obispo ng Pilpinas!

Walang hanggang pasasalamat Mahal na Poong Jesus Nazareno! Ikaw ang aming lakas at pag-asa. Ikaw ang tumatanggap at nagsusugo sa amin. Hinding-hindi kami magsasawang purihin at ipagsigawan ang iyong pangalan.

Mahal na Poong Jesus Nazareno… kaawaan mo kami. Basbasan mo po kami. Amen. Amen.

Viva Poong Jesus Nazareno! (Photo by Mio Angelo Hermoso/RCAM-AOC)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *