Message delivered by Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula during the  Installation of Msgr. Claro Matt Garcia as Parish Priest of Sta. Clara de Montefalco Parish on August 8, 2023

Reberendo Msgr. Claro Matt Garcia, ang ating bagong kura paroko; mga kapatid na pari, diyakono, mg arelihiyoso at relihiyosa, mga minamahal na kapatid kay Kristo:

Nagagalak ako na makasama kayo sa hapong ito sa pagtatalaga kay Msgr. Matt bilang inyong kura paroko.

Msgr. Matt, binabati kita sa araw na ito ng iyong pagkakatalaga bilang bagong kura paroko ng Santa Clara.  Salamat dahil buongpuso mong tinanggap ang misyon na ito.  Makakaasa ka ng lagi sa aking suporta at panalangin sa iyong pagharap sa mga hamon na kasama ng bagong responsibilidad na ito.

Msgr. Matt, may dahilan ang Diyos kung bakit ikaw ang ipinadala niya dito.  Alam ng Diyos na may mga katangian at kakayahan ka na maiaalay mo sa komunidad na ito.  At ang sambayanang ito ay regalo ng Diyos sa iyo.  Hindi sila obligasyon.  Hindi sila mabigat na krus naiyong papasanin.  Hindi sila trabaho.  Sila ay regalo ng Diyossaiyo.  Kaya naman mahalin at paka-ingatan mo sila sa pamamagitan ng iyongbuong puso at buong buhay na paglilingkod.

Mahalin at paglingkuran mo ang iyong sambayanan, unang-una, sa pananalangin para sa kanila.  Ito ang pangunahing tungkulin mo bilang pastol.  Araw-araw mo silang ipagdasal.  Lagi-lagi mo silang ipagdasal, lalong-lalo na sa pagdiriwang ng Banal na Misa.  Mahalaga na bilang pastol, ipinagdadasal natin ang ating kawan sapagkat ang tunay na mangangalaga sa kawan ay hindi tayo, kundi ang tunay na Mabuting Pastol na siHesus.

Msgr. Matt, mahalin at paglingkuran mo ang iyong sambahayan na regalo sa iyo ng Diyos sa pamamagitan ng pagdiriwang ng mahusay at karapat-dapat na mga sakramento.  Busugin mo sila ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mga homily na makabuluhan, pinaghandaan, at tunay na magiging gabay nila sa kanilang pamumuhay.  Maging pastol ka na hindi malayo, hindi palaging wala, kundi nakikipaglakbay kasama ng kawan.

Katulad ni Hesus na noong Huling Hapunan ay nananalangin sa Ama at nagsabi, “Ama, sila ay handog mo sa akin” (Jn. 17:24), lagi mo nawang ipagpasalamat sa Diyos ang sambayanang  ipinagkatiwala niya sa iyo.  Masabi mo din nawa sa Diyos araw-araw, “Ama sila ay regalo mo sa akin.”

At sa inyo naman, mga minamahal kong mga kapatid ditto sa Santa Clara, kung paanong kayo ay regalo ng Diyos kay Msgr. Matt, si Msgr. Matt naman ay regalo ng Diyos sa inyo.  At katulad ng mahahalagang regaling ating natatanggap, pakiusap ko na mahalin at paka-ingatan ninyo siya.  Ipagdasal ninyo siya palagi. Tuwangan ninyo siya.  Iambag ninyo ang mga talent, kakayahan at panahon para sa pagtataguyod ng simbahan.  Bilang inyong ama dito sa parokya, bahagi siya ng iyong pamilya at ng iyong buhay.  Kaya kung paanong ipinagdadasal ninyo ang inyong pamilya, isama ninyo si Msgr. Matt sa inyong araw-araw na panalangin.

Mahalin at ingatan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong pakikiisa sa kanya, pagsuporta sa mga gawain at programa ng parokya, at pagtulong sa kanyang magampanan ang kanyang mga responsibilidad bilang inyong kura paroko.  Unawain ninyo ang kanyang kahinaan. At paalalahanan nang may pagmamahal kung mayroon siyang pagkukulang.

Ipinagkakatiwala ko kayo sa maka-inang pagkalinga ng ating Mahal naBirheng Maria at panalangin ni Santa Clara. (Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC | Photogallery)

 

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *