Reberendo Padre Jojo Panelo at Arnel Calata, ang ating bagong mission station priests; mga kapatid na pari, diyakono, mga relihiyoso at relihiyosa, mga minamahal na kapatid kay Kristo:
Nagagalak ako na makasama kayo sa hapong ito sa pagtatalaga ng Maria Mahal na Ina ng Awa Mission Station at ni Reberendo Padre Jojo Panelo at Arnel Calata bilang inyong mission station priests.
Pangarap ni Pope Francis ang isang simbahan na nakababad sa mga tao at mukha ng awa at pag-ibig ng Diyos. Nais niya na ang simbahan na malawig ang yakap ng bisig, bukas ang mga pintuan, at laging pasulong na taglay ang misyon ni Hesus. Hinahamon niya ang mga pari na maging mga pastol na kaamoy ng kanilang mga tupa. Kaya nga’t sa Arkidiyosesis ng Maynila, pamamaraang pastoral natin na magtatag ng mga mission stations upang dalhin si Hesus sa mga laylayan ng ating mga pamayanan.
Nawa ang mission station na ito ang maging “presensya ng Simbahan sa isang partikular na lugar, isang tagpuan para sa pakikinig sa salita ng Diyos, pag-unlad ng búhay Kristiyano, pakikipagdiyalogo, pagpapahayag, bukas-palad na pagkakawanggawa, pagpupuri, at pagdiriwang. Sa pamamagitan ng lahat ng kanyang gawain, hinihikayat at hinuhubog ng parokya ang mga kasapi niya na maging tagapagpahayag ng Ebanghelyo. Ito’y komunidad ng mga komunidad, isang dambana kung saan makaiinom ng mga nauuhaw sa gitna ng paglalakbay nila, at sentro ng patuloy na misyonerong pagsugo”(EG, 28). Ito ay pangarap ni Pope Francis sa ating mga pamayanan. Ito rin ang dalangin ko para sa inyong mission station at naniniwala ako na malaki ang maitutulong sa inyo nila Fr. Jojo at Fr. Arnel sa layuning ito.
Minamahal na bayan ng Diyos, nais ng simbahan na maging malapit sa inyo. Nais ng simbahan na makilakbay sa inyo at damayan kayo ng may makainang pagkalinga. Isinusugo sila Fr. Jojo at Fr Anel dito sa Maria Mahal na Ina ng Awa Mission Station upang maging mga pastol ninyo.
Fathers Jojo at Arnel, binabati kita sa araw na ito ng iyong pagkakatalaga bilang bagong mission station priests ng pamayanang ito. Salamat dahil buong puso ninyong tinanggap ang misyon na ito. Makakaasa kayong lagi sa aking suporta at panalangin sa iyong pagharap sa mga hamon na kasama ng bagong responsibilidad na ito.
Fathers Jojo at Arnel, may dahilan ang Diyos kung bakit kayo ang ipinadala niya dito. Alam ng Diyos na may mga katangian at kakayahan ka na maiaalay kayo sa komunidad na ito. At ang sambayanang ito ay regalo ng Diyos sa inyo. Hindi sila obligasyon. Hindi sila mabigat na krus na inyong papasanin. Hindi sila trabaho. Sila ay regalo ng Diyos sa inyo. Kaya naman mahalin at paka-ingatan ninyo sila sa pamamagitan ng inyong buong puso at buong buhay na paglilingkod.
Mahalin at paglingkuran ninyo ang iyong sambayanan, unang-una, sa pananalangin para sa kanila. Ito ang pangunahing tungkulin ninyo bilang pastol. Lagi-lagi ninyo silang ipagdasal, lalong-lalo na sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Mahalaga na bilang pastol, ipinagdadasal natin ang ating kawan sapagkat ang tunay na mangangalaga sa kawan ay hindi tayo, kundi ang tunay na Mabuting Pastol na si Hesus.
Fathers Jojo at Arnel, mahalin at paglingkuran ninyo ang iyong sambahayan na regalo sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng pagdiriwang ng mahusay at karapat-dapat ng mga sakramento. Busugin ninyo sila ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mga homilya na makabuluhan, pinaghandaan, at tunay na magiging gabay nila sa kanilang pamumuhay. Maging pastol kayo na hindi malayo kundi nakikipaglakbay kasama ng kawan.
Katulad ni Hesus na noong Huling Hapunan ay nananalangin sa Ama at nagsabi, “Ama, sila ay handog mo sa akin” (Jn. 17:24), lagi ninyo nawang ipagpasalamat sa Diyos ang sambayanan ipinagkatiwala niya sa inyo. Masabi mo din nawa sa Diyos araw-araw, “Ama sila ay regalo mo sa akin.”
At sa inyo naman, mga minamahal kong mga kapatid dito sa Maria Mahal na Ina ng Awa Mission Station, kung paanong kayo ay regalo ng Diyos kina Fr. Jojo at Fr. Arnel, sila naman ay regalo ng Diyos sa inyo. At katulad ng mahahalagang regalong ating natatanggap, pakiusap ko na mahalin at paka-ingatan ninyo sila. Ipagdasal ninyo sila palagi. Bilang inyong ama dito sa parokya, bahagi sila ng iyong pamilya at ng iyong buhay. Kaya kung paanong ipinagdadasal ninyo ang inyong pamilya, isama ninyo sila sa inyong araw-araw na panalangin.
Mahalin at ingatan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong pakikiisa sa kanila, pagsuporta sa mga gawain at programa ng parokya, at pagtulong sa kanilang magampanan ang kanilang mga responsibilidad bilang inyong mission station priests. Unawain ninyo ang kanilang kahinaan. At paalalahanan ng may pagmamahal kung mayroon silang pagkukulang.
Ipinagkakatiwala ko kayo sa maka-inang pagkalinga ng ating Mahal na Birhen Ina ng Awa. (Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC | Photogallery)