HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal, Mass of the Lord’s Supper at the Manila Cathedral, April 15, 2022, 5 p.m.

Mga kapatid kong pari, mga diyakono, seminarista, relihiyoso at relihiyosa, mga ginigiliw kong kapatid kay Kristo,

Nagpapasalamat tayo sa Diyos sapagkat tinipon niya tayo mgayong Huwebes Santo upang maringal na maipagdiwang itong Misa sa pagtatakip silim sa paggunita sa Huling Hapunan ng Panginoon.

Dalawang taon din tayong pinigilan ng mga hard lockdown upang maipagdiwang ang mga Mahal na Araw na magkakasama sa loob ng simbahan. Sa awa ng Diyos, nakapagtipon at nakapagdiriwang tayo ngayon.

Idulog din natin sa awa ng Diyos ang kalagayan ng mga kapatid natin sa Visayas na nagluluksa at nahihirapan ngayon dala ng pamiminsala ng bagyong Agaton. Alalahanin natin sila sa ating mga panalangin.

Mga kapatid, sa kabanalan ng dapit-hapong ito, inaalala natin ang Huling Hapunan ng Panginoon. Bago siya nagpakasakit sa krus, nakipaghapunan si Hesus kasama ang mga alagad niya. Doon ay kumuha siya ng tinapay at alak, binasbasan iyun at ibinahagi sa mga alagad niya. Sa gayong paraan, ipinahayag niya ang kahulugan ng mga pangyayari kinabukasan. Ang pagpapakasakit niya sa krus ay pag-aalay niya ng sarili niyang katawan at pagbubuhos ng sarili niyang dugo alang alang sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ngunit bukod sa paghahain ng tinapay at alak, may iniulat pa si San Juan na ginawa si Hesus noong huling hapunan. Narinig natin sa ebanghelyo ngayong gabi na hinugasan din niya ang paa ng mga alagad niya.

Sa ating pagninilay ngayon, pumulot tayo ng tatlong aral mula sa ginawa ni Hesus sa paghuhugas ng paa ng mga alagad niya. Pagpapakumbaba o humility, kahandaang maglingkod o availability at pagbabahagi ng paglilingkod o empowerment.

Ang unang aral ay pagpapakumbaba o humility. Ang paghuhugas ng paa ay nakakadiring trabaho. Maruming marumi ang paa ng mga tao noon dahil hindi tulad ngayon, wala pa silang maiinam na mga daan at sasakyan. Madalas ay naglalakad lamang sila at sa paglalakbay nila, kumakapit sa mga paa nila ang samut saring dumi katulad ng basura, putik, alikabok at pati pa nga ng ipot ng hayop at tao. At dahil na rin sa paglalakad nila, madalas hindi lang dumudumi ang mga paa nila, kundi, nasusugatan din. Ang mga paa noon ay madalas magkaroon ng kalyo, paltos, hiwa, nana, alipunga, impeksiyon at iba pa. Talagang marumi at nakakadiri ang paghuhugas ng paa ng kapwa. Halos walang gustong gumawa nito noon. Kaya naman ang karaniwang naghuhugas ng paa noon ay yung mga taong napilitan lang – ang kanilang mga alipin.

Oo, mga kapatid kay Kristo, gayun na lamang ang pagpapakumbaba ni Hesus. Bagamat siya ay anak ng Diyos, niyakap niya ang anyo ng isang alipin. Ang pagmamahal niya sa atin ay buhos, ubos at lubos. Kahit ang dumi at sugat natin ay nasalat at nahipo ng mga banal na kamay niya, at ginawa niya ito hindi dahil napipilitan lang siya tulad ng isang alipin, kundi dahil mahal na mahal niya tayo.

Mga kapatid, sa ating pagmamahal, nagpapakumbaba rin ba tayo? Handa ba tayong makiramay sa mga narungisan at nasugatan? Nagmamalasakit ba tayo sa mga pinagtatabuyan at pinag-iiwanan ng lipunan? Hilingin natin sa Panginoon ang biyaya ng pagpapakumbaba.

Ang ikalawang aral ay kahandaang maglingkod o availability. Sabi sa binasang ebanghelyo, ang paghuhugas ng paa ay hindi nauna sa kanilang hapunan at hindi rin daw nangyari pagkatapos ng hapunan. Sa halip, naghugas siya ng paa nila sa gitna ng kanilang hapunan. Bakit parang wala na yata sa timing na naghugas si Hesus ng paa ng mga apostol? Marahil nais ituro ni Hesus na dapat maging handa tayong magmahal at maglingkod sa lahat ng lugar at oras kahit sa hindi natin inaasahang paraan o pagkakataon. Love knows no schedule. And love does not choose a venue. Ang pag-ibig ay hindi pumipili ng oras o lugar. Ang taong nagmamahal ay laging available para magmahal. Laging hanaing maglingkod kahit pa gumulo ang schedule niya o masira ang mga plano niya, kukulangin ang resources niya. Handa siyang isakripisyo, isang tabi o iwanan ang lahat para sa pagmamahal. Hahanap siya ng paraan, sa halip na magpalusot o magdahilan.

Alam na alam ito ng mga magulang. Mga nanay at tatay, noong sanggol pa ang mga anak ninyo, walang pinipiling schedule ang pag-iyak nila. Iiyak sila kahit sa gitna ng gabi. Pero kahit pagod at puyat kayo, tatayo pa rin kayo para mag-alaga. Salamat po, mga nanay at tatay sa halimabawa ninyo ng availability at kahandaang magmahal.

Nakakaantig din ng puso na makita sa panahon ng pandemya at sakuna ang napakaraming taong nagpakita ng kahandaan na mag-adjust upang magmahal at magmalasakit sa kapwa. Nabulabog ang mga plano nating lahat, nagulo ang mga schedule, nagkulang ang mga resources. Pero sa halip na magdamot at maging makasarili, pinili nila ang kaligtasan ng nakararami at ang kabutihan nating lahat. Salamat po sa inyong availability para sa pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa.

Ang ikatlong aral ay pagbabahagi ng paglilingkod o empowerment. Pagkatapos ni Hesus maghugas ng paa, sinabihan niya ang mga alagad niya, “Maghugasan din kayo ng paa ng isa’t isa.” Nagpakita si Hesus ng halimbawa at ibinahagi niya sa mga alagad ang biyaya ng paglilingkod.

Maraming mga lider sa mundo na gustong akuin at sarilinin ang lahat ng pagkakataon na maglingkod. Ayaw nilang ibahagi ang paglilingkod. Gusto nila na sila lang ang bida. Sila lang ang magaling at sila lang ang namumuno. At para mangyari ito, ginagawa nila ang lahat upang lagi lamang magdepende sa kanila ang mga taong pinaglilingkuran nila. Lagi lamang umaasa sa ibibigay nila at lagi lamang nakaabang sa iuutos nila. Sa halip na ipagdangal at i-empower ang kapwa, ginagawa nilang palamunin at parang alipin ang mahihina.

Pero ibang uri ng lider si Hesus. Hindi niya tayo iniwan na walang alam at walang dangal. Hindi niya tayo alipin kundi tinuring niyang mga kaibigan ang mga kapatid niya ang isa’t isa. Kaya’t pinagbilinan niya tayo, “Magugasan kayo ng paa ng isa’t isa.”

Sa ating pagmamahal at paglilingkod, inuudyukan ba natin ang ating kapwa upang sila’y magmahal at maglingkod? Naglilingkod ba tayo sa paraan na ipagdarangal sila? At nabibigyan ng mga kakayahan? Hingin natin sa Diyos ang biyaya ng pagbabahagi ng paglilingkod o empowerment.

Mga kapatid kay Kristo, mahal na mahal tayo ni Hesus. Ito ang kahulugan ng Huling Hapunan. Ito ang pinaramdam niya sa atin sa paghahati ng tinapay, pagbabahagi ng alak at paghuhugas ng mga paa. Ito ang kahulugan ng mga pangyayari sa krus kinabukasan. Mahal na mahal tayo ni Hesus. Tularan nawa natin siya sa kanyang pagpapakumbaba, sa kanyang kahandaang maglingkod, sa kanyang pagbabahagi ng paglilinkod at sa kanyang pagmamahal. Amen. (Photo by Mricar Santos/RCAM-AOC | Photogallery

 

Leave a reply