HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Santisima Trinidad Parish, April 6, 2024

Sa ating kura paroko na si Fr. Jek Arada; sa mga kapatid kong pari at diyakono, relihiyoso at relihiyosa; sa mga parish servants; mga parokyano; mga minamahal kong kapatid kay Kristo:

Masaya akong makasama kayo sa Misang ito sa pagdiriwang ninyo ng anibersaryo ng pagkakatatag ng Santisima Trinidad Parish. Nagkakatipon tayo upang magpasalamat sa Panginoon sa maraming biyayang dumaloy sa pamayanang ito at upang hilingin ang pagggabay at direksyon ng Diyos kung ano pa ang mga pangarap at plano niya para sa parokyang ito.

Makabuluhan ang pagdiriwang ninyo ng anibersaryo ngayong taon sapagkat ito ay taon ng Hubileyo sa inyong parokya.  Ano ba ang Jubilee Year? Sa kapanahunan ng Lumang Tipan, pinagdiriwang ng mga Israelita ang Hubileyo upang muling sariwain ang kanilang ugnayan sa Diyos, kapwa at kalikasan. Ginagawa ito bilang isang pasasalamat sa lahat ng kanilang natanggap na biyayang galing sa Diyos.

Tuwing Jubilee Year, tinutulungang bumangon ang mga dukha, pinapalaya ang lahat ng mga alipin, kinakalimutan ang lahat ng sama ng loob, at higit sa lahat, pati ang utang ay pinapatawad. Sa pagdiriwang ninyo ng Hubileyo sa taong ito, hinihikayat ko kayo na bigyang puwang sa inyong puso ang mga nangangailangan at patawarin ang may kasalanan. Isang mapayapa at panibagong-buhay ang mithiin ng pagdiriwang na ito.

Ang isang pinakamatingkad na biyaya ng Jubilee Year ay ang pagbuhos ng habag at malasakit ng Diyos.  Isang natatanging biyaya ang igagawad sa inyo ngayon ng Santo Papa, Papa Francisco, sa pamamagitan ng Penitensaryo Apostoliko at ng inyong lingkod: ang Bendisyon Apostoliko.

Ang bendisyong ito ng Santo Papa ay may kalakip na indulhensya plenarya.  Ano ang ibig sabihin nito? Ang sinumang Kristiyanong dadalaw sa Santisima Trinidad Parish, sa isang lakbay-dalangin sa buong taon ng hubileyo ng parokya at ang lahat ng mga makikiisa sa mga pagdiriwang at gawain ngayong parish jubilee year, sa ilalim ng mga nakaugaliang kondisyon (pagkukumpisal, pagtanggap ng Komunyon, at pagdarasal alang-alang sa mga intensyon ng Santo Papa) ay magtatamo ng kapatawaran ng lahat ng kasalanan at sa lahat ng epekto nito. Through the jubilee indulgences, we receive the total gift of God’s mercy.

Tunay ngang napakalaking biyaya! Ang Santisima Trinidad Parish ay magiging bukal ng habag at malasakit ng Diyos. Dadaloy ang pag-ibig ng Diyos sa bahaging ito ng Kamaynilaan. Anong biyaya ang hihigit pa sa habag at malasakit ng Diyos?   Kaya nga’t napakaganda na ang tawag ninyo sa programa ng pagmamalasakit sa mga poor families ng parokya ay Caridad de Trinidad.  Ang bukal ng kakayahan nating magbahagi ay ang pag-ibig ng Banal na Santatlo.

Sa lumang tipan, dalawang salita ang ginagamit para sa habag. Ang una ay hesed, ang ikalawa ay rahamim.  Pinapahiwatig ng hesed ang katapatan ng Diyos sa atin. Sa kabila ng ating pagiging suwail sa kanya, patuloy niya tayong pinapatawad at minamahal.  Pinapahiwatig naman ng rahamim na ang pagmamahal ng Diyos ay tulad ng isang magulang sa kaniyang anak. Tulad ng nasusulat sa aklat ni Propeta Isaias: “Malilimutan ba ng ina ang anak na galing sa kanya? Ngunit kahit na malimutan ng ina ang anak niyang tangan, hindi kita malilimutan.” (Isa 49:15)

Sa ating ebanghelyo ngayon makikita natin kung papaano ipinadama ni Hesus na muling nabuhay ang hesed o rahamim sa Kanyang mga alagad.

Ang mga alagad ay nag-aalala sa pagkamatay ni Hesus. Matatandaan na iniwan nila ang kanilang Panginoon sa Kanyang pagdurusa dahil sa takot at pangamba. Ngunit sa kanilang muling pagtatagpo, sa halip na sila ay pagalitan o parusahan, inaliw ni Hesus ang kanilang mga pusong naguguluhan. Pinawi Niya ang kanilang takot at pag-aalala. Binati niya sila “Sumainyo ang kapayapaan”.  Hindi lamang ito simpleng pagbati; ito ay hesed o rahamim.  Ito ang paraan ni Hesus upang aliwin ang kanilang mga pusong puno ng takot at pangamba.

Hindi Niya ipinangako ang isang panlabas na kapayapaan na nag-aalis lamang ng mga problema; bagkus, ang kanyang ipinangako ay ang kapayapaan na tumatagos sa puso. Para bang sinasabi Niya sa kanyang mga alagad: “Sumainyo ang kapayapaan! Mahalaga kayo sa aking mga mata. Walang ibang makakapalit sa inyo. Mahal ko kayo.”

Makikita uli natin ang hesed o rahamim sa muling pagtatagpo ni Hesus at ni Tomas kung saan ipinakita Niya sa alagad ang Kanyang mga sugat. Tulad ng sinabi ni Propeta Isaias: “Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa kanyang mga sugat”. (Is 53:5) Paano tayo gagaling sa pamamagitan ng mga sugat? Ang mga sugat ang tanda ng hesed o rahamim. Sa mga sugat na iyon, literal nating nadarama na minahal tayo ng Diyos hanggang sa huli. Inako Niya ang ating mga sugat at tinaglay ang ating kahinaan sa Kanyang katawan. Para bang sinasabi Niya kay Tomas: “Halika Tomas, hipuin mo ang mga tanda ng pagmamahal ko sa iyo”.

Mga ginigiliw kong kapatid, magpasalamat tayo sa Diyos sa kanyang kagandahang-loob, habag at malasakit. Ipanalangin natin ang ang buong sambayan ng Santisima Trinidad Parish.  Nawa’y maging makabuluhan ang pagdiriwang ninyo ng Hubileyo at maging instrumento kayo ng habag at malasakit ng Diyos sa inyong kapwa at sa isa’t-isa upang matupad ang inyong misyon na maging nananalangin at nagmamalasakit na pamayanan.  Amen. (Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC | Photogallery)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *