HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Rosary for Life, Minor Basilica of San Lorenzo Ruiz (Binondo Church), November 11, 2023

Rev. Msgr. Esteban Lo, ang ating butihing rector; mga kapatid na pari at diyakono; mga relihiyoso at relihiyosa; mga kapatid kay Kristo:

Marami nang naidulot na kaginhawahan ang modernong teknolohiya.   Marami nang mga sakit at karamdaman na dati’y nakamamatay, ngayo’y may lunas na.   Dahil sa mga bagong imbensyon, mabilis na rin ang komunikasyon, may social media.   Ang mga bansang pinaglayo ng mga dagat at lupa ngayo’y nagiging global village na dahil sa globalization.

Ngunit sa kabila ng lahat ng pag-usad ng agham at teknolohiya, hindi pa rin ganap na handa ang sangkatauhan sa mga sakuna.  Nagimbal ang lahat sa 9-11 terrorist attack sa twin towers sa Estados Unidos.  Marami buhay at ari-arian ang inaagaw ng mga sakuna.  Mayroon daw napipintong “The Big One” sa Metro Manila.   Masusing pagpapalano, kooperasyon ng mamamayan at palagiang paghahanda ng lahat ang hinihiling sa mga ganitong sakuna.

Hindi natin maaring ipagpabukas ang paghahanda.  Ito ang mariing paalala ng ebanghelyo ngayon.  Tinuruan tayo noong tayo’y bata pa – bilang mga batang scouts – na dapat lagi tayong handa.  Hindi lamang sa mga kagamitan kundi sa pangangatawan at pagharap natin sa mga sitwasyon ng buhay.

Ngunit hindi lang mga sakuna ang dapat nating paghandaan.  Tandaan natin ang tunay nating tahanan ay ang langit.  Ito ang talagang pinaghahandaan natin.  Pinipili nati laging maging mabuti upang maging handa tayo na makapiling ang Diyos sa langit habambuhay.

Mahirap magahol sa panahon sa anumang gawain.   Karanasan ito ng mga estudyante na naghahanda para sa exams at projects.  Nakakataranta ang ganitong sitwason.  Hindi tayo mapalagay kung parating na ang takdang panahon para sa pagbabayad ng utang at wala pa tayong hawak na pera.  Naranasan niyo na siguro ang ganitong mga nakakatrantang sitwasyon – pinagpapawisan ng munggo-munggo at hindi tayo mapakali.

Sampung dalaga ang ibinigay sa ating imahen.  Saglit nating balikan ang kwento sa ebanghelyo.  Kung titignan natin halos wala namang pinagkaiba ang matatalinong dalaga sa mga mangmang.  Lahat sila’y may dalang ilawan, pareho silang nakatulog sa paghihintay.  Ang pinagkaiba nila’y walang sapat na dalang langis ang mga mangmang.  Huli na ang lahat nang nang makabili sila ng langis.  Isinara na ang pinto.  Kung papaanong hindi nakapasok ang mga dalagang kulang sa langis, hindi rin makakapasok sa langit ang kulang sa kabanalan.

Papaano ba tayo makakaiwas sa ganitong kapahamakan?

Una, kailangan tandan na ang paghahanda ay panghabambuhay.   Ang paghahanda sa pagharap natin sa Panginoon para sa huling paghuhukom ay hindi nagagawa ilang araw, ilang buwan o ilang taon lamang.  Ito’y panghabambuhay na proyekto.  Dahan-dahan ang pagbabago.  Mahirap kasing umiwas sa kasalanan kayat hindi tayo kaagad nahuhubog sa buhay ni Hesus.   Kung ipagpapaliban natin ang pagpapakabanal, baka kapusin tayo ng panahon.

Hindi natin alam ang takdang oras ng pakikipagtagpo natin sa Panginoon.  Walang maaring magpaaga o magpaliban nito.   Hindi pwedeng ikatuwiran na hindi pa tayo handa o may iba pa tayong gagawin.  Ang Panginoon ang may alam ng takdang panahon.  Ang magagawa lamang natin ay maghintay at maghanda.

Ikalawa, kailangang tuloy-tuloy ang paghahanda.   Ang paghahanda natin ay hindi limitado sa isang aspeto lamang – tulad ng pananalangin, pagsisimba, pagtanggap ng mga sakramento at pakikilahok sa mga gawain ng parokya.  Saklaw ng paghahanda natin ang lahat ng larangan at aspeto ng buhay – hanap-buhay, paglilibang, kaugnayan sa kapwa, kalikasan.

Mahihirapan tayong maghanda sa pagharap natin sa Panginoon kung watak-watak ang buhay natin, kung ang pagiging Kristiyano ay sa loob ng simbahan lamang.  Hindi puwedeng nakakahon ang pagiging Kristiyano natin na bubuksan lamang tuwing kailangan.

Mga kapatid, tinipon tayo ng Panginoon sa Misang ito.  Tinipon din tayo ng maka-inang pagkalinga ng Mahal ng Birhen ng Santo Rosayo.  Sa tunggalian ang mga Kristiyano at mga Turks sa Lepanto, nagwagi ang mga Kristiyano.  Sinasabing ang pagwawaging ito ay dulot ng pagdarasal ng santo rosaryo ng mga Kristiyano sa Roma.  Mapagwawagian natin ang lahat ng tunggalian sa buhay sa kapangyarihan ng panalangin.

Bagamat naiiuugnay natin ang pagdarasal ng rosaryo kay Maria, agad niya tayong itinutuon sa kanyang anak na si Hesukristo. Kung taimtim nating pagmumunihan ang mga misteryo ng tuwa, hapis, luwalhati, at liwanag, matatanto nating ang lahat ng ito’y patungkol kay Hesus. Kaya naman minsang nasabi ni Pope Pius XII na ang rosaryo  ay ang “compendium of the entire Gospel.”

Hindi nais ni Maria na maging bida.  Nais niyang ang kanyang anak ang ating pagtuunan ng pansin at makilala. Kinilala niya ang kanyang sarili bilang isang hamak na alipin lamang ng Panginoon, kaya naman nasabi niya sa mga taga-Cana na “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo”. Ang kanyang Magnificat ay hindi pagtataas sa kanyang sarili, kundi pagtutuon at pagpupuri sa Diyos para sa mga dakilang gawa niya ng sa buhay ni Maria at sa bayang Israel.

Kaya’t tuwing tumatawag tayo sa ating Mahal na Ina sa pagdarasal ng rosaryo, hayaan nating maging tulay natin siya sa kanyang anak. Hindi niya lamang isinilang si Hesus sa mundo, nais din niyang maisilang siya sa ating mga puso.

Lahat ng tumutulad kay Maria na nagdadala ng liwanag at tuwa sa mga taong matagal nang lumalakad sa kadiliman at binabalot ng dilim — lalo na sa mga aba, kapus-palad, at may mabibigat na pasan — ay may puwang sa langit.

Magdasal tayo ng rosaryo araw-araw — upang tulad ni Maria, lumalim ang ating pananampalataya, sa pamamagitan ng mas maigting na pagkilala sa kanyang anak na si Hesus, patungo sa gantimpala ng langit. (Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *