HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Pistang Dakila – Sto. Nino de Pandacan Parish, January 14, 2024

Reberendo Padre Andy Lim, ang ating kura paroko; mga kapatid na pari at diyakono, relihiyoso at relihiyosa; mga civic at lay leaders ng parokya; mga minamahal na kapatid kay Kristo: Happy fiesta po sa ating lahat!

Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ng ating patron, ang banal na sanggol na si Hesus, ang Sto. Niño de Pandacan. Dahil sa matimyas na kaugnayan ng Sto. Niño sa kasaysayan ng pananampalataya sa ating bansa, pinagkalooban tayo ng pahintulot na maglaan ng isang linggo kada taon upang ipagdiwang ang kanyang kapistahan. Ano nga ba ang halaga na gunitain at matantong ang ating Tagapagligtas ay naging isang bata?

Unang-una, ipinapakilala ni Hesus ang kanyang sarili bilang Niñong kaakit-akit, madaling lapitan, at nagdudulot ng tuwa. Gaya ng karanasan natin sa mga bata, nahahatak tayo ng kanilang sigla at presensya. Madaling makipagniig at makipag-kaibigan sa kanila sapagkat may agarang pagtanggap at walang pataboy na panghuhusga mula sa kanila. Kahit na minsan ay may kakulitan at kapilyuhan, gumagaan ang ating pakiramdam matapos silang makasalamuha sapagkat napapatawa at napapabata nila tayong muli.

Gayundin ang hangarin ng ating Panginoong Hesus. Hindi siya dumating bilang isang malupit na hari o nakakasindak na hukom. Nagpakilala siya bilang isang bata. Parang sinasabi niya sa atin na hindi tayo dapat umiwas o matakot sa kanya. Madali siyang lapitan at hangad niya ang ating pakikipag-kaibigan. Gaya rin ng bata, handa siyang ipagkaloob sa atin ang purong pagmamahal at ganap na kaligayahan. Ito ang propesiya ni Isaias sa ating unang pabasa: dulot niya ay malaking liwanag sa mga balot ng kadiliman, ganap na kalayaan at kapayapaan mula sa mga manlulupig at kaaway, at masiglang pagdiriwang na higit pa sa panahon ng tagumpay at anihan. Ayon naman ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: ang pakikipag-kaisa kay Kristo ay magkakaloob ng lahat ng pagpapalang espiritwal.

Ikalawa, at alinsunod sa naunang punto, hindi rin nagsisinungaling ang mga bata. Madali sa kanila ang magpakatotoo at magsabi ng totoo. Nabibigkas nila nang harap-harapan kung ikaw ay mataba, matakaw, o “bad” nang walang pagtitimpi, pagdadahilan, o ni pagkurap ng mata. Gayundin ang ating Panginoong Hesus. Sa harap ng kanyang mga magulang nang siya’y mawala sa templo, sa harap ng mga eskriba at Pariseo na laging humahamak sa kanya, sa harap makapangyarihang Sanhedrin at ni Pilato, kahit pa sa harap ng nakamamatay na krus, naging handa siyang bigkasin ang katotohanan. Sa pakikipagkaibigan natin kay Niño Hesus, kailangan din nating maging bukas sa mga katotohanang ipaparating niya sa atin, kahit mahirap at masakit.

Ang pakikipag-niig at pakikinig nating ito sa Sto. Niño ang magbubunsod sa ating pag-unlad at paglago sa pananampalataya. Ayon sa ebanghelyo ni San Lukas, ang batang si Hesus ay “lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos” (Lukas 2:39). Ito pa ang isang katotohanang nakapaloob sa ating pagdirwang ngayon. Oo, naging bata si Hesus. Subalit hindi siya nanatiling bata. Nakapaloob sa dinamismo ng isang bata ang paglaki at pag-unlad. Tumanda siya at naging handang harapin ang mga hamon ng pagsunod sa naririnig mula sa kanyang Ama, hanggang sa punto ng kamatayan. Nawa’y tayo rin. Huwag tayong manatiling mga bata sa pananampalataya. Sabayan natin ang paglaki at pagtanda ng Niño Hesus sa pamamagitan ng pakikipag-niig at pakikinig sa kanya. Sa ganang ito, mababanaagan sa ating sariling buhay ang inulit-ulit natin sa salmong tugunan: “Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.”

Ikatlo at huli sa lahat, sa pagiging isang Niño, ipinapahiwatig ni Hesus na nakikiisa at nakikipisan siya sa lahat ng mga maliliit, mahihina, at mga hindi maitaguyod ang sarili. Sa kanyang ministeryo publiko, nanatili ang pagkiling niyang ito, lalo na sa mga anawim, o sa mga walang inaasahan kundi ang Diyos: ang mga ulila, mga balo, mga dayuhan, at mga mahihirap. Inihanay niya ang kanyang sarili sa mga minamaliit at tinatanggihan ng kultura, lipunan, at relihiyon, at itinaguyod niya sila. Inilaan niya ang kanyang araw-araw at ang buo niyang buhay upang tangkilikin, kalingain, at paglingkuran sila.

Ipinapaalala sa atin ng Sto. Niño, na kung may tunay tayong debosyon sa kanya, kailangan din nating maging mulat at responsable sa mga maliliit. Gaya ng bilin niya sa ating ebanghelyo, dalhin natin ang mga bata sa kanya, at huwag natin silang ilayo o itaboy sa kanya. Sa pamamagitan ng ating mga salita at halimbawa, “maging banal at walang kapintasan tayo” upang hindi natin mahadlangan ang kanilang paglapit at pakikipagkaibigan kay Hesus.

Hinahamon din tayo ng Niño Hesus na hanapin at itaguyod ang iba pang maliliit at mahihina sa ating lipunan, sa ating parokya at kapit-bahayan: ang mga dukha at mga bilanggo, ang mga may sakit at may kapansanan, ang mga gutom, uhaw, at walang matuluyan. Ang Sto. Niño ay matatagpuan at mapaglilingkuran sa kanila. Gaya ng sabi niya sa ebanghelyo ni San Mateo: “nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa” (Mateo 25:40). Tayo ay mga anak ng Diyos, mga anak ng Pag-ibig. Hindi ito dapat mahirap sa atin. Bukal ito sa ating natura.

Handa ang Sto. Niño na makipagkaibigan sa atin. Subalit, handa ba tayong makipagkaibigan sa kanya, kasama ang lahat ng pananagutan at kaakibat nito? Amen. (Photo by Maricar Santos | Photogallery – Buling Buling | Last Day Novena Mass | Fiesta Mass)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *