HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Novena Mass at Diocesan Shrine of Santo Nino, Quezon City, Jan. 13, 2022, 6:30 p.m.

Sa ating minamahal na Rector at Kura Paroko Father Ronald Roberto. Mga pari at diakonong kapiling natin. Minamahal kong mga kapatid kay Kristo. Ikinagagalak ko na makasama ninyo sa pagdiriwang ng Eukaristiyang ito, sa paggunita ng inyong pamayanan ng pagtatalaga sa Simbahang ito.

Napakaganda ng inyong simbahan, ngunit tandaan ninyong ang ganda ng simbahang gusali ay hinihiram lang sa ganda ng Simbahang bayan ng Diyos. Sa katunayan, ang mga tanda ng pag-tatalga ng simbahan ay hiram sa mga tanda ng Sakramento ng Binyag na tinanggap nating lahat.

Sa ikalawang pagbasa mula sa unang sulat ni San Pedro, ipinapahayag ng larawan ang mga binyagang bumubuo ng simbahan. Isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginagawa niya. Ang simbahan ay tinawag mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan at tinipon ng Diyos upang magpuri sa kanya.

Sa unang pagbasa mula sa aklat ni Propeta ni Ezekiel, kaytingkad ng larawan ng tubig ng binyag na nagliligtas. May dumadaloy na tubig na nagmumula sa gawing Timog na bahagi ng templo sa gawing timog ng altar. Ang dumadaloy na tubig ay tubig na nagbibigay buhay. Ang tubig ng binyag ay tubig na nagbibigay buhay. Sariwa pa marahil sa ala-ala ng ilan sa inyo ang araw na itinalaga ang simbahang ito. Winisikan kayo ng tubig na nagpapaalala kung paanong binuhusan kayo ng tubig noong kayo ay binyagan. Pinahiran ng mabangong langis na krisma ang altar at ang mga dingding ng Simbahan na nagpapaalala kung paanong pinahiran din kayo ng krisma sa binyag. Binihisan ng puting mantel ang altar at sinindihan ang mga kandila ng santuwaryo, na nagpapaalala kung paanong binihisan kayo ng puting damit at pinagkalooban ng may sinding kandila noong kayo ay binyagan. Kaya nga kung paanong pinararangalan natin ang kabanalan ng simbahang gusaling ito, hinahamon tayo na pagmalasakitan ang bawat kasapi ng simbahang bayan ng Diyos. Pagmalasakitan natin ang bawat isa at akayin ang bawat isa kay Hesus.

Pag-ibig at malasakit sa isa’t isa ang maningning na liwanag ng isang parokya. Kaya nga sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “makikilala nilang kayo’y aking mga tagasunod sa pagmamahal ninyo sa bawat isa. “Sa bawat isang kasapi ng simbahan ang katawna ni Kristo nananahan ang Diyos, magkakaugnay ang bawat bahagi ng gusali. Ang bawat bahagi rin ng simbahan ng Diyos ang katawan ni Kristo ay magkakaugnay at may pananagutan sa isa’t isa.

Malasakit ang dapat bunga ng bawat pagtitipon upang magpuri at magpasalamat sa Diyos. Sa mga gawa ng mga apostol, ikinuwento na ang mga kasapi ng unang pamayanang Kristiyano ay tapat sa paghahati ng tinapay sa pakikinig sa salita ng Diyos, sa panalangin at sa pagtitipon. At ang bunga nito walang nagugutom at naghihirap dahil handa nilang ipagbili ang kanilang ari-arian para tugunan ang pangangailangan ng mga dukha.

Mahalagang iugnay natin ang buhay ng inyong parokya sa panawagan ni Pope Francis, na tayo ay maging Synodal Church. Ibig sabihin nito, tayo na mga kabahagi ng Simbahan ay sama-samang naglalakbay sa landas patungo sa kaharian ng Diyos, sa pamumuno ng ating Panginoong HesuKristo at sa pamamatnubay ng Espiritu Santo.

Tatlong diwang sangkap ng pagiging sinodo ang pinapaalala sa atin: communion, participation at mission. Ang una ay communion –  pagkakaisa, pagkakapit bisig, pagsasasama sa buklod ng pagmamahal. Sa bisa ng ating binyag naibuklod tayo, una sa lahat kay Hesukristo na bugtong na anak ng Diyos. Dahil dito tayo man din ay naging mga anak ng Diyos. Kaya naman, magkakapatid tayo sa iisang Ama, nagkakaisa tayo sa iisang pamilya. Sa ating parokya, wala sanang nakakaramdam na mag-isa lang siya sa buhay o mag-isa lang siyang humaharap sa kanyang mga problema. Huwag natin silang susukuan, huwag tayong mapapagod sa pag-unawa at pagbibigay ng pag-asa sa kanila; hindi natin susukuan ang bawat isa sa parokyang ito. Hanapin natin at paglingkuran ang mga taong mapag-isa, nasasaktan, nagtatampo, ang mga taong ayaw samahan ng iba, ang mga taong nilalayuan o pinagtatabuhayan, ang mga taong napag-iiwan sa mabilis na takbo ng mundo; sa simbahan bukas ang mga pintuan at puso natin upang yakapin at tanggapin ang lahat. The parish must be a sacrament of God’s unconditional hospitality.

Ang pangalawa naman ay participation. Ito ay pakikibahagi, pakikilahok at pakikisangkot sa buhay ng simabahan. Hindi sapat na nakasulat lang ang pangalan natin sa listahan ng mga binyagan. Hinihikayat natin ang lahat ng mga kasapi ng simbahan na magbahagi ng sarili sa buhay ng simbahan ano man ang taglay nating kakayahan, kayamanan o katangian.

At ang ikatlo ay mission; ito ay paghayo, paglalakbay at paglabas mula sa sarili upang maglingkod at mag-alay sa kapwa. Maging mga instrumento nawa tayong lahat upang mapakinggan at maunawaan ang mga karanasan at saloobin ng ating kapwa. Sikapin nating maipakilala si Hesus sa kanila at maging daan upang mas mapamahal sila kay Hesus. Matularan nawa natin ang Sto. Niño na bagamat lumago sa edad, karunungan at biyaya nanatili ang pusong bata. Sabi nga ni Pope Francis, “Jesus is ever young because of His lifetime disposition of being a Son.” Buong buhay Niya ikinalugod Niya na Siya ay anak ng Ama. Isabuhay nawa natin ang ating karangalan at misyon bilang mga anak ng Diyos. Amen. (RCAM-AOC | Photo from Diocesan Shrine of Santo Nino – Quezon City Facebook Page )

 

Leave a reply