HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Nazareno Fiesta Mass, Quirino Grandstand, January 9, 2024

Mga minamahal kong kapatid kay Kristo at kapwa deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno:

Viva Jesus Nazareno!

Nagpapasalamat tayo sa Diyos sapagkat tinipon niya tayo ngayon, at minarapat niya tayo na sumamba at maglingkod sa kanya.  Masaya ako na makapiling kayo ngayon dito sa Luneta para makipagdiwang sa Paggunita ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.  Maligayang kapistahan po sa inyong lahat!

At salamat sa Mahal na Poong Hesus Nazareno, sapagkat matapos ang apat na taon ng pagliban, ay maisasagawa na muli natin ngayong taon ang prusiyson ng kanyang Traslacion.  Ito ay biyaya sa atin ng Mahal na Senyor!  Kaya’t bilang pasasalamat, sa pagpu-prusisyon, isagawa natin ito nang mataimtim, marubdob, at mapagmahal.

“Ibig naming makita si Hesus!” (Juan 12:21)  Ito ang sigaw ng mga puso natin ngayon.  Ibig nating lahat na makita si Hesus.  Pagnilayan natin ang tatlong aral: makita si Hesus, makita ni Hesus, at maipakita si Hesus.

Una, makita si Hesus.  Sa Unang Pagbasa, nabasa natin kung paanong ang nalunasan ang mga maysakit nang makita nila ang tungkod ni Moises.  Kagalingan at kalunasan, ito ang dulot ng simpleng pagtingin at pagsilay sa biyaya ng Diyos.  At sa Ebanghelyo, isinaad naman na ang mga tumatanaw sa Anak ng Diyos, nang may pananalig, ay magtatamo ng buhay na walang hanggan.  Ang sinumang mananalig sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi mapapahamak, kundi magkakamit ng buhay na walang hanggan.

Sino sa atin ang gustong makita si Hesus?  Sabihin nyong malakas, “Viva!”

Sino sa atin ang gustong magkamit ng buhay na walang hanggan?  Sabihin nyong malakas, “Viva!”

Ito rin ang gusto para sa atin ng Mahal na Poong Hesus Nazareno!  Gusto niyang makita natin siya, manalig kaya’t manalig tayo sa kanya.  Palakpakan natin ang Mahal na Senyor.

Ikalawa ay makita ni Hesus.  Hindi lang tayo ang gustong makakita kay Hesus.  Si Hesus din, gusto niya rin tayong makita.  Bago pa natin siya hanapin, siya muna, hinanap na nya tayo, tinanaw na nya tayo, tinignan na nya tayo.  Sabi sa Ikalawang Pagbasa, ang Anak ng Diyos ay nagpakumbabang lubusan.  Siya ay nagkatawang-tao, at nakiisa sa ating karanasan maging sa kamatayan.  At ito ay para makita at makilala nya tayong lubusan.  Bawat isa sa atin ay kitang-kita at kilalang-kilala ng Mahal na Senyor.

Walang karanasan ng tao na hindi nakikita at nauunawaan ng Poong Hesus Nazareno.  Nakikita nya ang pagtitiis ng mga maysakit.  Nakikita nya ang pagod ng mga manggagawa.  Nakikita niya ang pagsisikap ng mga mahihirap.  Nakikita niya ang sakripisyo ng mga tapat na lider at lingkod ng bayan.  Nakikita niya ang pangungulila ng mga OFW at pag-aalala nila para sa mga mahal nila sa buhay.  Nakikilala niya ang ginaw ng mga walang masuot at walang masilungan.  Nakikilala niya ang kalam ng sikmura ng mga nagugutom at nauuhaw.  Nakikita niya ang pagsisisi ng isang makasalanan.  Nakikita niya ang mga pagsisikap ng bawat isa sa atin, ang mga pangarap ng mga bata, at ang tiyaga ng matatanda.  Nakikita niya tayo, at nararamdaman.  Nauunawaan niya ang anumang pinagdaraanan natin.

And when the Jesus sees through us, he sees us through.  Kapag nakita tayo ni Hesus, tatangkilikin niya tayo, tutulungan niya tayo, sasamahan niya tayo, at bibiyayaan niya tayo.  Kapatid, nakikita ka ng Mahal na Senyor!  Nakikita ka ni Hesus!

Harapin mo ngayon ang katabi mo, at sabihin mo sa kanya, “Kapatid…” Sabihin niyo nang mas malakas, “Kapatid…” “Nakikita ka ni Hesus…” Mas malakas, “Nakikita ka ni Hesus…”

Palakpakan natin ulit ang Mahal na Senyor!

At ang ikatlo ay maipakita si Hesus.  Kapag nakita natin si Hesus at kapag nakita tayo ni Hesus, hindi natin maiiwasan na gustuhin din natin na maipakita si Hesus, maging instrumento para mas makita pa ng iba si Hesus.

Ang tunay na deboto ay modelo.  Makikita sa buhay niya ang mismong buhay ni Hesus.  Ang deboto ay modelo ng pananalig sa Ama, at pagmamalasakit sa kapwa.  Sa bahay man o sa trabaho, sa simbahan man o sa kalsada, dala-dala ng deboto sa puso niya ang pagkikita nila ni Hesus.  Nasa kalooban ng deboto ang masintang pagtitinginan nila ni Hesus, kaya’t lagi niyang ipapakita si Hesus.

Mamaya sa prusisyon ng Traslacion, ipakita natin si Hesus sa isa’t isa.  Sa paghatak natin ng lubid, ipakita natin si Hesus na humahango sa atin at umaayos sa mga buhol ng mga problema natin.  Sa pagsalya natin sa likod ng andas, ipakita natin si Hesus na tumutulak sa atin upang makausad tayo sa pagbabagong-buhay.  Sa pagtukod natin galaw ng prusisyon, ipakita natin si Hesus na nagliligtas sa atin upang hindi tayo mahulog sa kamalian at kapahamakan.  Sa pagtimon natin sa galaw ng andas, ipakita natin si Hesus na gumagabay sa atin sa tamang landas.  Sa pagpasan ng mga pinggâ, ipakita natin si Hesus na bumubuhat sa mga kalooban natin sa tuwing pinanghihinaan tayo ng loob.  Sa pagpuprusiyon mamaya, ipakita natin si Hesus na inaakay tayo sa pagbabagong-buhay.  Katulad ng ginagawa natin tuwing Traslacion, magtulungan tayo upang lahat tayo ay makakita sa Mahal na Senyor, at makaranas sa pagmamahal ng Mahal na Senyor.

Ngayon, harapin mo ulit ang katabi mo.  Sabihan mo sya, “Kapatid…” “Ipapakita ko sa yo si Hesus…”  Sagutin mo rin sya, sabihin mo naman, “Kapatid…” “Nakikita ko sa yo si Hesus…”

Mga kapatid na deboto, ito ang ipagdasal natin ngayong Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno: Makita si Hesus, makita ni Hesus, at maipakita si Hesus.  Idulot nawa ito sa atin ng Mahal na Senyor.

O Poong Hesus Nazareno na aming mahal, lagi mo po kaming kaawaan.  Amen. (Photo by Austin Reyes/RCAM-AOC)

 

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *