HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass, St, John Marie Vianney parish, July 17, 2022, 6 p.m.

Rev. Fr. Benjie Jugueta, ang ating Kura Paroko; mga kapatid na pari at diyakono, mga laykong lingkod ng parokya; mga minamahal na kapatid kay Kristo,

Masaya po ako na maksama kayo sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.  Panalangin ko ang pagpapala ng Panginoon sa patuloy na paglago ng inyong buhay-pamayanan at buhay-pananampalataya bilang parokya.

Huwag tayong magkakamali sa pag-unawa sa mensahe mg ebanghelyo ngayon.  Sinaway ni Hesus si Marta “na naliligalig at abalang-abala sa maraming bagay” hindi upang pigilan ang kanyang kagandahang-loob na mag-estima at magmalasakit.   Ito ang narinig nating ginawa ni Abraham sa unang pagbasa na magiliw na tumanggap sa kanyang mga panauhin.  Sabi ni Abraham sa kanyang mga bisita: “Kung mamamarapatin ninyo, magtuloy po kayo sa amin…Magpapahanda ako ng pagkain upang mapanauli ang inyong lakas…Ikinagagalako kayong paglingkuran.”  Isa sa mga panalangin ng pagbabasbas sa mga ikinakasal ay ang pagbubukas ng pintuan ng tahanan sa mga nagugutom at nangangailangan.

Utos ni Hesus na magmalasakit sa mga nangangailangan.   Ito ang mensahe ng ebanghelyo noong nakaraang linggo – ang Mabuting Samaritano na huminto at naglaan ng panahon sa kapwa na sugatan at nangangailangan.

Ito ang batayan sa paghuhukom – kung binusog natin ang mga nagugutom, kung pinaimon natin ang mga nauuhaw, kung dinalaw natin ang mga bilanggo, kung tinugunan natin ang pangangailangan at panaghoy ng mga dukha.  Ang pagmamalasakit sa kapwa ay atas ni Hesus sa atin.  Sabi ni San Juan de la Cruz, sa dapithapon ng ating mga buhay, ito ang magiging batayan at sukatan – gaano tayo nagmahal, gaano tao nagmalasakit.

Nang sinabi ni Hesus na “pinili ni Maria ang lalong mabuti,” nais ipaalala ni Hesus kay Marta na nagkakaroon lamang ng kahulugan ang paglilingkod kung ito ay may kalakip na panalangin at pakikinig sa Panginoon, kung ito ay bunga ng pakikinig sa Panginoon.   Sa buhay ni Hesus, bago niya gawin ang anumang mahalagang bagay, naglalaan siya ng panahong tumahimik at manalangin.  Naglalaan siya ng panahong making sa kanyang Ama.  Ito ang pinaghuhugutan niya ng lakas.  Ito ang nagbibigay ng direksyon sa kanya.

Napakahalaga ng pakikinig.  Kaya tayo binigyan ng Diyos ng dalawang taenga at isang bibig para ipaalala sa atin na unahin ang pakikinig bago ang pagsasalita.  Sab inga, the first duty of love is to listen. Maraming alitan, away at di pagkakaintindihan na ang dahilan ay inuna ang masasakit na salita, mapanghusgang salita bago ang pakikinig.  Kung hindi tayo marunong makinig, paano tayo – mananalangin, makakapagpayo ng angkop, kikilos ng tama, makapagpapasya ng tama? Paano natin mauunawaan ang iba?  Paano tayo magmamahal?

To listen is to love.  When we listen, we form the two lobes of our ears and form them into a loving heart.   It is in silence that the Lord speaks.  It is in silence that we listen to the Lord.

Sa pakikinig sa Diyos, sa panalangin – nagkakaroon ng direksyon ang ating ginagawa.  Nagiging malawak ang ating pananaw at naiuugnay natin ito sa plano ng Diyos.  Nasasala natin ang ating gusto at natitira na lamang kung ano ang mahalaga.

Kung walang pakikipag-ugnayan sa Panginoon maaring ibaling lang natin ang ating pansin sa ating sarili na mabuti tayo, magaling tayo dahil may idinudulot tayong kabutihan sa atin kapwa.  Sa pakikinig sa Panginoon, may pagkakataon tayong kilalanin na kahit na ang kakayahan natin magmalasakit ay galing sa Panginoon.  Kailangan munang makinig sa Panginoon sapagkat siya ang nagtuturo sa ating magbigay at magmalasakit.  Kailangan nating makinig upang matuklasan natin na kahit ang pasya at udyok nating tumulong at magmalasakit sa kapwa ay biyaya mula Diyos.  Kasangkapan lang tayo ng Panginoon upang gumawa ng kabutihan sa ating kapwa.

Maglaan tayo ng panahon upang makinig sa Panginoong nangungusap sa atin.  Let Samuel’s words be our prayer: “Speak Lord, your servant is listening.”

Mula sa pakikinig sa Panginoon, hahayo tayo upang katulad naman ni Marta makapagmalasakit tayo sa kapwa.

Ito ang inituro sa atin ni San Juan Maria Vianney.  Ginugol niya ang maraming oras upang magpakumpisal.  Dito napakinggan niya ang mga pangamba, pagsisikap, pagkadapa, pagkakasala ng mga tao.  Dito pinakinggan niya ang pagod at pagal ng mga puso.

Pinakinggan niya rin ang tinig at hinaing ng mga dukha.  Ipinamalas niya ang kabanalan sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa kapwa.  Minsang may lumapit na babaeng umiiyak kay San Juan Maria Vianney.  Puno ng hinagpis, sabi ng babae, “Natatakot po akong nasa impiyerno na ang aking asawa dahil tumalon siya mula sa tulay upang magpakamatay.”  Ang sagot ng banal na pari, “Huwag kang mangamba.  Sa pagitan ng tulay at dagat ay ang awa ng Diyos.  May awa ang Diyos.  Hanggang sa dulo ng lahat, may awa ang Diyos.”

Sa pamamagitan naman ng banal na pari na si San Juan Maria Vianney, narinig ng mga tao ang tinig ng Diyos na nagdudulot ng pag-asa at nag-aanyaya sa kanila sa kaganapan ng buhay, sa paghahari ng Diyos.

Hilingin natin ang mga biyayang ito – ang pakikinig sa Panginoon na nagungusap sa atin upang magbigay ng lakas at direksyon sa atin, na mapakinggan naman ng ating ating kapwa ang tinig na Diyos na nagbibigay ng pag-asa sa pamamagitan natin.

San Juan Maria Vianney, ipanalangin mo kami. (Photo File of RCAM-AOC)

 

Leave a reply