My dear brother priests concelebrating in this Mass; our beloved lay collaborators serving in the different offices, ministries, and institutions of the Archdiocese of Manila; dear brothers and sisters in Christ:
It has been our tradition to gather days before Christmas as one RCAM family for our early Christmas celebration. Ang Pasko ay pagdiriwang ng pamilya. Kaya naman nararapat lamang na magdiwang din tayo bilang isang pamilya dito sa RCAM. At sa pagtitipon na ito, pararangalan din natin ang ating mga jubilarians. Sa ating mga jubilarians, nais kong ipaabot ang taos-pusong pagbati sa inyo. Maraming salamat sa inyong pagbibigay ng sarili sa paglilingkod sa Simbahan. We appreciate not just your work and your contributions to the Church. We appreciate all the more your presence in our RCAM family. Maraming salamat sa inyo!
Nais ko ding pasalamatan kayong lahat na mga lay collaborators sa ating iba’t ibang offices, ministries, and institutions. Alam ko na madalas hindi kayo napapasalamatan at hindi naa-appreciate ang inyong mga ginagawa. May mga pagkakataon pa nga na napagsasabihan at napapagalitan kayo. Magandang pagkakataon ito ay sabihin sa inyo, sa ngalan ng lahat ng mga pari at layko ng Archdiocese of Manila, maraming salamat. Mahalagang bahagi kayo ng RCAM. Kayamanan kayo ng RCAM. Mahal kayo ng RCAM.
Nais ko ding pasalamatan ang ating mga pari na naglilingkod sa ating mga offices, ministries, at institutions. I know that for many of you, your work in the curia is an added responsibility to the already burdensome tasks that you have in your respective parishes. That is why we appreciate the time that you give and service that you do for RCAM. Maraming salamat sa inyo, mga kapatid na pari!
Mga kapatid, ang ating mga pagbasa sa araw na ito ay tungkol sa kuwento ng dalawang babae na hindi magka-anak. Sa unang pagbasa, narinig natin ang tungkol sa asawa ni Manoah na walang anak dahil siya ay baog. Sa ebanghelyo naman, narinig natin ang tungkol kay Zacarias at Elisabet na wala ding anak dahil si Elisabet ay matanda na at baog pa. Ngunit kahit na may natural na hadlang sa kanilang paglilihi, ang asawa ni Manoah at si Elisabet na nagdalantao. At ang himalang ito, ang kamangha-manghang pangyayaring ito ay bunga ng kanilang panalangin, pananampalataya, at pag-asa sa Diyos. Nagpakita ang anghel sa asawa ni Manoa upang sabihin na magkakaroon siya ng anak. At kay Zacarias, nagpakita din ang angel upang sabihin sa kanya, “Dininig ng Diyos ang iyong panalangin.”
Ibig sabihin, nananalangin pa din sila. Kahit alam nila na imposible na, ipinagdadasal pa din nila na sana bigyan sila ng anak. Alam nila na baog sila. Alam nila na matanda na si Elisabet. Ngunit hindi sila nawalan ng pag-asa. Hindi sila sumuko na lang. Patuloy silang umasa sa Diyos. Patuloy silang umasa sa isang himala. At ang himalang ito ay dumating nga sa kanila.
Mga kapatid, madalas ganyan din ang ating karanasan sa buhay. Like the wife of Manoah and Elizabeth, we have our experience of barrenness, of dryness. Tayo din nakakaranas ng mga panahon na walang nagiging bunga ang ating pagsusumikap. Ginawa mo namang lahat. Pinagbuti mo naman ang iyong trabaho. Pero parang wala pa rin. Hindi nagbubunga ang ating mga pagpupunyagi. Kahit sa ating ugnayan sa pamilya at sa isa’t isa. Minsan kahit maging mabait ka at makitungo ng mabuti, may mga hindi pa din magiging mabuti sa iyo. May mga maninira pa din sa iyo. Walang bunga ang iyong kabutihan. Maraming beses na dumadaan tayo sa dryness ng buhay. Bumabangon tayo sa umaga pero hindi natin nakikita ang kahulugan ng ating buhay. Nagta-trabaho tayo pero mabigat sa ating kalooban. Ang buhay ay nagiging parang isang tuyong disyerto.
Sa mga pagkakataong ito, tularan natin ang asawa ni Manoah at ang mag-asawang Zacarias at Elisabet. Patuloy na manalangin, kahit sa tingin mo imposible na. Patuloy na umasa, kahit maraming dahilan para tumigil nang umasa. Magpatuloy ka lang dahil isang araw may darating na anghel upang bigyang-kulay ang tuyo mong buhay at bigyan ng bunga ang lahat ng iyong pagsusumikap at pagpupunyagi.
Alam ko na sa ating buhay dito sa RCAM, maraming beses na nararanasan natin ang barrenness at dryness. May mga pagkakataon na umaasa tayo sa pagbabago pero walang pagbabagong nangyayari. Naghahanap tayo ng mas mabuting pamumuno at mas maayos na sistema pero lalo lamang tayong nasisiraan ng loob. Marami tayong magagandang plano at hangarin pero hindi naman naisasa-katuparan.
Mga kapatid, sa mga pagkakataong ganito, patuloy tayong manalangin, umasa, at magtiwala sa Diyos. Sa kanyang tamang panahon, darating din ang ating hinihintay. Mangyayari din ang ating mga inaasahan. Matutupad din ang ating mga pangarap. Huwag tayong magsasawang manalangin sapagkat nakikinig ang Diyos sa ating panalangin. At walang hindi mapangyayari sa kanya. Walang imposible sa kanya. Kung ang matanda at baog ay nagka-anak, kung ang dalaga ay naglihi, kung ang Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao, ano pa ang hindi kayang gawin ng Diyos para sa atin?
Mga kapatid sa RCAM family, ngayon pa lang ay binabati ko na kayo at ang inyong pamilya ng isang maligaya at mabiyayang Pasko! At sa pagharap natin sa bagong taon, sa tulong ng paggabay at panalangin ng ating Mahal na Birheng Maria, patuloy tayong maglakbay ng bilang isang RCAM family patungo sa ganapan ng ating mga pangarap para sa ating sarili, pamilya, lipunan, at Simbahan. Maglakbay tayong sama-sama patungo sa pagtupad ng kalooban ng Diyos para sa ating lahat. Amen. (Photo by Rian Salamat/RCAM-AOC)