HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass for World Day of the Sick, February 10, 2024

Reb. Msgr. Rolando dela Cruz, ang ating rektor at kura paroko; mga kapatid na pari at diyakono; mga relihiyosa at relihiyosa; mga healthcare providers, mga doktor, at nurse; mga kapatid nating maysakit at mga nag-aaruga sa kanila; mga minamahal na kapatid kay Kristo:

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa mga Maysakit. Sa bisperas ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes, na kilalang mapaghimalang patrona ng mga maysakit, itinutuon ng Simbahan ang ating atensyon, malasakit, at panalangin sa mga kapatid nating nagbabata ng iba’t ibang uri karamdaman at sa mga nag-aalaga sa kanila.

Ang sakit ay bahagi ng misteryo ng buhay ng tao. Lahat tayo ay nakakaranas at dumaraan dito. Ang iba’y higit na naghihirap kaysa sa iba. Ang iba naman ay nakakaligtaan, nalilimutan, at nagdurusang mag-isa. Inuudyok tayo ng ating pananampalataya na, kung paanong naging tuon ng ministeryo ng ating Panginoong HesuKristo ang mga maysakit, gayun din tayong mga taga-sunod niya. Sa misang ito, taimtim nating ipagdasal ang mga kapatid nating ito, at isama natin sila sa abot-tanaw at layon ng ating misyon.

Hayaan ninyong maglaan ako ng dalawang punto mula sa ating mga pagbasa. Ang una ay para sa mga kapatid nating maysakit; at ang ikalawa naman ay para sa ating lahat na disipulo ni Kristo.

Para sa mga kapatid nating maysakit. Ang himala ng pagpapakain ng libu-libong tao ay kinikilala bilang propesiya o paunang pagtukoy sa eukaristiya. Sa pagpaparami ng tinapay at isda, mababakasan ang mga elemento ng pagkuha, pagpapasalamat, paghahati, at pagbabahagi na kinagawian nating marinig sa bawat misa. Ang mga galaw na ito ang ginawa ni Hesus sa kanyang sariling buhay at katawan, na patuloy niyang isinasagawa at ipinagkakaloob sa kanyang simbahan. Kung susumahin, ang puso ng eukaristiya at ng ating ebanghelyo ngayon, ang buod na mensahe ng buhay ni Hesus, ay ang sakripisyo ng sarili upang magbigay-buhay sa iba.

Para sa ating mga kapatid na maysakit, paanyaya ng simbahan na ilakip ang inyong pagdurusa sa pagdurusa ni Kristo. Isama ninyo sa kanyang sakripisyo ang sakripisyo ng inyong katawan at dugo, at iukol ito para sa kabutihan ng iba. Sa ganang ito, maaaring magtaglay ng saysay at kabuluhan ang pinagdaraanang karamdaman. Ang mapait na karanasan ng pagkakasakit ay maaaring punuin at paapawin ng tamis ng pag-ibig para sa iba. Sa pagsasagawa nito, nalulunasan ang marahil pinakamasakit na bahagi ng pagkakasakit — ang pag-iisa at kalungkutan — sapagkat nakakaniig si Hesus bilang kasama sa pagdurusa at ang kapwa bilang pinag-aalayan ng pagdurusa.

Sa gitna ng tukso na mawalan ng tiwala at pananampalataya sa Diyos, gaya ng nakasaad sa ating unang pagbasa, manatiling kayong tapat sa pananalig. Ihain ninyo ang inyong mga sakit at tiisin sa Diyos, at patuloy na magpasalamat sa Kanya. Kung maranasan man ang karamdaman bilang pagpipira-piraso ng sarili, ilaan ito bilang sakripisyo para sa kaligtasan ng iba, gaya ng ginawa ng ating Panginoong HesuKristo.

Para sa ating lahat na taga-sunod ni Kristo. Sa ating ebanghelyo ay makikita ang komprehensibong pagmamalasakit ng ating Panginoong HesuKristo. Hindi lamang siya nanatili sa mabuting hangarin. Hindi rin siya nakuntento na makapagturo lamang sa kanila, kahit pa ng tatlong araw. Inalala pa rin niya ang kanilang kalagayan at gutom sa ilang na lugar na iyon, na maari silang mahilo sa daan pauwi kung wala silang makain. Sa pamamagitan ng himala ng tinapay at isda, tinugunan niya ang kanilang pangangailangan nang siksik, liglig, at umaapaw. Pinawi niya ang kanilang gutom at pinaginhawa niya sila.

Kung ito ang naging pamamaraan ni Hesus, ito rin ang pamamaraang inaasahan niya sa kanyang Simbahan. Habang mahalaga ang mabuting hangarin at pananalangin para sa mga kapatid nating may karamdaman, kailangan natin itong tambalan ng mga kongkretong gawa ng pagkalinga. Hangarin at sadyain natin ang komprehensibong kabutihan nila — pisikal, emosyonal, at ispiritwal — upang maranasan nila ang kaganapan ng buhay kahit sa gitna ng mahirap nilang kalagayan. Bagamat may sari-sarili tayong mga limitasyon at kagipitan, gaya ng mga alagad sa ating ebanghelyo, maging handa tayong ialay ang ating mga tinapay at isda upang pawiin ang iba’t ibang gutom ng ating mga kapatid.

Sa pagsasagawa nito, magtiwala tayong hindi tayo mauubusan kailanman. Matapos mapakain at mapaginhawa ang lahat, napakarami pa ring lalabis. Ito’y sapagkat walang kinikilalang hangganan at limitasyon ang pusong nagmamalasakit at nagmamahal. Sikapin nating kumalinga sa bawat isa nang buhos, lubos, at ubos, gaya ng ginawa ng ating Panginoong HesuKristo.

Sa pagpapatuloy ng ating pagdiriwang, sa ngalan ng mga kapatid nating maysakit at sa mga kumakalinga sa kanila, sabay-sabay nating ulitin ang mga salita ng salmong tugunan: “Panginoong masintahin, ang bayan mo’y gunitain”. Mahal na Birhen ng Lourdes, ipanalangin mo kami! (Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC | Photogallery)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *