HOMILY TRANSCRIPT |Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass for the Solemnity of the Sacred Heart of Jesus, Sacred Heart of Jesus Parish – Mandaluyong, June 24, 2022, 6 p.m.    

Sa ating kura paroko na si Fr. Rey Anthony Yatco; sa mga kapatid kong pari at diyakono, relihiyoso at relihiyosa; sa mga parish servants at civil leaders, mga parokyano at deboto ng Banal na Puso ni Hesus; mga minamahal kong kapatid kay Kristo: Happy Fiesta po sa ating lahat!

Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Banal at Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Ang ating pagdiriwang ngayon, at ang ginagawa nating debosyon tuwing unang Biyernes ng buwan, ay nagdadala sa ating magpasalamat sa dakilang pag-ibig ni Hesus para sa atin at humihimok sa ating tularan ang kanyang mga gawi. Itinuturo o iniaabot niya ang kanyang puso, hindi lamang upang maging ating takbuhan at pahingahan, kundi upang maging ating modelong masusundan at matutularan. Ang buod na biyayang hiling natin sa kanya ay na ihulma niya ang ating puso sa wangis ng kanyang puso.

Sa udyok ng Santo Papa na bigyang tuon at isabuhay ang synodality sa simbahan, o  ang sama-samang paglalakbay ng bayan ng Diyos patungo sa kanyang kaharian, makakatulong na pagmunihan ang mga katangian at layon ng Banal na Puso ni Hesus. Ayon na rin sa tema ng ating fiesta: “Pag-ibig kay Kristo: Buhay at Lakas ng Sama-samang Paglalakbay”. Ano nga ba ang hulma ng Banal na Puso ni Hesus? Paano siya magmahal?

Mula sa mga imahen at larawan ng Sacred Heart, matatantong ang puso ni Hesus ay nakalantad, sugatan, at nagliliyab. Una, ang puso ni Hesus ay nakalantad sapagkat ang laman ng kanyang kalooban ay naihayag niya sa kanyang mga salita at naipakita niya sa kanyang mga gawa. Ang pag-ibig niya sa Diyos at kapwa ay kanyang isinabuhay sa kongkreto, anuman ang maging kapalit nito. Masasabing ito rin ay tanda ng kabukasan ng kanyang puso at katapatan ng kanyang pag-ibig, na walang kasinungalingan, itinatago, o itinatanggi.

Ikalawa, ang puso ni Hesus ay sugatan at duguan. Makikita ang tanda ng krus sa ibabaw nito at na ito’y napapaligirian ng koronang tinik. Sinisimbolo nito hindi lamang ang kanyang pagpapakasakit at kamatayan sa krus, kundi pati na rin ang lahat ng kanyang tinamong pagtataboy, pagtatakwil, at pagtataksil, mula noon hanggang ngayon. Higit sa mga negatibong tugon na ito mula sa tao, sumisinag ang lalim at lawak ng kanyang pag-ibig, na handang magbata ng sugat at paghihirap, kahit pa hanggang sa kamatayan, alang-alang sa minamahal.

At ikatlo, ang puso ni Hesus ay nagliliyab dahil ito ay walang kapaguran, walang patid, at walang hanggan. Kung babalikan natin ang kanyang ministeryo, makikitang ginugol niya ang kanyang buong araw at lakas upang magturo, magpagaling, magpatawad, magpalayas ng demonyo, at maglingkod sa Diyos at kapwa. Maging ang kamatayan ay hindi naging hadlang sa muling pagningas ng kanyang pag-ibig sa kanyang Muling Pagkabuhay. Maliban dito, ang pag-ibig niya ay apoy na humahawa at kumakalat. Gaya ng makikita natin sa buhay ng kanyang mga alagad at disipulo, kung maranasan natin ito ay walang hanggan natin itong ipapahayag at ipaparamdam sa iba.

Mula naman sa ating mga pagbasa, tinutukoy ang layon at paghahangad ng Banal na Puso ni Hesus. Bilang Mabuting Pastol ng ating mga puso, ayon sa ating unang pagbasa at salmo, siya mismo ang magtitipon, mag-aalaga, magpapakain, po-protekta, at magbibigay pahinga sa atin. Sa kanyang piling, sa tahimik na batisan at mainam na pastulan, wala na tayong ibang hahangarin at hahanapin. Hindi tayo magdarahop, magkukulang, o matatakot.

Iginigiit din ng ating ikalawang pagbasa at ebanghelyo na hindi nakadepende sa atin ang kanyang pag-ibig. Kahit nang tayo’y mahina at makasalanan pa, namatay siya para sa atin. Sa kanyang pamamagitan, tayong mga dating kaaway ng Diyos ay naging mga kaibigan niya. Dahil sa ating halaga, sa dinami-dami ng kanyang tupa, mulat siya kung ang isa man sa atin ay nawawala. Siya ang nauuna at nagkukusang maghanap sa atin at handa niyang iwan ang siyamnapu’t siya para sa mas higit na nangangailangan. Iba ang matematika ng tunay na pagmamahal. Hindi nababawasan kundi mas umiigting ang pag-ibig niya sa atin sa mga pagkakataong tayo ay nawawala, nalalayo, nanghihina, at napipilayan. Kapag naman tayo’y natagpuan, siya’y nagdiriwang at inilalagay tayo sa kanyang balikat upang muling mahagkan at ilapit sa kanyang puso.

Kung ating susumahin, tinuturuan tayo ng kamahal-mahalang puso ni Hesus na ipakita ang ating pagmamahal sa kanya sa salita at sa gawa, kahit pa humantong ito sa mga krus at koronang tinik; na patuloy na pag-alabin ang pagmamahal sa ating mga puso upang magdala ng init at liwanag ng kanyang pag-ibig sa mundong madilim at salat sa pagmamahal. Hinahamon niya tayong isakatuparan ito kahit pa at lalo na sa mga taong mahirap subalit mas dapat mahalin.

Upang magawa natin ito, kailangan muna nating aminin na tayo ang nawawala, sugatan, o pagod na tupa, at maranasan ang kanyang personal at walang kundisyong paghahanap, pagkalinga, at pagmamahal sa atin. “At dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santong ipinagkaloob sa atin”, maaari nating pagliyabin ang kaparehong pag-ibig para sa kasama natin sa paglalakbay. Sa ganang ito, ang karanasan ng kanyang pag-ibig ang pundasyon at sandigan ng ating pagtugon bilang simbahang sama-samang naglalakbay.

Mahal na Puso ni Hesus, kaawaan mo kami. (Photo from Sacred Heart of Jesus Parish – Mandaluyong Facebook Page)

 

 

Leave a reply