HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass for the Solemn Dedication and Consecration of Santisima Trinidad Parish in Malate, March 26, 2022, 5:00 pm

Ang ating minamahal na kura paroko, Fr. Jojo Buenafe; mga paring kapiling natin, mga minamahal kong mga kapatid kay Kristo.

Ikinagagalak ko na makasama ninyo sa pagdiriwang ng Eukaristiyang ito sa Pagtatalaga sa Simbahang ito.  Napakaganda ng inyong simbahan.  Ngunit tandaan ninyong ang ganda ng simbahang gusali ay hinihiram sa ganda ng simbahang bayan ng Diyos.

Sa katunayan, ang mga tanda ng Pagtatalaga ng Simbahan ay hiram sa mga tanda ng sakramento ng Binyag na tinanggap nating lahat.  Winisikan kayo ng tubig kung paanong binuhusan kayo ng tubig noong kayo ang binyagan.

Papahiran ng mabangong langis na krisma ang altar at ang mga dingding ng simbahan kung paanong pinahiran din kayo ng krisma sa Binyag.  Bibihisan ng puting mantel ang altar at sisindihan ang mga kandila ng santuwaryo kung paanong binihisan kayo ng puting damit at pinagkalooban ng may sinding kandila noong kayo ay binyagan.

Kaya nga kung paanong pinararangalan natin ang kabanalan ng simbahang gusaling ito, hinahamon tayo na pagmalasakitan ang bawat kasapi ng simbahang bayan ng Diyos.  Pagmalasakitan natin ang bawat isa at akayin ang bawat isa kay Hesus.  Sa ikalawang pagbasa, ipinaalala ni San Pablo na tayo ang buhay na templo ng Diyos.  isinalarawan ang simbahan na magkakaugnay na bahagi ng gusali.  Ang bawat bahagi rin ng simbahang bayan ng Diyos, ang Katawan ni Kristo, ay magkakaugnay at may pananagutan sa isa’t isa.

Malasakit ang dapat bunga ng pagtitipon ng pamayanan sa simbahang ito.  Sa mga Gawa ng mga Apostol, ikinuwento na ang mga kasapi ng unang pamayanang Kristiyano ay tapat sa paghahati ng tinapay, sa pakikinig sa salita ng Diyos, sa panalangin at sa pagtitipon.  At ang bunga nito – walang nagugutom at naghihirap dahil handa nilang ipagbili ang kanilang ari-arian para tugunan ang pangangailangan ng mga dukha.

Nagsimula ang lahat na nais makita ni Zakeo si Hesus.  Sa kaibuturan ng bawat isa sa atin ay may pagnanais na makita si Hesus.

Subalit may mga hadlang sa pagitan natin at ni Hesus.  Napakaraming tao. The crowds.  Ano ba ang pumupuno sa buhay natin maliban kay Hesus?   Maliit si Zakeo. Pandak siya. Lahat tayo ay may kaliitan at limitasyon.   Ano ba ang ating mga kani-kaniyang kasalatan, kakulangan, kahinaan, at mga kasalanan?  Anoba sa sarili natin ang hindi na lumago?

Ngunit ang kagandahan ng kuwento, may mga hadlang nga ngunit nagpadala ang Diyos ng puno ng sikomoro.  Sila ang mga naglalapit sa atin kay Hesus.  Sila ang tumutulong sa atin na makita si Hesus.  Salamat sa mga dating pastol at lider layko na tumuwang upang lumago ang pamayanang Kristiyanong ito.

Nagsimula ang kuwento na nais makita ni Zakeo si Hesus.  Ngunit naunahan ni Hesus si Zakeo.  Una siyang nakita ni Hesus.  At sabi nga natin, “nakuha siya sa tingin.” Minamaliit siya ng lahat pero pinahalagahan siya ni Jesus.  Pumasok si Hesus sa bahay ni Zakeo.  Pumasok si Hesus sa buhay ni Zakeo.  Pumasok si Hesus sa puso ni Zakeo.  At kapag dumating si Hesus sa buhay natin, hindi maaring pareho pa rin.  May mga pagbabago na hihilingin.  Sab inga ni Zakeo, “ibabahagi ko ang yaman ko sa mga mahihirap.  Kung mayroon man akong nadaya dati, ibabalik ko ito.”

Hindi naging sapat para sa Zakeo na pagsisishan lamang niya ang kanyang mga kasalanan.  Nagpasiya rin po siyang iwasto ang kanyang pagkakasala. Ibinalik ang kanyang ninakaw, at nang maka-apat pa.   When Jesus enters our lives, we must be willing to be changed.

Nangungusap si Hesus sa bawat isa sa atin.  Wika ng isang pari:  Si Hesus po ang Mabuting Pastol.  At tulad ng ginawa niya kay Zakeo, tayo po ang sadya niya.  Hindi lamang siya napadaan.  Hindi lang po siya naligaw sa ating kinaroroonan.  Talagang tayo po ang pakay ni Hesus.  Salamat sa puno ng sikomoro sa ating buhay at salamat kay Hesus na tumingala sa atin samantalang tinitingnan tayo nang mababa ng iba!”

Sa parokyang ito, wala sanang makakaramdam katulad ni Zakeo na mag-isa lang siya sa buhay, o mag-isa lang siyang humaharap sa kanyang mga problema, nag-iisa lang magsikap magpakabuti.  Huwag natin silang susukuan.  Huwag tayong mapapagod sa pag-unawa at pagbibigay ng pag-asa sa kanila.

Hanapin natin at paglingkuran ang mga taong mapag-isa, nasasaktan, nagtatampo, ang mga taong ayaw samahan ng iba, ang mga taong nilalayuan o pinagtatabuyan, ang mga taong napag-iiwanan sa mabilis na takbo ng mundo.  Sa simbahan, bukas ang mga pintuan at puso natin upang yakapin at tanggapin ang lahat.  The parish must be a sacrament of God’s unconditional hospitality.

Marahil nakit ninyo ang inyong sarili kay Zakeo o sa puno ng sikomoro.   Si Zakeo ka man o ang puno ng sikomoro, may halaga lamang ang iyong kuwento kung  hinahayaan nating baguhin tayo ng pag-ibig ni Hesus.  Amen. (Photo by Maricar Santos /RCAM-AOC)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *