HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass for the Feast of Santo Nino, Santo Nino Parish – Pandacan, Jan. 16, 2022, 9:00 a.m.

Reberendo Padre Sanny de Claro, ating kura paroko, mga kapatid kong pari at diyakono, mga parokyano’t deboto ng Santo Nino, minamahal na mga kapatid kay Kristo, happy fiesta po sa ating lahat!

Nagpapasalamat tayo sa Diyos sa pagdiriwang natin ngayong Linggo ng kapistahan ng Santo Nino o Banal na Sanggol. Ito ay pagkilala sa ating matimyas na debosyon kay Nino Hesus, na halos kasing tanda ng Kristiyanismo sa ating bansa. Sa nagdaang limang daang taon, kasa-kasama ng Pilipino ang Santo Nino, at hanggang ngayon, lalo na ngayon, hindi niya tayo iniiwan. Bagamat malungkot na hindi tayo magkakasama dito sa loob ng simbahan, at hindi natin maipagdiwang gaya ng nakagawian ang ating fiesta, tinitipon pa din tayo ng ating Mahal na Santo Nino. Ibulong natin sa kanya ang ating mga kahilingan, gayun din ang marami nating kababayan na nagdurusa dahil sa COVID-19.

Sa ating pagninilay ngayon, humiram tayo ng isang simbolo mula sa Cebu. Sa kanilang buong pusong pag-awit ng Gozos, habang kumakaway ng papuri, dasal at pasasalamat kay Senyor Santo Nino, tinutukoy nila siyang batobalani sa Gugma, o ng pagmamahal o magnet of love. At hindi ba totoo na ang mga bata ang sentro ng atensiyon, saya, pag-ibig at ng mga ugnayan sa loob ng isang tahanan, na iba ang hatak at akit sa atin ng munting Nino. Sa paanong paraan? Batobalani ng pagmamahal o magnet of love ang batang si Hesus.

Una, si Santo Nino ang bumubighani sa Ama upang tayo ay kalugdan. Siya rin ang umaakit sa atin upang mas maging malapit sa ama. Ang anak ay kalugud lugod sa Ama. Sa kanyang pagkakatawang tao at pakikipisan sa atin, ang tuwa ng Ama sa kanya ay naibahagi rin sa atin. Dahil nakikita ng Ama sa atin ang kanyang anak, naging kalugud lugod din tayo sa kanyang mga mata.

Ayon sa ating ikalawang pagbasa, sa pamamagitan ni Hesus, itinalaga tayong maging mga anak ng Diyos. Kaya naman kapag inilalapit ng Nino Hesus ang ating mga panalangin sa Ama, hindi niya tayo matitiis. Hindi niya kailan man mapababayaan tayong kanyang mga anak. Handa siyang pagkalooban tayo ng lahat ng pagpapalang espiritwal dahil sa ating pakikipag isa kay Kristo.

Sa kabilang banda, inaakit din tayo ni Santo Nino na tularan ang kanyang pagmamahal at pagiging masunurin sa ama. Bilang anak nina Maria at Jose, natutunan niyang pahalagahan ang buhay pananampalataya. Sa kanyang ministeryo, ilang beses siyang pumunta sa ilang o disyerto upang magdasal. Tinuruan pa niya ang kanyang mga alagad na manalangin sa Diyos bilang aba, tatay o itay. Hanggang sa hardin ng Gethsemane at sa mismong krus, hindi nagbago ang kanyang tawag, turing at pagsandig sa Ama. Masasabing ang batayang pinanghawakan ni Hesus sa buo niyang buhay ay siya ay anak ng Ama.

Kung paanong naiwan siya sa templo dahil sa pagkahumaling sa mga turo tungkol sa kanyang Ama, hanggad niyang mahumaling din tayo sa Ama at yakapin ang katotohanan na tayo’y kanyang mga anak. Sana maging madasalin, magalang, masunurin, at puno ng pagtititwala at pagmamahal tayo sa Ama. Ang Santo Nino ang batobalani ng pagmamahal na nagbubuklod sa atin at sa Ama.

Ikalawa, si Santo Nino ang nagbibigkis sa atin bilang simbahan. Siya ang humihikayat sa ating mahalin ang isa’t isa. Sa mga turo ni Hesus, sinabi niyang kailangang tumulad sa mga bata upang makapasok at maging dakila tayo sa kaharian ng langit. Sa isang bata, walang dibisyon o diskriminasyon. Lahat ay kaibigan at pinapahalagahan. Sa mga bata, hindi uso ang panloloko, pananakit at panlalamang. Bagkus, likas ang pagbabahaginan at pagbibigayan. At kung sakaling magkaalitan, napakadali sa mga bata ang magpatawaran. Kung tutulad lamang tao sa mga bata, sa batang si Hesus, magiging instrument tayo sa pagbubuklod ng simbahan at ng komunidad.

Itinuro rin Hesus na tanggapin at huwag hamakin ang mga maliliit na ito. Na anumang gawin sa kanila ay ginagawa mismo sa kanya. Ito ay hamon sa atin na mayanig ang ating mga puso at manindigan para sa mga maliliit at mahihina sa lipunan. Kung paanong ginugol ni Hesus ang kanyang buhay para sa mga may sakit, makasalanan at nangangailangan, nais niyang tayo rin. Kung magagawa natin ito sa mga salita ng unang pagbasa, makikibahagi tayo sa misyon ng batang hari na magdala ng liwanag sa bayang malaon nang nasa kadiliman, ng ligaya, katarungan, kalayaan at kapayapaan sa lupaing balot ng dilim. Dahil dito, ang pamayanan ay magiging pagkakapatiran kung saan may pagmamalasakit at pagdamay sa bawat isa at nagtuturingan na tunay na magkakapatid sa iisang ama. Ang Santo Nino ang batobalani ng pagmamahal na nagbubuklod sa atin sa isa’t isa.

Ikatlo, si Santo Nino ang nag-aanyaya sa atin na patuloy na lumago at umunlad bilang tao at bilang Kristiyano. Sa ating ebanghelyo, narinig natin na si Hesus ay lumago, umunlad sa karunungan at naging kalugud lugod sa Diyos at kapwa. Ito ang isa pang katangian ng mga bata na magandang tularan – ang dinamismo ng paglaki, paglago at pag-unlad. Ito ay nakikita sa kanila hindi lamang sa aspetong pisikal kundi sa aspetong emosyonal, sikolohikal, relasyonal at ispirituwal. Handa silang matuto at bukas sila sa pagbabago.

Habang tumatanda tayo, kung minsan ay nakukuntento na tayo sa ating mga sarili. Tinatanggap na lamang natin ang mga bagay bagay sa ating kapaligiran. Nawawalan na tayo ng interes na baguhin ang sitwasyon, ituwid ang mali at ipaglaban ang api. Humihinto na tayong mangarap, magsumikap, magbago at magpabuti.

Inaakit tayo ng Santo Nino na hindi manatiling mga bata, na katuald niya ay lumago sa karunungan, kabanalan at paglilingkod na umusad mula sa Nazareth patungong Jerusalem. Mula hidden life o nakatagong pamumuhay patungong public ministry o paglilingkod sa madla. Mula sabsaban hanggang sa krus. Kung nawala man tayo o naligaw ng landas, magpahanap, magpaakay at sumunod tayo kay Nino Hesus. Hayaan nating pabukalin niya lahat ng maganda, mabuti at banal mula sa ating mga puso. Ang Santo Nino ang batobalani ng pagmamahal na humihikayat sa ating mas maging mabuting tao at tapat na tagasunod niya.

Sa pagpapatuloy natin ng ating pagdiriwang, magpasalamat tayo sa limang daang taong biyaya ng pananampalataya kay Santo Nino. Hayaan natin siyang maging batobalani ng pagmamahal sa pagitan natin at ng Ama, sa isa’t isa lalo na sa kapwa nating maliliit at higit na nangangailangan. Hilingin natin na tayo rin ay lumago sa pagiging kalugud lugod sa Diyos at sa kapwa. Amen. (RCAM-AOC Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC)

 

Leave a reply