HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass for the Closing of the Year of St. Joseph at St. Joseph Parish in Tondo, December 12, 2021, Gaudete Sunday, 6:30 p.m.

Sa ating Kura Paroko, Fr. Joey Tuazon, sa ating mga kapatid na pari na nakikiisa sa ating pagdiriwang, sa ating mga diyakono, sa mga lider at mga kasapi ng ating parokya, mga deboto ni San Jose maging naririto man sa simbahana o nakatunghay online, magandang gabi po sa inyong lahat.

Tayo po ngayon ay nasa ikatlong Linggo ng Adbiyento. Ito rin ang tinatawag na Gaudete Sunday na galing sa salitang Latin na ang ibig sabihin ay magalak, magsaya at magdiwang. At kung inyong mapapansin, iba ang kulay ng suot ng pari ngayon at ng bagong sinding kandila, hindi lila o violet kundi kulay rosas o pink. Parang sinasabi natin na ibahin natin ang linggong ito sa ibang mga lingo ng Adbiyento gaya ng pagkatingkad ng kulay rosas. Ang paanyaya sa atin ay patingkarin din ang ating pananabik, galak at saya sapagkat tunay na nalalapit na ang pagdating ni Hesus sa Pasko.

Ngayon din po, ay ipinagdiriwang natin ang pagsasara ng taon ni San Jose. Nagpapasalamat tayo sa ating Papa, Santo Papa, Papa Francisco sa pagkakaloob niya ng isang buong taon upang itampok ang ating patron at ang patron ng buong simbahan na si San Jose. Tunay na napalalim ng nagdaang taon ang ating pagkilala at debosyon sa kanya. Ang pagsasara ng taon na ito ay hindi nagangahulugan ng pagtatapos at paglimot sa lahat ng ating nasaksihan at natutunan. Bagkus, magpapatuloy tayo sa paglalakbay na may bagong kapantahan at mas malalim na pagtitiwala sa maka-amang pagkalinga at paggabay ni San Jose. Siya ng pinagkatiwalaan ng Diyos ng kanyang anak na si Hesus at ang Banal na Pamilya ay masasandalan at maaasahan din natin, ng ating simbahan, parokya at pamilya.

Kasama ni Maria, naghintay at umantabay din si San Jose noong unang Adbiyento. Habang lumalaki ang tiyan ni Maria, pinaghandaan niya ang kanyang pagiging ama. Marahil, tumanggap siya ng maraming trabaho upang makaipon para sa kanyang mag-ina. Nagkumpuni ng kanilang bahay upang maging nababagay sa bata at personal na ginawa ang krib at duyan ni Hesus.

Sa isang patriyarkal na lipunan at dahil sa kakaibang kaso ng kanyang pagbubuntis, hindi magagampanang mag-isa ni Maria ang pagpapalaki kay Hesus. Kinailangan niya ng presenisya, suporta at pag-agapay ni San Jose.

Paano tayo matutulungan ni San Jose sa patuloy nating paghahanda sa Adbiyento at pagtahak sa buhay kabanalan? Sa pagsasara ng kanyang taon, ano ang maaari nating baunin mula sa kanya?

Sa aking palagay, ang napakagandang katangian na naging sentral at susi sa buhay ni San Jose ay ang katahimikan. Sa katahimikan, narinig niya ang pangangailangan ng kanyang kapwa. Sa katahimikan, natunton at tinugunan niya ang kalooban ng Diyos. Sa katahimikan, hinubog niya si Hesus na lumaking masunurin sa Diyos at may pagmamalasakit sa kapwa.

Pangangailangan ng kapwa. Sa ebanghelyo ni San Mateo, ipinapakilala si San Jose bilang isang taong matuwid. At kapag sinasabing matuwid, ito ay sa harap ng Diyos at sa mata ng kanyang kapwa. Alam ni Jose ang batas ng Diyos at sinusunod niya ito ng buong puso. Kaya naman nirerespeto siya ng bayan. Isa sa mga batas noong panahong iyun, ay ang karapatan ng isang lalaki na itatwa ang kanyang asawa o kasintahan kung ito’y napatunayang nakaapid. Ang parusang nakalaan dito ay ang pagbabato hanggang mamatay. Nang malaman ni Jose na Maria at wala siyang kinalaman dito, marahil napuno siya ng paninibugho, pagtatanong at galit. Nakikita ang bulung bulungan ng tao at nadarama ang kanilang mga titig. Baka naguluhan at nalito rin siya kung tunay nga bang nagtaksil si Maria. Hindi rin siguro nakatulong na habang hindi pa maayos at malinaw ang lahat. Nagpunta si Maria kina Elizabeth at nanatili roon ng tatlong buwan.

Subalit sa gitna ng kaguluhang panlabas at panloob, nagawa ni San Jose na manatili at mag-isip. Ito ay pinapatunayan ng kanyang naging desisyon na hiwalayan si Maria ng tahimik upang hindi ito mapahiya at mailigtas ang buhay ng bata. Kailangang tandaan na, una, mas madali sana kay San Jose na itatwa si Maria sa publiko upang linisin ang kanyang reputasyon at gayon din ng kanyang angkan. At ikalawa, sa puntong ito, ay hindi pa nagpapakita ang anghel sa kanya upang linawin ang lahat. Gayun pa man, dahil sa kakayahang manatili, napulsuhan niya ang pangangailangan ng kapwa at napagtutuunan at naitataguyod ang pinakamahalaga – ang buhay ng kanyang mag-ina.

Kalooban ng Diyos. Sa paanong paraan natagpo ni San Jose ang kalooban ng Diyos? Sa katahimikan ng kanyang pagtulog. Sa pamamagitan ng kanyang mga panaginip, narinig ni Jose ang mensahe ng anghel na tanggapin si Maria na tumakas papuntang Ehipto dahil ipinapapatay ni Herodes ang mga panganay na lalaki at naiuwi na ang mag-ina sa tahanan nila sa Nazareth.

Bilang isang matapat na Hudyo, pasan ang mabigat na responsibilidad ng pagiging haligi ng tahanan at sa dami ng hinaharap nilang pagsubok tulad ng pagsilang ni Hesus sa sabsaban at pagkawala ni Hesus sa templo, siguradong ilang beses din siyang nanikluhod sa harap ng Diyos. Sa tahimik at taimtim na panalangin na laging itinatanong, ano ang dapat kong gawin?

Paano si San Jose tumugon sa kalooban ng Diyos? Sa katahimikan ng pagkilos. Walang salita kundi puro gawa.  Kung pupunahin ang bawat kuwento ng pagpapakita ng anghel, ito ay nagtatapos sa paggising ni Jose at pagsasagawa kaagad ng kalooban ng Diyos. Walang tanong, walang reklamo, walang kundisyon, walang pero o bakit. Tanging tahimik na pagtalima sa pinagkakatiwalaang Diyos. Maaari sana siyang tumugon ng litanya ng hinanakit niya na nasira ang kanyang mga plano sa pamilya, na hindi siya ang ama ng dinadala ng pamilya, na pati ang pagpapangalan sa anak ay ipinagkait sa kanya. Subalit, hindi ganoong ang gawi ng ating amang si San Jose. Sa katahimikan ng pagtalima, dumating ang pag-uunawa dahil sa nanatili siyang tapat hanggang sa huli kahit hindi laging malinaw sa kanya ang lahat. Masasabing isa siyang tao na may tunay na malalim na pananampalataya.

Paghuhubog kay Hesus. Noong panahon na iyun, kung ano ang trabaho ng ama, ay siya ring trabaho ng anak. Kung karpintero si Jose ay maaasahang tinuruan niya ng pagkakarpintero si Hesus. Pero paano ba itinuturo ang pagkakarpintero? Sa pamamagitan ba ng salita, klase o lecture? Hindi. Ito ay kadalasang itinuturo sa katahimikan. Sa pamamagitan ng pagpapakita kung para saan ito, ano ang tamang sukat, paano ito gawin at iba pa.

Ayon sa ebanghelyo ni San Lukas, si Hesus ay lumaki na kalugud lugod sa Diyos at kapwa. Kung siya’y tunay at ganap na tao, ito ay kanyang natutunan at natularan sa iba. At sino ang kanyang mga unang guro at modelo sa kabanalan at kabutihan? Ang kanyang mga magulang na sina Jose at Maria. Gaya ng pagkakarpintero, ang pagmamahal sa Diyos at kapwa ay hindi naituturo sa salita kundi sa katahimikan ng tapat na pagsaksi at paggawa. Sa pamamagitan ng mabuting halimbawa. Kung lumaki mang mapagmalasakit sa kapwa at masunurin sa kalooban ng Diyos si Hesus, ito’y sa tulong ng tahimik na pagpapanday sa kanya ng kanyang amang si San Jose.

Kaya mga kapatid, sa pagsasara ng taon ni San Jose at sa pagpapatuloy ng ating Adbiyentong paghahanda, sa gitna ng isang magulo at maingay na mundo, hanapin natin ang katahikimikang nagbibigay linaw sa lahat sa pagtitikom ng bibig at mapagkumbabang pagsasatabi sa sarili. Tumatalas ang pandama. Nakakatalos ang pag-uunawa at naiuuna ang tunay na mahalaga. Bagamat walang…na anumang salita si Jose sa mga ebanghelyo. Ang buhay niya at pagsaksi ay isang siksik at mayamang pangungusap. Sa kanyang tahimik na pagsulyap at palagiang pagsubaybay sa kanyang anak na si Hesus, natagpuan niya ang dahilan, direksiyon at saysay ng kanyang buhay. Kaya naman sa proyekto ng pagtataguyod ng kaharian ng Diyos, naging isang mainam na karpintero, asawa’t ama si San Jose, ang ating patron at ang patron ng buong simbahan.

San Jose, ipanalangin mo kami. (RCAM-AOC Phot from St. Joseph Parish Facebook Page)

 

Leave a reply