HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass for the Closing of the 500 YOC Jubilee Door, San Agustin Church, May 8, 2023, 10 am

Reverend Father Reynante Balilio, ating butihing kura paroko; Reverend Father Edwin Hari, ang ating shrine rector; mga pari, diyakono, relihiyosa at relihiyoso, lalo na ang mga Agustino; mga minamahal na kapatid kay Kristo:

Nagpupuri tayo ngayon sa Diyos na siyang tumipon sa atin ngayon sa Banal na Misa para pasalamatan siya sa mga biyayang natamo natin sa nagdaang Hubileyo ng limandaang taon ng pagdating ng Ebanghelyo sa Pilipinas.

Para sa ating pagdiriwang ngayon, matuto tayo mula sa mga pagbasa ngayong araw: pag-aalaala at pagpapakumbaba.

Unang aral ay pag-aalaala.  Sa ating Ebanghelyo, narinig natin ang pangako ni Hesus tungkol sa pagdating ng Espiritu Santo, ang Paraklito.  At, sabi ni Hesus, isang pagkilos sa atin ng Espiritu Santo ay pagpapaalala sa atin ng mga turo ni Hesus.  The Holy Spirit will remind us of Jesus, the Holy Spirit will help us remember the love, mercy, and promise of Jesus.

Mga kapatid, sa Bibliya, napakahalaga ng pag-aalaala.  Sa Lumang Tipan, nangyayari ang kasalanan kapag nakakalimot ang bayang Israel sa mga kabutihan at katotohanan ng Diyos.  Malimit idinadaing ng Diyos, sa pamamagitan ng mga propeta, na makalimutin ang kanyang sintang bayan.  Madaling makalimot sa pagpapalaya niya sa kanila mula sa Ehipto; madaling makalimot sa paglingap niya sa kanila sa gitna ng disyerto; madaling makalimot sa pagkakaloob niya sa kanila ng pamanang lupain; madaling makalimot sa pangako niya ng pagtubos at pagliligtas; madaling makalimot sa kanyang kautusan at katarungan; madaling makalimot sa kanyang pagmamahal at kahabagan.  Ngunit, kahit na ang tao ay makalimutin, ang Diyos ay laging nakakaalaala.  Kahit pa malimutan ng ina ang kanyang anak, hindi malilimutan o mapapabayaan ng Diyos ang kanyang bayan.

At sa Bagong Tipan naman, ang huling habilin ni Hesus sa kanyang mga alagad bago siya magpakasakit at mamatay: “Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin.”  Kaya tayo nagmimisa, kaya tayo nagmimisyon, kaya tayo naglilingkod, ay upang laging maalala si Hesus.

Kaya naman, mga kapatid, ngayong pagsasara ng Hubileyo sa inyong dambana, alalahanin natin ang Diyos, alalahanin natin ang mga turo at utos ng Diyos, alalahanin natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin.

Ikalawang aral naman ay pagpapakumbaba.  Sa ating Unang Pagbasa, narinig natin kung paanong madiin ang pagtanggi nina San Pablo at San Bernabe sa pag-aakala ng mga taga-Lystra na sila ay mga diyos.  Dahil nasaksihan nilang nakapaglakad ang isang lumpo sa pag-uutos lamang ni Pablo, inisip nilang si Bernabe ay si Zeus at si Pablo ay si Hermes, na kanilang mga sinasambang diyus-diyusan.  Subalit, sa halip na yumabang at magmataas, sa halip na magpadala sa papuri ng madla, sina Bernabe at Pablo ay nanatiling mapagpakumbaba.  Idiniin nilang sila’y mga tao rin, at ang Diyos na ipinakilala ni Hesukristo ang siyang tunay na may kagagawan ng himala.

Mga kapatid, pagpapakumbaba ang pinakabuod ng ating tema sa Hubileyo na “Gifted to Give”.  Hindi ito pagmamayabang na tayo ay gifted, na tayo ay mas angat, na tayo ang mas may kakayahang magbigay.  Sa halip, ang “Gifted to Give” ay pakumbabang pag-amin na lahat ng tinataglay at tinatamasa natin na kagalingan at kabutihan ay pawang handog lamang.  Every goodness is gift.  Hindi natin kagagawan kundi tinanggap mula sa awa at habag ng ating Diyos.  At dahil ito ay handog, hindi natin ito ipagdadamot kundi ibabahagi sa kapwa.

Pag-aalaala at pagpapakumbaba, ito ang biyaya ng Dakilang Hubileyo ng pananampalataya sa ating bansa.  Ito ang magbubunsod sa atin sa pagpapasalamat sa Diyos at pagmamalasakit sa kapwa.  Kasihan nawa tayo at ipagdasal ng ating mahal na Ina, Mahal na Birhen ng Correa, upang lagi at lalo tayong makaalaala at magpakumbaba.  Amen. (Photo by Mio Angelo Hermoso/RCAM-AOC | Photogallery)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *