HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass for the Centenary of the discovery of the Image of the Cross at Kambal na Krus Chapel, March 20, 2022, 5 p.m.  

Reberendo Padre Joselino Tuazon, ang ating kura paroko, sa aking mga kapatid na pari na nakikiisa sa ating pagdiriwang; sa mga lider layko ng parokya at ng kapilya, minamahal na mga kapatid kay Kristo.

Masaya akong makasama kayo sa pagdiriwang ninyo ng ika-isang daang taon ng pagkakatuklas ng kambal na krus sa lugar na ito.  Sabi ni San Pablo sa mga taga Corinto: “ang ipinapangaral namin ay si Kristo na ipinako sa krus…” Noong kami ay ordenahang pari, ibinilin sa amin ng obispo habang iniaabot sa amin ang kalis at patena “Model your life to the mystery of the Lord’s cross.”  Ang krus ni Hesus ang humuhubog sa atin upang maging katulad ni Hesus.

Noong bininyagan tayo nilagyan tayo ng tanda ng krus sa ating noo na tanda na tinatanggap tayo bilang bagong kasapi ng sambayanang Kristiyano at inaangkin tayo para kay Kristo.  Paala din ito na ang buhay ng Kristiyano ay pagtahak sa daan ng krus ni Hesus na nagtatapos sa kaluwalhatian ng muling pagkabuhay.  Kaya nga’t ang krus ay hindi sagisag ng pagkatalo at kamalasan kundi ng kaluwalhatian at tagumpay ng pag-ibig ng Diyos.

Narinig natin sa ebanghelyo na dumulog kay Hesus para magtanong tungkol sa mga ipinapatay ni Pilato.  Taglay nila ang pagkilala sa Diyos na mapagparusa.   Tila mapaghiganti ang Diyos.  Na sa bawat kasalanan na gagawin ng tao, nakabantay ang Diyos para magpataw ng karampatang parusa.

Nais itong itama ni Hesus.  Sa pamamagitan ng talinghaga ng puno ng igos na hindi nagbubunga, ipinakilala ni Hesus ang Ama bilang Diyos ng pag-asa, Diyos ng bagong simula, Diyos na matiyaga ang pagmamahal.  Handa na sanang putulin ng may-ari, dumulog ang hardinero na bigyan ng pagkakataong magbunga sa loob ng isang taon.  Hindi lang matiyaga ang Diyos na hintayin at subaybayan ang ating paglago.  Binibigyan niya rin tayo ng sapat na biyaya upang tulungan tayong lumago at mamunga.

Sabi nga ng spiritual author na si Ronald Rolheiser wrote: “The God that Jesus reveals to us is a God of infinite abundance. Inside God there is no scarcity, no stinginess, no sparing of mercy…God, it seems, never worries about someone receiving cheap, undeserved grace. As well, Jesus assures us that God is prodigal: Like the father of the prodigal son and his older brother, God embraces both the missteps of our immaturity as well as the bitterness and resentment within our maturity.”

Siya ang Diyos na ipinakilala sa atin ni Hesus sa Talinghaga ng Manghahasik o Parable of the Sower – kahit na sa mga mabatong lupa, matinik na lupa, masukal na lupa – yung mga tiyak na hindi tutubuan ng binhi – tinaniman pa rin ng binhi.  Diyos ng pag-asa.  Matiyaga ang pagmamahal.

Ganito rin si Hesus sa babaeng nahuling nakikiapid.  Babatuhin na hanggang mamatay.  Pinatawad ni Hesus.  Binigyan ng bagong simula.  Binigyan ng bagong pag-asa.

Ganito rin sa alibughang anak, nang hiningi ang kanyang mana tila sinasabi niya sa kanyang ama – “Ibigay niyo na po sa akin ang aking mana.  Hindi ko na kayo kailangan.  Hindi ka na mahalaga sa akin.  Kaya ko nang mabuhay nang wala ka.”  Ngunit sa kanyang pagbabalik, tinanggap pa rin siya ng ama.  Naghanda pa nga ng piging para sa kanya.

Ito rin ang pagsasalarawan ng Unang Pagbasa.  Ang Diyos natin ay mahabagin.  Pinakikinggan niya ang panaghoy ng nagdurusang Israel.  Sinagip niya sila upang mapalaya mula sa pagkaalipin sa Ehiptio.  Kaya nga nagpakilala siya bilang “Ako’y si ako na naririto para sa inyo.”

Dito nagsisimula ang lahat.  Sa pagkilala natin kung sino ang Diyos.  Conversion begins with the realization that I am loved.  Mahal ako ng Diyos.  May babalikan ako, maligawa at mawala man ako.  May nagmamahal sa akin.  Mas mahalaga ako kaysa sa mga pagkukulang ko.

Ngunit huwag din tayo maliligaw sa pagkakaintindi natin sa habag ng Diyos.  God’s mercy should not lead us to indifference and complacency.  Sinabi rin ni Hesus: “kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.”  Sa Ikalawang Pagbasa, ipinalala sa atin na nakakapinsala ang kasalanan.   Conversion also demands openness to change and growth, openness to bear fruit.

Pakinggan natin ang Panginoon na nag-aanyaya sa atin: “Come back to me with all your heart.  Don’t let sin keep us apart.  Long have I waited for your coming home to me.”

Dahil kinaawaan tayo, magpatawad din tayo.  Kung paano tayo pinatawad, ganon din tayo magpatawad.  Upang tayo ay mamunga ng masagana.

Sabi ni Pope Francis: “no one can approach and touch the Cross of Jesus without leaving something of himself or herself there, and without bringing something of the Cross of Jesus into his or her own life.”

Lumapit tayo sa krus ni Hesus.  Ipagkatiwala natin ang lahat sa kanya.  Huwag ninyong iiwan si Hesus dito sa kapilya.  Dalhin ninyo siya sa inyong tahanan, nais niyang maging bahagi ng inyong pamilya, nais niyang manahan sa inyo. (Photo by Rian Francis Salamat/RCAM-AOC)

 

Leave a reply