Reverend Father Carmelo Arada, ang ating minamahal na shrine rector at kura paroko; mga kapatid kong pari; mga diyakono, seminarista, mga madre at relihiyoso; mga ginigíliw kong kapatíd kay Kristo.
Natitipon tayo ngayong umaga upang magpasalamat para sa mga natamo nating biyaya at pagpapala mula sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin ng Mahal na Birheng Maria, ang Birhen ng Peñafrancia. Tatlumpu’t pitong taon na ang lumipas mula noong koronahan ni Cardinal Sin sa atas ni Pope John Paul II ang imahen ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia ng Maynila sa Luneta Grandstand. Happy anniversary sa inyong lahat!
Gayundin, nagpapasalamat tayo sa Diyos sa biyaya ng labing-anim na taon ng pagkapari ni Father Jek. Happy anniversary, Father Jek!
Mga kapatid, sa tuwing kinokoronahan ang imahen ni Maria, kinilala natin siya bilang reyna ng ating parokya, ng ating mga pamilya, ng ating mga puso. Siya ang ating reyna sapakat siya ang Ina ni Hesus na ating hari. Ang mga pagbasa natin ngayon ay nagsasaad ng tatlong sagisag ng pagiging reyna ni Maria: buháy na tubig, buháy na bato, at buháy na apoy.
Ang Unang Pagbasa ngayon, mula sa aklat ni Propeta Ezekiel, ay paglalarawan ng pangako ng Diyos para sa isang bagong templo sa Jerusalem. Sa templong ito, dumadaloy at umaagos ang tubig, kaya naman ito ay buháy na buháy, at pinamamahayan ng samu’t saring isda. Ang agos ng tubig ay sagisag ng pag-agos ng búhay; kapag hindi dumadaloy ang tubig, mapapanis ito, at hindi makapagtaglay ng búhay.
Gayun din ng misteryo ng pagkareyna ni Maria; naging daluyan siya ng biyaya ng makalangit na buhay na handog sa atin ng Diyos. Sa kanyang pamamagitan, nagkatawang-tao ang Anak ng Diyos, at sumaatin ang pag-asa ng búhay at pagkabuhay. Bilang reynang nagpapadaloy ng búhay, itinataguyod niya tayo sa kabuhayan at kasiglahan.
Kaya naman, mga kapatid, katulad ni Maria na ating Reyna, katulad ng buháy na tubig, padaluyin din natin ang búhay sa isa’t isa. Sa halip na maging gánid at madamot, maging daan tayo upang umagos ang biyaya mula sa Diyos patungo sa kapwa. Ihatid natin ang pag-asa ni Kristo sa bawat isa, katulad ni Maria na Reynang nagbibigay-buhay.
Sa Ikalawang Pagbasa naman, pinaalalahanan ni San Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na sila ay gusali ng Diyos na itinataguyod at pinanahanan ng Espiritu Santo. At sa sulat naman ni San Pedro, inihambing niya tayo sa mga buháy na bato, na pinagsama-sama upang maging banal na gusali (cf. 1 Pet 2:5). Ang mga buháy na bato ng isang gusali ay sagisag ng buklod ng pagkakaisa. Ang iisang Espiritu Santo na nagbibigay-búhay sa mga bato ng gusali, ang siya ring nagdudulot ng matibay na bigkis ng buong gusali. Kung walang Espiritu Santo, walang pagkakaisa ang gusali, at walang búhay ang mga bato.
Gayun din ng misteryo ng pagkareyna ni Maria; bilang buhay na bato sa banal na gusali ng Diyos, tinanggap niya ang Espiritu Santo sa kanyang puso, at naging daan siya upang magkaisa ang mga Kristiyano, lalo na sa gitna ng mahihirap na panahon. Noong Biyernes Santo, sa gitna ng ligalig at kamatayan, tinipon ni Maria sa paanan ng krus ang mga kababaihan at ang alagad na inibig ni Hesus, upang tumanod alang-alang sa kanyang nagdurusang Anak. Noong Pentecostes, sa gitna ng mga banta, pinagbuklod niya ang mga apostol sa pagdarasal para sa pagsapit ng Espiritu Santo. At dito sa atin sa Pilipinas, sinamahan niya ang mga nagkakatipon sa EDSA para sa mapayapang pagbabago ng ating bansa.
Kaya naman, mga kapatid, katulad ng ating Reynang si Maria, katulad ng mga buhay na bato, maging kasangkapan din nawa tayo ng mapagbigkis na kilos ng Espiritu Santo. Manaig nawa ang pagkakasunduan at pagdadamayan sa kabila ng ating mga hidwaan. Sa ating mga pamilya at pamayanan, lalo na dito sa ating Dambana, buksan natin ang ating mga puso at pintuan upang lahat ay makiisa sa ating sambayanan. Maging daan tayo ng pagkakaisa, katulad ni Maria na Reynang nagbubuklod.
At sa ating Ebanghelyo naman, inilarawa ni San Juan ang marubdob na malasakit ni Hesus alang-alang sa banal na tahanan ng kanyang Ama, animo’y maalab na apoy sa kanyang puso. Ang buháy na apoy ay sagisag nang malalim at taimtim na pagmamahal para sa katarungan at alang-alang sa mga nahihirapan. Walang pagmamahal ang taong aandap-andap ang malasakit sa kapwa, o papatay-patay sa pananalig sa Diyos. Kapag naisaloob natin ang pag-ibig ng Hesus, ang alab ng puso sa dibdib natin ay buhay! (cf. Lk 24:2).
Gayundin ang misteryo ng pagkareyna ni Maria. Kaisa ni Hesus, ang puso niya ang nag-aalab sa pag-ibig at pagkalinga. Binuhos niya ang kanyang sarili sa pagiging ina ni Hesus. Iniligtas niya si Hesus mula sa panganib noong sanggol siya; hinanap niya si Hesus noong minsa’y mawaglit sa Templo; at sinamahan niya si Hesus magpahanggang sa krus. Gayundin, kinalinga niya si Elizabeth na maselan ang pagbubuntis; tinulungan niya ang mag-asawa sa kasalan sa Cana; at sinamahan niya ang mga apostol sa pagdarasal sa Cenaculo. Ang puso ni Maria ay marubdob at maalab sa pag-ibig at pananampalataya.
Kaya naman, mga kapatid, katulad ng ating Reynang si Maria, taglayin natin ang maalab na apoy ng pag-ibig ni Hesus sa ating puso, upang maging daan tayo ng paglaganap ng pagmamahal at pagmamalasakit. Tulungan natin at damayan ang ating kapwa. Ipagsanggalang natin ang katotohanan at katarungan sa lipunan. Lingapin natin ang mga sawi at lubos na nangangailangan. Maging daan nawa tayo ng pagmamahal sa Diyos at sa isa’t isa, katulad ni Maria na Reynang mapagmahal.
Buháy na tubig, buháy na bato, at buháy na apoy: tanda ng pagbibigay, pagbubuklod, at pagmamahal. Ito ang misteryo ng pagkareyna ni Maria; ito rin ang misteryo ng pagkapari ng mga lingkod ni Kristo; ito ang misteryo ng paglilingkod ni Father Jek at ng lahat ng mga pari.
Mga kapatid, alam kong nalulungkot kayo dahil ito ang huling anniversary ni Father Jek bilang inyong kura paroko. At sigurado akong gayundin ang lungkot sa puso ni Father Jek. Hindi ko ikinababahala ang lungkot ninyo, sa halip ay ikinagagalak ko pa nga, sapagkat ito ay tanda na bukas-palad inyong pagbibigayan, malalim ang inyong pagbubukluran, at maalab ang inyong pagmamahalan. Higit sa lahat, ito ay tanda ng malalim na pananampalataya ninyo sa Diyos. Ngayong naghahanda kayo upang isugo at ihandog si Father Jek sa kanyang bagong misyon, at upang tanggapin si Father Herbert bilang inyong bagong pastol, lalo niyo pang padaluyin ang biyaya at buhay dito sa inyong sambayanan. Lalo pa nawa kayong maging mapagbigay, mapagbuklod, at mapagmahal.
O Maria, Birhen ng Peñafrancia, Reyna ng aming búhay, ipanalangin mo kami. Amen. (Photos by Fatima Llanza/RCAM-AOC | Photogallery)