HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass for the 400th Canonization anniversary of St. Philip Neri at the San Felipe Neri Parish on March 12, 2022, at 10 a.m.

Reb. Padre Hans Magdurulang, ang ating parochial vicar at iba pang mga pari sa parokyang ito, mga kapatid na pari at diyakono, mga minamahal na kapatid kay Kristo,

Apat na daang taon ang nakakalipas noong itinanghal sa hanay ng mga banal ang ating patron na si San Felipe Neri kasama sina San Igncacio de Loyola, San Francisco Javier, San Isidro Labrador at Santa Teresa ng Avila. Tunay ngang ito ay pagdiriwang ng patuloy na pagpapanibago ng Diyos sa ating simabahan, ng patuloy na paghahatid sa bawat isa ngpag-asa at ng pinagmumulan ng ating kagalakan upang tahakin ang landas ng kabanalan.

Taglay ni San Felipe ang magiliw na pagkatao at maamong puso sa harap ng kanyang mga pinaglilingkuran. Sinabi nga ng Santo Papa Francisco sa kanyang lihan sa mga oratorians noong ikalimang daang anibersaryo ng kapanganakan ni San Felipe, na taglay niya ang busilak na kalooban ng isang tao. Ang init ng pakikitungo sa iba, ang galak sa puso at ang pagiging maamo at malumanay. Ito marahil ay naging sikreto ni Felipe kung bakit napalapit sa kanya ang maraming mga tao lalo’t higit ang mga kabataan. It was true his cheerfulness, warmth, joy and meekness that made everyone at home in Philip’s presence and embrace.

Ang kabanalan ni San Felipe ay hindi lamang nakakahon sa pagiging mahinahon, malumanay at magiliw na pakikitungo sa kapwa tao.  When people try to stop Philip from fulfilling his mission, the more he has allowed his heart to expand in loving, understanding and forgiving.

Dagdag pa ni Pope Francis, na dahil sa init ng kanyang pakikitungo sa tao, naging daan pa ito para sa isang malalim na pakikiisa kay Hesus. Sabi ni Pope Francis, for Philip, his deep conviction was that, the path of holiness is rooted in the grace of encounter, that with the Lord accessible to whoever, of whatever status or condition, receives him with the astonishment of children.

Mga minamahal na kapatid dito sa parokya ni San Felipe Neri, gaya ng inyong patron, ang inyo nawang mainit na pagtanggap sa tao, ang inyong maamong puso, ang inyong mahinahong pakikitungo sa bawat isa ang maging pintuan ng bawat isa upang makaisa ang Diyos. Open your hearts to meet everyone and let that lead you to a loving encounter with God.

Minsan napabilang ang isang manunulat na si Elizabeth Scania sa komunidadbg mga oratorians sa  Estado Unidos. Ang buong akala niyang pormal na komunidad ay mainit na tumanggap sa kanya. Kanyang sinabi, “Such community that steps outside and brings people in meeting for the simple sake of community in Christ, making everyone feel like they really do have a place in the Church.

Sa pakikitungo ni San Felipe sa tao lalo na sa mga kabataan, malinaw sa kanya na ang pag-ibig ng Diyos na kanyang ibinabahagi ay hindi namimili ng tao. Tinatanggap ang lahat kahit na mahirap ibigin o hindi kaibig-ibig.

Sa parokyang ito, wala sanang mag-iisip o makakaramdam na mag-isa lang siya sa buhay o mag-isa lang siyang humaharap sa mga problema niya. O mag isang tumatamasa ng biyaya o mag isang nagsisikap na magiging mabuti. Paglingkuran natin ang mga taong mapag isa. Ang mga taong ayaw samahan ng iba. Ang mga taong nilalayuan o ipinagtatabuyan. Ang mga taong napag-iiwanan sa mabilis na takbo ng mundo. Sa parokya ni San Felipe Neri, bukas ang pintuan at puso natin upang lahat ay kasali, kasali ang lahat.

Sa ebanghelyo, inatasan tayo ni Hesus. Sabi niya, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipagdasal ninyo ang mga umuusig sa inyo.” Nasasaksihan natin ang dulot sa ating daigdig at sa ating kapaligiran ng patuloy na gantihan, ng digmaan at karahasan na pumapatay sa maraming tao at sumisira sa ating buhay. Marami na ang nasaktan, nasira, namatay, nawalan ng mahal sa buhay. Ang Kristiyano ay nagtitiwala sa kabutihan sa pamamaraan ni Hesus. Huwag nating hayaang matalo ang kabutihan ng paghihiganti, pananakit at karahasan.

Lubos kong pinapasalamatan ang inyong mga pastol dito sa parokya. Ang bawat lingkod, samahan, volunteers at mga naglalaan ng oras upang maglingkod at magmisyon. Maraming salamat sa inyong pagmamalasakit sa mga dukha. Sa inyong panalangin at suporta sa mga frontliners at sa marami ninyong pagpapamalas ng kabutihan ng Diyos. Tila naging daluyan ng biyaya ang inyong parokya para sa mga community pantries, mga jeepney drivers, mga biktima ng sakuna at ng mga frontliners. Sa panahong ang physical distancing ay naging emotional distancing na rin, nagtaya kayo ng inyong mga sarili. Bumisita kayo sa mga ospital para palakasin ang loob at basbasan ang mga doktor, nurse at iba pang mga medical frontliners. Kahit tumataas ang kaso ng COVID, matapang at mapagmalasakit kayong naghatid ng tulong sa mga poor communities, sa mga nawalan ng kita araw araw, sa mga pamilyang nagugutom. Dahil sa inyo, buhay na buhay si San Felipe Neri sa pamayanang ito. At sa lahat ng dinadaluyan ng biyaya dahil sa inyo.

May malalim na debosyon sa Mahal na Ina si San Felipe Neri. Ang Mahal na Ina ang siyang huwaran natin upang ang ating pakikipag kapwa ay maging tulay upang makatagpo ang Diyos. Hilingin natin na tulad ni Maria, lumalalim ang ating pananampalataya at lumawig ang ating pagmamalasakit. Tulungan nawa tayo ni Maria, pinaglihing walang sala na itulay ang presensiya ng Diyos sa bawat isa. At tanggapin ang bawat isa bilang kapwa at kapatid. Amen. (RCAM-AOC | Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *