HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass at the Manila City Jail, June 11, 2022, 10 a.m.

Mga kapatid na pari, mga opisyal ng Bureau of Prisons, mga volunteers sa ating prison ministry, mga minamahal na mga kapatid kay Kristo.

Masaya ako na makasama kayong lahat sa pagdiriwang natin ng banal na Misa.  Masaya akong mabisita ko kayo.  Dala ko ang pagmamahal ng inyong mga pamilya, mahal sa buhay at ng mga pamayanang Kristiyano ng Archdiocese of Manila.

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ni San Barnabas.  Siya ang tapat na katuwang ni San Pablo sa kanyang misyon.

Magandang balikan at pagnilayan natin ang kuwento ng mga hamon sa buhay nila Pablo at Barnabas.  Maraming pagkakataon na hindi natupad ang kanilang mga plano at pangarap.

Hindi naman nagkulang sa dasal, sakripisyo at mabuting pamumuhay sila Pablo at Barnabas.  Ngunit may mga pagkakataong tila hinahadlangan ang kanilang mga plano.  Sa Gawa ng mga Apostol ikinuwento na tinaggihan sila ng mga Hudyo.  Ngunit naging pagkakataon naman ito na maglaan ng panahon para sa mga Hentil.

May mga hindi natuloy na misyon ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos tulad sa Asya ngunit dinala sila sa Macedonia at Europa.  Maaring nagsasara ang pintuan sa isang plano ngunit nagbubukas naman ang pintuan sa iba.

Sabi nga ni Dennis Hahn: “May mga pagkakataon na pagsasarahan tayo ng pintuan.”  Ngunit magpapakilala sa atin ang Diyos na tagapagbukas ng mga bagong pintuan.

Laging mahirap na HINDI ang sagot ng Diyos sa ating dasal at hiling.  May mga pinagsisihan tayo na mga maling desisyon sa buhay, mga nasayang na panahon.

Ngunit magtiwala tayo na mas mabuti ang plano ng Diyos, mas maganda ang kuwentong inihanda ng Diyos para sa iyo.   Kahit mga pintuang nagsasara, makita sana natin kahit ang mga maliliit na puwang kung saan sumisinag ang liwanag ng Diyos.

May mga bagong pintuan at bintana na magbubukas para sa mga nagtitiwala sa Diyos. Nabasa ko ang isang magandang panalangin tungkol sa mga pintuang nagsasara sa buhay.  Magandang gawin din nating sariling panalangin natin ito.

Salamat sa mga nagsaradong pintuan.  Salamat sa mga tila pagkaligaw, dinala mo ako sa lugar ng tunay na kaligayahan.

Salamat sa mga “hindi” sa panalangin.  Tinanggihan ako sa ilang pagkakataon.  May mas magandang plano ka pala.

Salamat sa mga pagtatapos.  Sa paglayo sa akin sa mga bagay at tao na hindi para sa akin, sa mga tao at sitwasyon na masasaktan ako ng higit.  Salamat sa malulungkot na pagtatapos para ihanda ako sa masayang bagong simula.

Kumapit tayo sa pamamaraan at panahon ng Diyos.   Sa Diyos, walang wrong timing, walang bad timing, walang maling diskarte.

Kaya ba rin natin na isuko ang ating mga pangarap sa buhay para matupad ang pangarap ng Diyos?  Kaya ba rin nating magtiwala sa Diyos kahit tila naging bangungot na ang maganda nating pangarap at plano sa buhay?

Dumarating sa buhay na ang mga pangarap natin ay tila nagiging bangungot. Tila nagugulo ang ating mga plano at pangarap.  Ngunit dahil sa pagtitiwala sa Diyos, ang akala nating pangarap na naging bangungot ay simula pala ng mas magandang plano ng Diyos.

Mga minamahal kong kapatid, laman kayo lagi ng aking puso at panalangin.  Ipinagkakatiwala ko kayo sa panalangin at maka-inang yakap ng Mahal na Birheng Maria. (File Photo of RCAM-AOC | Photos from Caritas Manila)

Read Related Article: Light of God’s hope shines even on prison inmates

 

Leave a reply