HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass at the Holy Cross Parish, September 14, 2022, 6:00 p.m.  

Reberendo Padre Al Valeza, ang ating kura paroko, mga kapatid na pari, mga minamahal kong lider layko, mga ginigiliw na kapatid kay Kristo:

Maligayang Kapistahan po sa inyong lahat!  Masaya po ako na maksama kayo sa gabing ito sa pagdiriwang ng kapistahan dito sa inyong parokya.

Ano ba ang kahulugan ng krus para sa atin?  Makikita natin ang krus na nakasukbit sa mga kabataang nagsasayaw ng hip-hop, nagkakarera ng motor at kotse.  Palamuti na lamang ito.  Kahit ang pag-aantanda o sign of the cross ay nakasanayan na lamang at tila ba automatic na lang – pagdaan sa simbahan, sa sementeryo, bago magbasketball, kapag kumukulog at kumikidlat.

Ano ba ang kahulugan ng krus para sa atin?  Tila kabalintunaan ang tawag natin sa pagdiriwang natin sa araw na ito -“Triumph of the Cross o Exultation of the Cross.”  Lalo na kapag iisipin natin ang kahulugan ng krus noong panahon ni Hesus, ito ang pinakamalupit na parusa sa mga kriminal.  Ito ay simbolo ng kahihiyan at kamatayan.  The cross is a symbol of shame and death.  Para sa mga tao noong panahon ni Hesus – isang talunan ang sinumang ipinapako as krus.  The cross is all about defeat, failure, shame, disgrace, death.

Ngunit bilang mga Kristiyano hindi kamatayan ang katapusan ng lahat.  Hindi kamatayan ang may huling halakhak.  “The tree, once the source of shame and death for humankind, has become the cross of our redemption and life.”

Ang krus ni Hesus ay pagwawagi ng pag-ibig.   Galit na sana ang inaasahan mamayani habang mahapdi ang kanyang mga sugat, matinding sikat ng araw, tinutuya at inaalipusta ng mga kawal.  Ngunit, nagwagi ang pag-ibig, nagwagi ang pagpapatawad.  Sa kabila ng lahata, ang namutawi kay Hesus ay mga kataga ng pagpapatawad: “Ama patawarin mo sila sapagkat di  nila nalalaman ang kanilang ginagawa.

Sabi ni Pope Benedict XVI: “The cross reminds us that there is no true love without suffering, there is no gift of life without pain.”

Kapag tayo’y nasasaktan, may sakit, gusto natin sa atin nakatuon ang pansin ng lahat, tayo ang maging sentro ng pansin ng iba.  Nagiging makasarili tayo.  Sa krus, nagwagi ang pagmamalasakit.  Inintindi pa rin ni Hesus si Maria na kanyang ina.  Inalala pa rin niya tayong lahat na kinakatawan ni Juan.  Inihabilin ni si Juan kay Maria.  Ipinagkatiwala niya si Maria kay Juan.

Ang krus ni ay pagwawagi ng pagpapala.  Sa krus, dumaloy ang dugo at tubig sa tagiliran ni Hesus.  Nagwagi ang pagpapala laban sa sumpa ng kamatayan at kasalanan.

Ang krus ng kahihiyan ay nagbunga ng pagpapala. Ano ba ang tanda na ginagamit ng pari o  matatanda pagbebendisyon?  Hindi ba’t tanda ng krus? We can only bless with the sign of the cross!  The cross is a blessing.  The cross is a plus sign.

Noong tayo’y binyagan ang sumalubong sa atin bilang mga bagong kasapi ng sambayanang Kristiyano ay ang tanda ng krus.  Hiniling ng pari sa ating mga magulang at mga ninong at ninang na krusan ang ating mga noo.  Ang krus ang tumanggap sa atin sa simbahan.  Ang krus ang naging tanda ng pag-angkin sa atin ni Hesus.

Kaya nga dapat ang krus ay pagwawagi ni Hesus sa buhay natin.  Sa katatapos lang na World Youth Day sa Brazil, pinamunuan ni Pope Francis ang mga kabataan sa pagdarasal ng Daan ng Krus.  Sabi niya: “No one can approach and touch the Cross of Jesus without leaving something of himself or herself there, and without bringing something of the Cross of Jesus into his or her own life.”

Ipagkatiwala natin kay Hesus ang lahat ng ating mga alalahanin, ang pagsisikap nating maging mabuti, magpatawad at magmahal.  Hilingin natin ang biyaya na sa buhay natin mag-wagi ang pag-ibig, pagpapatawad, pagmamalasakit, at pagtalima sa kalooban ng Diyos.  Hilingin nating laging magwagi at maghari si Hesus sa ating buhay. (File Photo of RCAM-AOC)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *