Reberendo Padre Rufino Sescon Jr, ating butihing rektor at kura paroko; mga kapatid na pari, mga diyakono, mga relihiyoso at relihiyosa, mga kapatid na deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno:
Nagpupuri tayo at nagpapasalamat sa Diyos sapagkat sa pagdiriwang natin ng Banal na Misa na ito ay naipagdarangal natin ang Mahal na Senyor. Salamat sa Diyos sapagkat sa wakas ay muli tayong nakapagtipon dito sa Luneta, dito sa Bagumbayan na siyang dating tahanan ng Poong Hesus Nazareno bago ilipat sa Quiapo.
Talagang hindi tayo pinababayaan ng Mahal na Senyor, hindi niya tayo iniiwanan na mag-isa at malayo sa kanya. At kahit yaong mga deboto na hindi makapunta ngayon dito sa Luneta o sa Quiapo, ang Poon naman mismo ang dumadalaw sa kanilang mga tahanan. Siya ang lumalapit sa bawat isa sa atin ngayon. Pumapaloob siya sa ating mga puso, at pinalalakas ang ating pag-asa. Kapiling natin siya! Buháy na buháy si Hesus na kasama natin! Kaya nga’t sinasabi natin lagi: “Viva Hesus Nazareno!”
Mga kapatid, sa ating mga pagbasa ngayon, itinatampok ang misteryo ng Banal na Krus. May dalawang kilos ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ukol sa krus: pakikiisa at pagtatagumpay.
Una ay pakikiisa. Sabi sa Ikalawang Pagbasa, kahit na siya ay Diyos, ay hindi nagpilit si Kristo Hesus na manatiling kapantay lamang ng Diyos. Sa halip, inubos niya ang kanyang sarili at nagkatawang-tao. At nagpakababa siya at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, kahit ang karumal-dumal at kahiya-hiyang kamatayan sa marahas at malupit na krus.
Makikita natin sa imahen ng Mahal na Poon na pumapasan ng krus at nakaluhod ang kaliwang paa. Nakatukod sa lupa ang tuhod ng Poon, dahil ang puso niya ay nakakawing sa mga puso natin. Nakikiisa siya at nakikiramay sa sangkatauhan. Sa pagkakadapa niya sa daan patungong Kalbaryo, sa pagpasan niya sa bigat ng krus, pinapasan din niya ang ating kahirapan, kasalanan, at kamatayan. Nakikiisa siya sa ating abang kalagayan.
Kaya naman, walang karanasan ng tao na hindi nauunawaan ng ating Poong Hesus Nazareno. Nauunawaan niya ang tiisin ng maysakit, ang pagod ng manggagawa, at ang pangungulila ng OFW. Batid niya ang pagsisikap ng mga mahihirap, ang ginaw ng walang damit at tirahan, ang kalam sa sikmura ng gutom at uhaw. Alam niya ang sakripisyo ng tapat na lingkod-bayan, ang pagsisisi ng nagkasala, ang pangarap ng mga bata, at ang tiyaga ng matatanda. Ramdam niya tayo, at nakikiramay siya sa atin. Nauunawaan niya ang pinagdadaanan natin.
Huwag sana tayong mag-atubili na makiisa din sa kanya at at sa ating kapwa. Manalangin tayo at magpuri sa kanya. Damayan natin ang ating kapwa, at magmalasakit tayo sa isa’t isa. Abutan natin ng pagkakawanggawa ang ating mga kapatid, lalo na ang mga nahihirapan ngayon.
Ang ikalawang kilos naman na makikita natin sa Mahal na Poong Hesus Nazareno ay pagtatagumpay. Makikita natin sa imahen ng Poon na tumatayo na ang kanyang kanang binti; ang mga balikat niya ay nakaunat at nakatuwid; at ang mga mata niya ay nakatingala. Nakasuot na rin siya ng magarang damit, katulad ng kasuotan ng isang hari. Kaya’t ang imahen ng Poong Hesus Nazareno ay hindi lang naglalarawan ng pagkakadapa niya noong Biyernes Santo. Ito rin ay paglalarawan ng pagbangon niya sa Linggo ng Pagkabuhay, ng pagbangon niya mula sa kamatayan, ng pagtatagumpay niya mula sa dahas at lupit ng krus at kasamaan. Ang Senyor ay hindi nagpatalo sa krus; nanaig ang kanyang pag-ibig.
At ang tagumpay ni Hesus ay hindi lamang para sa kanyang kaluwalhatian, kundi para rin sa ating kapakinabangan. Ipinahiwatig sa Unang Pagbasa at sa Ebanghelyo, na ang Kristo ay itataas sa krus upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang sinumang manalig sa kanya. Ang krus na dating kasangkapan lamang ng karahasan ay naging daan ng ating katubusan. Sa halip na magwagi ang kamatayan, nagtagumpay ang kaligtasan. Sabi nga natin sa ating awit, “Ang krus mong kinamatayan ay sagisag ng aming kaligtasan.”
Kaya naman, makibahagi tayo sa Mahal na Poong Hesus Nazareno sa kanyang tagumpay. Nagtagumpay ang Poong Hesus Nazareno upang maipagtagumpay tayo. Tumayo siya upang akayin tayo na makatayó sa buhay nang may dangal at pagmamahal. Talikuran natin ang kasalanan at mamuhay tayo sa karangalan ng mga anak ng Diyos. Sikapin nating ipanalo ang katotohanan, katarungan, at kapayapaan dito sa sanlibutan.
Pakikiisa at pagtatagumpay: ito ang misteryo ng banal na Krus; ito ang mabiyayang kilos ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Mga kapatid, alam kong nalulungkot kayo dahil ikatlong taon na ngayon, na hindi pa rin natin maidaraos ang prusisyon ng Traslacion. Gayumpaman, maranasan pa rin nawa natin ang Panginoong Hesus na umaakay sa atin sa prusisyon ng buhay, sa Traslacion ng buhay. Ang Traslacion ay hindi lang taun-taon kundi araw-araw na karanasan, sapagkat ang Mahal na Poong Nazareno ang siyang nagpuprusisyon sa atin. Kaisa natin siya upang makapag -Traslacion patungo sa tagumpay ng kaganapan ng buhay.
Sinasamahan tayo ng Nazareno at tinutulungan sa ating paglalakbay. Siya ang humahatak sa lubid at umaayos sa mga buhol ng mga problema natin. Siya ang sumasalya upang makausad tayo sa pagbabagong-buhay. Siya ang tumutukod upang hindi tayo mahulog sa kamalian at kapahamakan. Siya ang tumitimon upang magabayan tayo sa tamang landas. Siya ang pumapasan sa mga pinggâ ng kalooban natin sa tuwing pinanghihinaan tayo ng loob.
Ang pakikiisa at pagtatagumpay ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ay maranasan nawa natin sa araw-araw nating mga Traslacion ng buhay. Katulad ng ginagawa natin tuwing Traslacion, pag-ibayuhin natin ang pananalig natin sa kanya, at magtulungan tayo upang lahat tayo ay makaranas sa pagmamahal niya.
Nuestro Padre Jesus Nazareno, sinasamba ka namin.
Nuestro Padre Jesus Nazareno, niluluwalhati ka namin.
Amen. (Photo by Genieve Genuino/RCAM-AOC | Photogallery)