HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Fiesta Mass, Parish of the Our Lady of the Abandoned, May 18, 2024

Reb. Padre Adolfo Bonghanoy, Jr. MSP, team ministry moderator; Reb. Padre Reginaldo Lavilla at Niño Cuadero, MSP, team ministry members; mga kapatid na pari at lingkod na diyakono; mga relihiyoso at relihiyosa; mga parokyano at deboto ni Maria, Ina ng mga Walang Mag-Ampon; mga minamahal na kapatid kay Kristo: Happy Fiesta po sa ating lahat!

Natitipon tayo ngayon bilang isang komunidad ng pananampalataya upang ipagdiwang ang kapistahan ng ating Mahal na Ina, at ipagpasalamat ang mga bagong pastol na ipinadala sa inyong parokya. Hilingin natin sa misang ito na pagkalooban ng Panginoon sina Frs. Adolfo, Reginaldo, at Niño ng biyaya na maging mapagkalinga sa lahat ng panahon, gaya ng ating Mahal na Birheng Maria, lalo na sa mga may pasan na mabibigat na krus at sa mga nililimot at kinakaligtaan ng lipunan. Ang bahagyang pagkakayuko ng ating Mahal na Ina, nawa’y maging postura ng kanilang buhay, upang lagi nilang makita, marinig, madama, at maabot ang mga tupang nangangailangan ng kanilang pagpapastol.

Kung susuriin natin ang ministeryo ng ating Panginoong Hesus, hindi maitatanggi ang pagpapahalaga at pag-uuna niya sa mga itinataboy ng relihiyon, kultura, at lipunan ng kanyang panahon. Kinalinga at pinaglingkuran niya ang mga iniiwasan at inabandona dahil sa kanilang sakit, kasalanan, kasarian, katayuan sa buhay, edad, lahi, o paniniwala. Masasabing pinanigan at inampon ng kanyang wagas na pag-ibig ang mga walang mag-ampon.

Sa ganang ito, maapirmang tunay siyang anak ng Diyos, sapagkat sinunod niya ang kalooban at pagkiling ng Diyos, na may malambot na puso sa mga anawim: sa mga balo, ulila, dukha, at dayuhan. Subalit bilang tunay at ganap na tao, kailangang aminin na may nakuha rin siya sa kanyang mga magulang sa lupa. Nagisnan at natutunan din ni Hesus sa kanyang inang si Maria ang paglingap sa mga maliliit at nangangailangan. Saan ito mababanaagan sa buhay ni Maria?

Una, bagamat may dinadalang sariling alalahanin dulot ng kanyang misteryosong pagbubuntis, minabuti ni Maria na magmadaling tumungo sa bahay nina Zacarias, sa malayo at bulubunduking Judea, upang tumulong sa kanyang matandang pinsang si Elisabet sa kanyang maselang pagbubuntis. Di alintana ang sarili, nanatili siya roon ng tatlong buwan upang alagaan ang isang sinimangutan ng lipunan dahil sa kanyang matagal na panahong pagkabaog.

Ikalawa, mahihinuha sa kanyang Magnificat ang isang propetikong pahayag at panalangin. Sa linya at diwa ng mga propeta ng lumang tipan, inawit ni Maria ang mga pagbabaligtad na dala ng paghahari ng Diyos na pabor sa mga maliliit. Nagpupuri at nagagalak siya sa Diyos sapagkat: “Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig, nilito niya ang mga may palalong isip. Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad, at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman. Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod, at hindi niya kinalimutang kahabagan ito”. Ang awit na Maria ay pag-apirma sa mga ginawa ng Diyos sa nakaraan, at isang marubdob na pananambitan para sa mga nasa kapus-palad at nasa abang kalagayan sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Ikatlo, maaalalang nagmalasakit at namagitan siya para sa bagong kasal sa Cana, Galilea nang maubusan sila ng alak. Noong panahong iyon, napakalaking pagdiriwang ang kasal. At ang alak ang siyang tanda ng kasaganaan at kaligayahan ng pagtitipon. Malaking suliranin at kahihiyan sa bagong kasal ang maubusan nito. Maagap at mapagmasid sa mga pangangailangan sa paligid, inilapit ni Maria sa kanyang anak ang sitwasyon, na tinugunan naman nito sa pamamagitan ng himala ng pagbabago ng tubig sa galon-galong masarap na alak. Bagamat ang tuon ay ang unang himala ni Hesus, hindi maipagkakaila ang pakikiramdam, pagmamalasakit, at pamamagitan ni Maria para sa nangangailangan.

Ikaapat, sa ebanghelyo ni San Juan ay inilalarawan na nakatayo si Maria sa paanan ng krus ni Hesus. Hindi siya nakahandusay, nagpatirapa, nanghihina, o mukhang talunan dahil sa malupit na sinapit ng kanyang anak. Bagkus siya ay nakatayo – isang imahen ng lakas at katatagan sa gitna ng matinding pagsubok. Masasabing nakatayo siya at naninindigan para sa lahat ng mga inaapi, inaabuso, at ipinapako sa krus ng buhay. Hindi lamang niya ito tinatanggap, kundi kinukwestiyon at hinaharap.

Ikalima, sa paanan ng krus, ipinagkatiwala siya ni Hesus sa minamahal na alagad, at ipinagkatiwala naman ang nasabing alagad sa kanya. Sa puntong ito ay ipinapakilala si Maria bilang Ina ng Simbahan. Sa pag-inod ng mga siglo, sa pamamagitan ng kanyang mga himala at pagpapakita, ipinakita niya ang kongkreto at walang patid na pagmamalasakit at pagmamahal sa Simbahang naglalakbay sa lupa.

Kung susumahin, hindi tulad nina Adan at Eba sa unang pagbasa, buong layang sinunod ni Maria ang dalawang pinakamahahalagang utos: ang mahalin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at isip; at ang ibigin ang kapwa gaya ng kanyang sarili. Sa bisa ng paglukob at pananatili sa kanya ng Espiritu Santo, pinasan niya ang krus ng pag-ibig buo niyang buhay, at naging ganap siyang disipulo ng kanyang anak na si Hesus. Kung tayo’y mga anak ni Maria, dapat ay magmana tayo sa kanya. Kung pinalaki niya si Hesus na may puso para sa Ama at sa mga walang mag-ampon, nawa’y tayo rin. Gaya ng Mahal na Ina, ibigay natin ang ating fiat sa Diyos at kapwa, hindi lamang paminsan-minsan, kundi sa lahat ng panahon.

Maria, Ina ng Walang Mag-ampon, ipanalangin mo kami.

(Photo by Austin Reyes/RCAM-AOC | Photogallery)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *