Reb. Padre Virgilio del Mundo, ang ating rektor at kura paroko; mga kapatid na pari, diyakono, mga relihiyoso at relihiyosa; mga civil at lay leaders ng parokya; mga parokyano at deboto ng Our Lady of the Abandoned: Happy Fiesta po sa ating lahat!
Tigib ang pasasalamat natin sa Diyos sa misang ito dahil ating ipinagdiriwang ang kapistahan ng inyong patrona, ang Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon, at ang ika-apat na raan at apatnapu’t limang (445) anibersaryo ng pagkakatatag ng inyong parokya. Tinutukoy at ginugunita ng dalawang pagdiriwang na ito ang katotohanan na ang ating Diyos ay mapagkalinga at hindi nagpapabaya. Sa halos apat at kalahating siglo, itinataguyod at binibiyayaan Niya kayo bilang isang komunidad ng pananampalataya. Sa pagkakaloob Niya sa inyo ng Mahal na Ina bilang patrona, naipaparamdam Niya ang kanyang espesyal at maka-inang pagkakandili. Na naririto pa rin kayo matapos ng apat na raang taon, at patuloy na nanambitan sa Mahal na Birheng Maria, ipinaparating niyo rin sa iba, lalo na sa mga walang mag-ampon, na mahalaga sila sa Diyos. Maibunsod nawa ng ating pagdiriwang ngayon ang mas maigting na misyon, lalo na para sa mga huli at nakaliligtaan, na siyang tiyak na ikasisiya ng ating Panginoon at ng kanyang ina.
May ilang bagay tayong matututunan tungkol sa misyon mula sa ating unang pagbasa. Sa kwento ng sinaunang simbahan, mahihinuha natin ang halaga ng masusing pagkilatis sa sitwasyon, ng paghahanap ng angkop na tugon, at ng paggawa ng dalawang ito nang sama-sama. Bakas sa kanilang modus vivendi ang pagkakaisa at pakikisangkot sa pagharap sa mga pagsubok na dala ng misyon. Ipinaliliwanag ng kanilang halimbawa ang tema ng ating piyesta: “Kapit Bisig sa Misyon: Pagtugon sa Hamon ng Ebanghelyo tungo sa Buhay na Ganap”.
Dahil mga hentil ang mga pamayanan sa Antioquia, Siria, at Cilicia, may mga lumaganap na maling turo hinggil sa mga disiplinang dapat nilang isabuhay bilang mga sumasampalataya kay Kristo. Ito ay nagdala sa kanila ng kalituhan at pagkabagabag. Bilang tugon, ang mga apostol at mga nakatatandang pinuno ng simbahan, kasama ang buong simbahan, ay nangilatis, nag-usap, at nagkaisa na ipadala sina Barsabas at Silas upang tumulong sa misyon nina Pablo at Bernabe. Magkakasama, ipinarating ng mga ito, sa sulat at salita, ang malinaw na turo hinggil sa mga tanging bagay na dapat nilang iwasan kung nais nilang sumunod kay Kristo. Ang lahat ng ito’y buhat sa pagkilala ng simbahan na kapatid nila ang mga hentil sa Antioquia, Siria, at Cilicia. Dahil itinuturing silang mga kapatid, hindi isinantabi o ipinag-walang bahala ang kanilang suliranin at kapit-bisig na hinanapan ng solusyon ayon sa hamon ng ebanghelyo.
Ito ay masasabing pagsasabuhay ng utos ni Hesus sa ebanghelyo: “magmahalan kayo!” Subalit hindi lamang kung anong klaseng pag-ibig, kundi pag-ibig na gaya ng sa kanya: “magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo”. Paano ba magmahal si Hesus? Itinuturing ang lahat bilang kapatid at kaibigan, kaya naman handang ialay kahit pa ang buhay para sa kanila.
Ito ang naging modus vivendi ni Hesus sa kanyang ministeryo. Inibig niyang lahat bilang kaibigan, lalo na ang mga walang tumuturing na kaibigan — ang mga makasalanan at inaalihan ng demonyo, ang mga may sakit at kapansanan, ang mga maliliit na gaya ng mga balo, ulila, at mga hentil. Inampon niya sa kanyang puso ang mga itinakwil ng relihiyon, lipunan, at kultura ng kanyang panahon. Walang hindi maampon ang kanyang pag-ibig. Ito ang inaasahan ni Hesus at hamon ng kanyang ebanghelyo para sa kanyang mga taga-sunod: buhay na ganap para sa mga walang mag-ampon sa pamamagitan ng kapit-bisig na pagtulad sa kanyang pag-ibig.
Ang ating Mahal na Birheng Maria ay tinuturing na una at pinaka-ganap na disipulo ng kanyang anak na si Hesus. Kaya naman sinundan niya ang buhay pagmamahal nito at naging mapag-ampong ina. Makikita natin ito nang akuin niya ang problema ng bagong kasal na naubusan ng alak sa Cana. Mababanaagan ito nang tumindig siya para sa lahat ng mga biktima ng krus ng buhay sa paanan ng krus sa Kalbaryo. Matatanto ito nang samahan niya ang mga alagad na nakakulong sa takot matapos ipapatay si Hesus. Mahihinuha ito nang ampunin niya ang simbahan magmula nang habilinan siya ng kanyang anak: “Ina, narito ang iyong anak”, hanggang sa ngayon. Madarama ito tuwing umuuwi tayo sa kanyang yakap upang ipaampon ang ating mga suliranin at kahilingan sa kanya. Habang ikinasisiya ng ating Mahal na Ina ang lahat ng ito, sa mismong pagyakap niya sa atin ay bubulungan niya tayo: buhay na ganap para sa mga walang mag-ampon sa pamamagitan ng kapit-bisig na pagtulad sa kanyang pag-ibig.
Kung magmamahalan tayo gaya ng pagmamahal ni Hesus, lahat ay maituturing na kapatid at kaibigan, at walang hindi maaampon. Kung tunay tayong mga deboto ng ating Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon, hindi lamang tayo magpapa-ampon sa kanya, kundi mamumulatan din tayo sa ating kapwang kailangang ampunin at akuin. Malinaw at nakalatag na ang ating misyon sa mga susunod na mga siglo. Ipinapaalala ni Hesus na pinili niya tayo at hinirang upang mamunga ng bungang mananatili. At ang tanging nanatili ay ang mga bunga ng pag-ibig. Higit sa simbahang bato na nanatili nang higit apat na siglo, panatilihin natin ang simbahang nagmamahalan bilang magkakapatid at magkakaibigan, lalo na sa mga walang mag-ampon, sa tulong at paggabay ng ating Mahal na Ina. Amen. (Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC | Photogallery)