HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Fiesta Mass at San Juan Nepomuceno Parish on May 16, 2022

Reberendo Padre Edgardo Coroza, ang ating Kura Paroko, mga minamahal na kapatid na pari, mga deboto ni San Juan Nepomuceno, mga minamahal na kapatid kay Kristo,

Masaya akong makasama kayo sa pagdiriwang ng kapistahan ng insong patron na si San Juan Nepomuceno.  Salamat sa kanyang halimbawa ng katapangan at katapatan sa pananampalataya.  Salamat sa kanyang halimbawa ng pagpanaw sa sarili.  Kilala si San Juan Nepomuceno sa pagiging martir ng Sakramento ng Kumpisal.  Makailang ulit na pinilit siya ng hari na isiwalat ang ikinumpisal ng reyna ngunit nanindigan siya.  Sabi ng hari, “Kung hindi mo sasabihin sa akin, mamamatay ka.  Ngunit kung susundin mo ang hiling ko, gagantimapalaan kita ng yaman at karangalan.”  Hindi natinag si San Juan  Nepomuceno kaya’t ipinautos ng hari na itapon siya sa ilog.  May mga bagay at paninindigan tayo na mas higit pa sa ating mga sarili.

Hinahamon tayo na palagiang magtaya ng sarili, pumanaw sa sariling ginhawa at layaw upang mapanindigan si Hesus. Sa unang pagbasa, pinalalakas ang loob natin sa pagliligtas na dulot ng Panginoon kahit na sa mga naghahangad kumitil ng buhay at sa mga kagipitang kinasusuunguan.

Sa ikalawang pagbasa, ipinangako sa atin na kahit anuman ang harapin natin, walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – hindi ang paghihirap, pag-uusig, gutom o tabak.

Bahagi ng ating pananaw bilang isang arkidiyosesis ay ang pagsasabuhay ang Misteryo Paskwal.   Dahil si Kristo ang ating sinusundan, bahagi ng ating buhay ang mga karanasan ng Misteryo Paskwal – ang mga karanasan ng kamatayan at ang mga karanasan ng muling pagkabuhay.  Sa sakramento ng Binyag, tayo’y namatay at muling nabuhay kasama ni Kristo.  Sa katunayan nga ang tanda na ginamit upang tanggapin tayo sa sambayanang Kristiyano ay ang tanda ng krus sa ating noo.   At sa Binyag din lumulusong sa tubig bilang tanda ng pagkamatay kasama ni Kristo at ang pagahon sa tubig tanda ng muling pagkabuhay kasama niya.

Ito ang buhay na nakatakdang tahakin ng isang Kristiyano sa pagsunod kay Hesus.  Ito ang nais ipaalala sa atin ng ating ebanghelyo.  “Unless a grain of wheat falls into the earth and dies, it remains just a single grain – but if it dies, it bears much fruit.”

Kailangan ng pagpanaw sa sarili.  Kenosis ang tawag dito.  Paulit ulit na pagpanaw sa sarili para sa minamahal.  Constant dying to self for the sake of the beloved.  We can only give life when we constantly die to our selfishness, our whims and our ambitions. Makapagbibigay buhay lamang tayo kung handa tayo laging pumanaw sa sarili.

Sabi ni Dietrich Bonhoeffer “God’s hand is sometimes a hand of pain – hand of joy.  Always a hand of love.”

Kapag nagtitiwala tayo sa Diyos kahit gaano kahirap ang buhay, may pagpanaw sa sarili, may bagong buhay na sumisibol.

Kapag nagbabahagi tayo kahit na may mga sarili rin tayong pangangailangan, may pagpanaw sa sarili, may bagong buhay na sumisibol.

Kapag nagmamahal tayo ng mga taong mahirap mahalin, may pagpanaw sa sarili, may bagong buhay na sumisibol.

Kapag nagpapatawad tayo sa kahit sobrang sakit ang idinulot sa atin, may pagpanaw sa sarili, may bagong buhay na sumisibol.

Kailangan ng pagtatabas upang lumago, umunlad at mamunga.  Masakit ang pagtatabas pero ito lang ang paraan upang lubusang lumago.   Tulad ng isang magulang na itinutuwid ang anak dahil sa pagmamahal, ganito rin ang karanasan natin sa kamay ng Panginoon.  Masakit para sa isang magulang na habang tinuturuang maglakad ang anak – bibitiwan ang kamay ng anak – hahayaang madapa at bumagsak at bumangon sa kanyang sariling kakayahan – upang ganap na matutong maglakad.  Hinahayaang harapin nang mag-isa ang mga unang pagsubok – upang maging matatag at matapang sa pagharap sa buhay.

Ang taong nagmamahal handang isakripisyo, isantabi, o iwanan ang lahat para sa pagmamahal.  Hahánap sya ng paraán, sa halip na magpalusot o magdahilan.  Alam na alam ito ng mga magulang.  Mga nánay at tátay, noóng sanggól pa ang mga anák nyo, walang pinipiling oras ang pag-iyak nila.  Iiyak sila kahit sa gitna ng gabi.  Kahit pagod at puyat kayo, tatayo pa rin kayo para mag-alaga.  Salamat po, mga nanay at tatay, sa halimbawa ninyo ng pagpanaw sa sarili at kahandaáng magmahal.

Nakakaantig din ng puso na makita, sa panahon ng pandemya at sakuna, ang napakaraming taong nagpakíta ng kahandaan pumanaw sa sarili upang magmahal at magmalasakit sa kápwa.  Nabulabog ang mga plano nating lahat, nagulo ang mga schedule, nagkulang ang mga resources, pero sa halip na magdamot at magíng makasarili, pinili nila ang kaligtasan ng nakararami at ang kabutíhan nating lahat.  Salamat po sa inyong pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa. (RCAM-AOC | Photo from San Juan Nepomuceno Parish Facebook Page)

 

Leave a reply