HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Fiesta Mass at San Ildefonso Parish, Makati City, January 23, 2023, at 6 pm

Reberendo Padre Antonio Molavin SDB, ang ating kura proko, mga minamahal na kapatid na pari at diyakono, mga minamahal na kapatid kay Kristo.

Nagagalak ako na makasama ang inyong pamayanan ngayong gabi sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Ildefonso.  Ipinagdiriwang natin ang halimbawa niya ng kabanalan, pagsunod kay Hesus at debosyon sa Mahal na Birhen.  Hilingin natin ang biyaya na matularan siya.

Minsang pinagtatalunan ng mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila.  Ito pala ang dahilan kung bakit hindi nila naunawaan ang sinabi ni Hesus nang ipinagtapat niya sa kanila na bilang Tagapagligtas, siya ay “ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Hindi ito naunawaan ng mga alagad.  Nakatuon lamang sila sa katotohanan na si Hesus ang hinihintay nilang tagapagligtas.  Inakala nila na si Hesus ay magiging hari ng Israel na magpapalaya sa kanila sa pananakop ng mga Romano.  At kung si Hesus ay magiging hari, sino kaya sa kanila ang mabibigyan ng magandang puwesto?  Sino kaya ang magkakaroon ng kapangyarihan?  Sino kaya ang magiging pinakadakila?

Mga kapatid, hindi naman masama ang kadakilaan.  Sino ba naman ang ayaw maging dakila?  At bahagi ng kalooban ng Diyos na ang bawat isa sa atin ay maging dakila.  Pero tingnan natin ang kadakilaan, hindi sa pananaw ng mundo, kundi sa pananaw ng Diyos. Ang kadakilaan ng mundo ay para lang sa sariling kapakanan. At ang kadakilaan na nakatuon lamang sa sarili ay tiyak na magdudulot ng kasiraan.

Nagtalo-talo ang mga alagad dahil nag-uunahan sila sa pagiging dakila.  At hanggang ngayon nakikita natin ito sa lipunan, sa pamilya, sa trabaho, sa gobyerno, at maging sa simbahan.  Nagkakagulo at nag-aaway-away dahil nag-aagawan sa kapangyarihan.  Gustong maging sikat.  Gustong maging dakila.

Totoo ang sinabi ni Apostol Santiago “saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, maghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masasamang gawa.”

Itinuturo ni Hesus ang tunay na kadakilaan.  Sabi niya, “ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Para kay Hesus, ang daan tungo sa tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod.  Ang tunay na pagiging dakila ay unahin ang kapwa bago ang sarili.  Ito ang ipinakitang halimbawa ni Hesus. Naglingkod siya sa lahat hanggang kamatayan.  At dahil dito siya ay dinakila ng Diyos.

Mga kapatid, anong uri ba ng kadakilaan ang namamayani sa ating puso, sa ating pamilya, sa ating lipunan, at sa ating parokya?  Kung may siraan, inggitan, at selosan, kung may pagtatalo at awayan, kung watak-watak at walang pagkakaisa, baka makasariling kadakilaan ang hinahanap natin.  Baka gusto nating itaas ang ating sarili habang ibinababa natin ang iba.

Ang naisin natin ay ang kadakilaan na bunga ng paglilingkod.  Maraming tao ang halimbawa nito.  Si Mother Teresa ng Calcutta, naglingkod sa mga dukha at maysakit.  Dahil dito, siya ay dakila.  Sa panahon ng pandemya, ang ating mga healthcare workers at frontliners sa iba’t ibang larangan na walang sawa at walang pagod sa paglilingkod, sila ay dakila.  Nasa paglilingkod ang tunay na kadakilaan.

Ang mga magulang na kumakayod para itaguyod ang mga anak, ang mga OFW na nagtitiis ng lungkot at lamig dahil sa pagmamahal sa kanilang pamilya, sila ang tuinay na dakila.  Ang mga guro matiyagang humuhubog sa kanilang mga estudyante, ang mga madre, mga pari na patuloy na nagbibigay ng sarili sa pagpapastol sa bayan ng Diyos, silang tunay na dakila.  Nasa palagiang pagbibigay ng sarili, pagpanaw sa sarili upang mabuhay ang kapwa, ang tunay na kadakilaan.

Hilingin natin ang biyaya ng kababaang loob.  Ito ang susi sa tunay na kadakilaan.  Ito ang susi sa paghahari ng Diyos sa ating buhay.  Kung walang kababaang loob, puno tayo ng ating mga sarili kaya’t nawawalan ng puwang ang Diyos sa ating buhay.

Sabi ni St. John Climacus,“Humility is the only virtue the devil cannot imitate.”   Hindi tayo magkakamali sa kababaaang loob.  We can never go wrong with humility.  The crown of all virtues is humility.  Kababaang loob ang dapat na pamamayanihin natin sa ating mga pamilya at pamayanan. Sa kababaang loob – may pananalig sa Diyos, pagtitiwala sa kakayahan at ambag ng bawa’t isa, pakikinig, paggalang, may pasasalamat.

Sa tulong ng panalangin ng ating patrong si San Ildefonso at ng ating Mahal na Birheng Maria, matuto nawa tayong magpakumbaba at maging lingkod ng lahat.  Huwag nating naisin na maging dakila sa mata ng mundo. Ang naisin natin ay maging dakila sa mata ng Diyos.  Sapagkat ang mga dakila sa mata ng Diyos ay tiyak na tatanggap ng mga dakilang biyaya sa mundong ito at sa buhay na walang hanggan. Amen. (Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC | Photogallery

 

Leave a reply