HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Fiesta Mass at Mary, Mirror of Justice Parish on May 15, 2022

Sa ating Kura Paroko na si Fr. Joel Jason, sa mga kapatid kong pari at diyakono, sa mga civic leaders at parish servants, sa mga parokyano at deboto ng Birheng Maria, Salamin ng Katuwiran, mga minamahal kong kapatid kay Kristo: Happy fiesta po sa ating lahat!

Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang ika-limang linggo sa panahon ng Muling Pagkabuhay. Patuloy nating ninamnam, pinapalalim, at iniaangkop ang katotohanan at mensahe ni Kristong muling nabuhay. Sa ating ebanghelyo, sa konteksto ng huling hapunan, malinaw ang kanyang habilin: “Mag-ibigan kayo kung paanong inibig ko kayo!” Sa pagdiriwang ng piyesta ng parokya, tumpak na paalala ito sa pamilya niya dito sa Comembo: “Mag-ibigan kayo!” sapagkat ito ang tanda ng kanyang mga tunay na alagad. At hindi lamang ito pag-ibig na sentimental o nadarama. Upang makilala tayo bilang mga taga-sunod niya, ito ay pag-ibig na dapat nakikita sa buhay natin at gawa. Sa ating unang pagbasa, mula sa Gawa ng mga Apostol, inihahain sa atin ang halimbawa ng sinaunang simbahan bilang modelo ng pagsasabuhay ng bagong utos ni Hesus.

Una, ipinapakilala ang simbahan bilang organisadong sistema ng pagmamahal at paglilingkod. Narinig natin na humirang ang mga alagad ng mga matatandang mamamahala upang siguruhin ang kaayusan at kapayapaan ng simbahan. Sa paglaon, kinilala din nila ang mga karismang kaloob ng Espiritu sa bawat miyembro, na nagsilang sa iba’t ibang mga naka-ukol na ministeryo. Ang lahat ng ito — mga yamang materyal, espiritwal, at pantao — ay tinipon at inilahad nila para sa kapakanan ng bayan ng Diyos. Sa pagsasa-ayos na ito, lumaki ang potensyal at lumakas ang puwersa upang maisakatuparan ang bilin ni Hesus nang sama-sama. Subalit, kung walang pag-ibig, habag, at pag-uunawa sa pagitan ng bawat miyembro, hindi maipagkaka-isa ang simbahan, at hindi mapapalawig ang misyon ng pag-ibig sa lipunan. Ang pagmamahalan ang siyang lumilikha at nagbibigkis sa komunidad upang maging organisadong puwersa ng pag-ibig, awa, at kabutihan ng Diyos sa mas nakararami.

Ikalawa, ipinapakilala ang simbahan bilang nagpapalakas ng loob sa isa’t isa. Sa ating unang pagbasa, narinig natin kung paanong pinatatag nina Pablo at Bernabe ang kalooban ng mga alagad at pinayuha silang manatiling tapat sa pananampalataya — na panghawakan at panindigan ang misyon ng pag-ibig. Tinutukoy nito na may mga pagsubok at kapighatian sa bokasyong ito dahil sa mga puwersang kontra sa pag-ibig sa mundo. Ang pagpapalakas ng loob ay ginagawa sa pamamagitan ng pananalangin at paghahati-hati ng tinapay kung saan ginugunita ang mga gawa ng Diyos at kung paano nagmahal si Hesus. Sa huling hapunan, sa harap ng naka-ambang pagtatakwil, pagtatatwa, at pag-aabandona sa kanya ng kanyang mga kaibigan, itinuro pa rin niya kung paano siya magmahal: paghuhugas ng paa, pagbabahagi ng pagkain, at pag-aalay ng sariling buhay. Ito ang pamantayang nagpapaningas sa kalooban: buhos at lubos na pagmamahal, pagmamalasakit, at paglilingkod na walang hinihintay na kapalit.

At panghuli, ipinapakilala ang simbahan bilang nagpapalawig sa kanyang yakap at umaabot sa iba. Narinig natin ang mga lugar ng Listra, Iconio, Antioquia, Pisidia, Panfilia, Perga, at Atalia kung saan nakarating ang mabuting balita ni Kristo. Hindi lamang nanatili ang pananampalataya sa Herusalem o sa mga Hudyo. Sa pamamagitan ng misyon ng mga alagad, ito ay umabot sa malalayong lugar ng mga pagano at hentil. Ito’y sapagkat walang kinikilalang hangganan at limitasyon ang pag-ibig. Ito ay laging umaagos at nag-uumapaw, kahit pa sa mga mahihirap mahalin. Ganito ang dinamismo ng nakaranas sa pag-ibig ng Diyos: nais mo lamang itong ibahagi at iparanas sa iba, hanggang masaklaw ang mundo ng paghahari ng kanyang pagmamahal.

Kung maisasabuhay ng simbahan ang habiling ito ni Hesus, magaganap ang pangitain ni Juan sa ikalawang pagbasa — magkakaroon ng bagong langit at bagong lupa; lilipas ang mga dati at lumang bagay; bababa ang bagong Herusalem na kumikilala at nagmamahal sa Diyos. Pinapanibago ng pag-ibig ni Kristo ang lahat. Ang sistema ng kanyang pag-ibig ang wawasak sa mga sistema ng kamatayan, dalamhati, at luha sa ating mundo. Mangyayari ito kapag nananahan ang Diyos ng pag-ibig sa piling ng mga tao, sa pamamagitan ng kanyang simbahang nagmamahal at naglilingkod sa kapwa.

Sa landas ng pag-ibig, si Maria: Salamin ng Katuwiran, ang inang gabay ng ating sambayanang naglalakbay. Ayon kay St. John Henry Newman, ang kahulugan ng titolong ito ni Maria ay hindi lamang ang karaniwan at limitado nating pag-uunawa sa katarungan, kundi: “all virtues at once, a perfect, virtuous state of the soul—righteousness, moral perfection, sanctity”. Sinasalamin ni Maria, sa abot ng kanyang kaya bilang nilalang, ang perpektong kabanalan at katuwiran ng kanyang Anak na si Hesus. Ito’y naging posible sapagkat malapit niyang sinubaybayan at sinundan ito, mula sinapupunan hanggang kamatayan. Sa ganang ito, bilang ganap at tapat na disipulo ng kanyang Anak, naisalamin din ni Maria ang pag-ibig ni Kristo. Kaya naman sa krus, minabuti ni Hesus na ihabilin ang simbahan sa kanyang ina, upang magabayan at maturuan niya tayo kung paano magmahal gaya ng kanyang Anak. Mula noon hanggang ngayon, hindi tinalikuran ni Maria ang misyong ito.

Una, magugunita na sa pag-ibig ni Maria nabuklod ang mga nangungulila, takot, at nagtatagong mga alagad habang hinihintay ang biyaya ng Espiritu Santo sa Pentekostes. Siya rin ang nagtitipon sa ating kanyang mga anak sa pamamagitan ng ating mga debosyon, panalangin, at pamimintuho sa kanya. Ikalawa, sa kanyang pagkalinga, ilang beses din niyang pinalakas ang loob ng simbahan sa pamamagitan ng kanyang mga mensahe, himala, at aparisyon. Naituturo niya ang landas na dapat nating tahakin sa bawat panahon. Hindi niya binibitawan ang ating mga kamay at puso habang tinatahak natin ang lambak ng luha na ito. At panghuli, ang kanyang paglilingkod ay umabot din sa labas ng kanilang tahanan — nang alagaan niya ang matanda’t buntis niyang pinsan na si Elisabet at nang tugunan niya ang pangangailangan ng mag-asawang naubusan ng alak sa Cana. Hanggang ngayon, naka-antabay siya sa ating pagtawag at ipinapadama ang kanyang maka-inang pagkandili sa buong mundo at sa iba’t ibang uri ng tao.

Kaya naman masasabi nating si Maria ang ating tagapagtipon, modelo, at gabay sa sama-sama nating pagtahak sa landas ng pagmamahal. Inaanyayahan tayo ng ating patrona, ni Mariang Salamin ng Katuwiran, na manalamin sa kanya at isalamin ang kanyang mabubuting halimbawa, upang maisalamin din natin ang pag-ibig ng kanyang anak na si Hesus. Sa kanyang tulong, lumago nawa tayo bilang isang parokya ng oraganisadong pagmamahal, na nagpapatatag ng loob ng isa’t isa, at umaabot upang paglingkuran ang iba, sa ikapagpapanibago ng mukha ng mundo. Amen. (Photo by Genieve Genuino/Contributor)

 

Leave a reply