HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Fiesta Mass and 34th Founding Anniversary of Saint Dominic Savio Parish on May 6, 2022, 6 p.m.

Reberendo Padre Eduardo Hila, ang ating Kura Paroko, mga minamahal na kapatid na pari, mga ginighiliw na kapatid kay Kristo:

Masaya akong makasama kayo sa pagdiriwang ng Banal na Misa upang ipagpasalamat sa Panginoon ang biyaya ng ika-tatlumpu’t apat na anibersaryo ng pagkakatatag ng inyong parokya.

Labing tatlong taon nakakulong si Cardinal Francis Van Thuan sa Vietnam.  Siyam na taong solitary confinement.  Siyam na taong walang kausap, sa dilim ng pag-iisa. Ang sakdal laban sa kanya: isa siyang obispong Katoliko, isang pastol ng kawan ni Kristo.

Nang tinanong siya kung ano ang pinagmulan ng kakaibang lakas at buhay upang matagalan ang pagkakabilanggo at pag-iisa.   Ikinuwento niya na araw-araw siyang nagdiwang ng Misa sa gitna ng panganib.  Ang palad niya ang nagsilbing kalis at ciborium.  Sa isang palad, naglalagay siya ng tatlong patak ng alak at isang patak ng tubig.  Sa kabilang palad naman ay maliit na piraso ng hostiya.  Mula sa kanyang gunita at memoriya umusad ang Salita ng Diyos at mga panalangin sa bawat Misa. Sabi ni Cardinal Van Thuan: “Each time I celebrated Mass, I had the opportunity to extend my hands and nail myself to the cross with Jesus, to drink with Him the bitter chalice” (Testimony of Hope).  Makikita natin sa kanyang buhay ang kapangyarihan ng Eukaristiya.

Ipinakilala ni Hesus ang kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay.  Sinabi ni Hesus na “ang kumakain ng kanyang laman at umiinom ng kanyang dugo ay nanahan sa akin at ako sa kanya.”

Binusog ni Hesus ang gutom ng lahat ng lumalapit sa kanya.  Sa nagugutom,  binigyan niya ng tinapay.  Ang ketongin na unti unti nang naagnas ang katawan, binigyan niya ng tinapay ng paghihilom at pagpapagaling.  Ang nalulungkot na babaeng Samaritana, binigyan niya ng tinapay ng pagtanggap.  Ang mga makasalanan, binigyan ng tinapay ng pagpapatawad.  Ang mga kinamumuhian ng lipunan, pinagkalooban niya ng tinapay ng pakikisalo at pakikipagkaibigan.

Ang balo ng Nain, si Martha at Maria na namatayan ng kapatid, pinagkalooban niya tinapay ng pagmamalasakit.   Ang babaeng nahuling nakikiapid, binusog niya ng tinapay ng bagong pag-asa at bagong buhay.  Ang magnanakaw na namatay kasama niya sa Kalbaryo, binigyan niya ng tinapay ng pakikipagkasundo, tinapay ng Paraiso.

Kung ibinibigay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin sa Eukaristiya, tayo rin ay dapat magbigay ng sarili natin sa kanya at sa ating kapwa. Ang layunin ng Eukaristiya ay matulad at mahubog tayo kay Hesus na tinatanggap natin: “Become what you receive and receive what you are.”

Sa sulat ni apostol San Pablo sa mga taga Efeso, isinalarawan ang simbahan na magkakaugnay na bahagi ng gusali.  Ang bawat bahagi rin ng simbahang bayan ng Diyos, ang Katawan ni Kristo, ay magkakaugnay at may pananagutan sa isa’t isa.

Malasakit ang dapat bunga ng pagtitipon ng pamayanan sa simbahang ito.  Sa mga Gawa ng mga Apostol, ikinuwento na ang mga kasapi ng unang pamayanang Kristiyano ay tapat sa paghahati ng tinapay, sa pakikinig sa salita ng Diyos, sa panalangin at sa pagtitipon.  At ang bunga nito – walang nagugutom at naghihirap dahil handa nilang ipagbili ang kanilang ari-arian para tugunan ang pangangailangan ng mga dukha.

Karugtong ng buhay Eukaristiya ng simbahan ay ang paanyaya ni Papa Francisco na maging paraan ng pamumuhay ng simbahan ang synodality, ang pakikilakbay sa bawat isa.

Hinihikayat tayo na makibahagi, makilahok, at makisangkot sa buhay ng Simbahan.  Hindi sapat na nakasulat lang ang pangalan natin sa listahan ng mga binyagan o sa listahan ng Caritas partners o sa listahan ng BEC members.  Hinihikayat ang lahat ng mga kasapi ng Simbahan na magbahagi ng sarili sa buhay ng Simbahan, anuman ang taglay nating kakayahan, kayamanan, o katangian.

Sa ating parokya, wala sanang nakakaramdam na mag-isa lang siya sa buhay, o mag-isa lang siyang humaharap sa kanyang mga problema.  Huwag nating susukuan ang isa’t isa.  Huwag tayong mapapagod sa pag-unawa at pagbibigay ng pag-asa sa kanila.  Hanapin natin at paglingkuran ang mga taong mapag-isa, nasasaktan, nagtatampo, ang mga taong ayaw samahan ng iba, ang mga taong nilalayuan o pinagtatabuyan, ang mga taong napag-iiwanan sa mabilis na takbo ng mundo.  Sa simbahan, bukas ang mga pintuan at puso natin upang yakapin at tanggapin ang lahat.  The parish must be a sacrament of God’s unconditional hospitality.

Hilingin natin ang tulong ng panalangin at halimbawa ni St. Dominic Savio, ang patron ng inyong parokya.  Nabanggit siya ni Pope Francis sa Christus Vivit:  “When Saint John Bosco taught him that holiness involves being constantly joyful, he opened his heart to a contagious joy. He wanted to be close to the most abandoned and infirm of his fellow young people.”  Ipagkaloob nawa sa atin ang biyaya ng kabanalan na may kalakip na kaligayahan.   Paano nga ba makakaakit ang kabanalang nakasimangot at masungit?  Dahil nakatagpo ng isang Kristiyano si Hesus, nakakahawa ang kanyang saya.

Katulad ni St. Dominic Savio, magkaroon nawa ng puwang sa ating puso ang mga napabayaan at may karamdaman.  Sa Unang Pagbasa ang pagbabágong-loob ni Sáulo.  Papunta sána sya sa Damásco úpang habulin at tugísin ang mga Kristyáno.  Subalit sinalúbong sya ni Hesús sa daan, at sinabihan sya, “Bakit mo ako inuusig?”  Nang tanungin ni Sáulo kung síno ang nagsásalita sa kanya, sumagot ang Panginoon,”Ako si Hesús, na syáng inuusig mo.”

Marahil nagtaka si Saulo, hindí naman si Hesus ang balak nyang usigin, kundí ang mga Kristyano.  Bakit nasabi ng tínig na sya ang inuusig ni Saulo?  Marahil, sa loob ng tatlong araw na naratay siya sa kahinaan, ay nagnilay si Saulo, at  natauhan.  Ang mga Kristyano na inuusig nya, sila pala ang kumakatawan kay Hesús.  Sabi nga ni Hesus: “Anuman ang gawin mo pinakamaliit kong kapatid ay ginawa mo rin sa akin” (Mt 25:40).

St. Dominic Savio, ipanalangin mo kami.

 

 

Leave a reply