HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Farewell Mas for the Visit of the Black Nazarene, Bureau of Fire Protection (BFP) – National Headquarters, Jan. 6, 2022, 11 a.m.

Rev. Fr. Raymond Tapia, CHS, ating Bureau of Fire Protection chaplain, concelebrating priests and reverend deacon, officers and other members of the Bureau of Fire Protection, those who are here with us, and those joining us through livestreaming, minamahal kong mga kapatid na deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno,

Ipinahayag ni Hesus sa ating ebanghelyo ang programa ng kanyang buhay bilang Mesiyas. Tila ngang si Hesus ang kanyang pangangaral, sinasabi na namangha sila sa kanyang napakahusay na salita at nakikita natin na magkatapat ang ipinahayag ni Hesus sa kanyang isinabuhay at isinagawa. Buhay na buhay pa rin ang diwa ng Pasko, na ang Diyos natin ay naparito bilang Immanuel.

Nagpakita ang Diyos sa sanlibutan sa anyo ng sanggol – mahina at maliit upang ipaalala sa atin na kasama natin ang Diyos lalo na sa mga panahong tila wala na tayong lakas, wala na tayong pag-asa, wala na tayong kalaban laban. Hindi ito natapos sa sabsaban. Sa buhay paglilingkod ni Hesus bilang Mesiyas, nakita natin ang kanyang patuloy na pakikiisa sa abang kalagayan ng tao.

Sa ebanghelyo, sinabi na naparito si Hesus upang ipahayag ang mabuting balita sa mga dukha, upang palayain ang mga bihag, upang ang bulag ay muling makakita, upang bigyang kaluwagan ang mga sinisingil. Si Hesus ang katuparan ng lahat ng pangako ng Diyos sa kanyang bayan. Kaya’t sinabi niya, “Natupad ngayon ang bahaging ito ng kasulatan, samantalang nakikinig kayo.”

Nang isinilang si Hesus sa mabahong sabsaban, na nakiisa siya sa abang kalagayan ng mga dukha, sinasabi niya sa ating lahat – kahit pa anong baho mo, kahit pa anong dumi mo, kahit pa anong pagkukulang mo, papasukin ko ang mundo mo.

Si Hesus ang sagot sa tanong na, “Nasaan ang Diyos?’’  Ito ang tanong ng mga nasalanta ng bagyong Odette. Kasabay ng pagguho ng kanilang mga bahay ang tila pagguho na rin ng kanilang mga buhay. Ito ang tanong ng mga namatayan ng mahal sa buhay dahil sa COVID-19. Hindi nasamahan ang mga minamahal na pumanaw sa kanilang mga huling sandali. Marami pa sanang birthdays, anniversaries, Pasko at Bagong Taon na kasama ang pamilya.

Nang ninais ng Diyos na maging tao katulad natin, dahil sa lubos na pagmamahal niya, ang pinili niyang pangalan ay Immanuel, na nangangahulugang, “Kasama natin ang Diyos”, “Karamay natin ang Diyos”.

Ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ang isa sa pinakamalapit na imahin ni Hesus sa puso ng mga Pilipino. Pasan ni Hesus ang kanyang mabigat na krus, punung puno ng mga sugat, napapagod at nasasaktan. Nakikita natin ang ating mga sarili sa kanya, tayo na nabibigatan sa mga pagsubok at pasanin sa buhay, Tayo na napapagod at nasasaktan din. Hesus Nazareno.

Inilalapit natin sa Mahal na Poong Hesus ang ating mga karamdaman, problema sa pamilya, problema sa pera, suliranin sa mga relasyon at iba pa nating pasanin sa buhay. Sa pagdulog natin sa kanya, tiyak tayong pinakinggan niya tayo.

Ang Nazareno ang paalala sa atin na naintindihan ng Diyos ang pinagdadaanan natin. Naranasan ni Hesus ang magutom, ang mauhaw, ang mamatayan ng kaibigan, ang lapastanganin, ang magpasan ng krus, ang ipako sa krus kasama ang mga kriminal, ang mamatay at ___ ng libingan.

Sabi nga ni Juan Arias sa kanyang tula at panalangin, ang Diyos po ay mahina. Ang Diyos po’y hindi isang Diyos na matigas ang loob, mahirap lapitan, walang pakiramdam, hindi tinatablan, di marunong masaktan. Ang Diyos po, kahit na siya’y inilugmok sa lupa, subsob ang mukha, itinatwa, pinabayaan, walang nakaunawa ay patuloy pa ring umibig. Ang Diyos po’y mahina. Dakilang pag-ibig ang nagpapahina sa Diyos ko.

Nagpapaalam tayo sa Mahal na Poong Hesus Nazareno at nagpapasalamat tayo sa kanyang pagdalaw. Ngunit, mananatili ang Poong Nazareno sa ating pang araw araw na buhay. Patuloy siyang nakikilakbay, makikilakbay, dadamay at makikiisa sa atin. Patuloy siyang magiging Immanuel para sa atin.

Tayo rin nawa, kung tunay tayong mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno, sisikapin din nating dumamay at magmalasakit sa ating kapwa. Higit sa prusisyon, higit sa pagpasan sa Senyor, higit sa paghawak sa kanyang imahen, ang tunay na debosyon, ang tunay na deboto ay tutulad si Hesus sa kanyang awa at malasakit. Kakayanin natin ito dahil sabi ni San Lukas sa Unang Pagbasa, “May kakayahan tayong magmahal dahil una tayong minahal ng Diyos. Kung sarili lang nating kakayahang magmahal, magpatawad at magbigay, ang aasahan natin, papalya tayo, magkukulang tayo, papalpak tayo. Hayaan nating turuan tayo ng ating Mahal na Poong Hesus Nazareno na magmahal, magbahagi at magpatawad. Buksan natin ang ating mga puso sa mga biyayang ito. (RCAM-AOC | Photo –  Screenshot from BFP National Headquarters Chaplain Services – CHS Live Streaming)

 

Leave a reply