Rev. Fr. Herbert Camacho, ating kura paroko; mga kapatid na paring kasama sa Misang ito; mga parishioners ng Archdiocesan Shrine and Parish Our Lady of Peñafrancia ditto sa Paco; mga deboto ng ating Mahal naBirhen ng Peñafrancia; mga minamahal na kapatid kay Kristo:
Noong November 2021, tatlong mahahalagang milestones ang ipinagdiwang ng ating komunidad – ang 70th anniversary ng pagkakatatag ng ating parokya, ang 325th anniversary ng imahen ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia dito sa Maynila, at, kaisa ng buong bansa, ang 500th anniversary ng pagdating ng Kristiyanismo sa ating bansa. Bilang tanda ng ating pagpasok sa tatlong pagdiriwang na ito, binuksan natin ang jubilee door ng ating parokya. Ang jubilee door ay tanda ng puso ng Diyos na laging bukas para sa ating lahat at nag-aanyaya sa atin na pumasok at makibahagi sa kanyang buhay. Ang jubilee door ay tanda ng kamay ng Diyos na laging nakalahad upang bigyan tayo ng pagpapala. At ang jubilee door ay tanda ni Hesus na siyang natatanging daan patungo sa buhay nawalang hanggan.
At bagama’t sa araw na ito, isasara natin ang jubilee door ng ating parokya, ang puso ng Diyos ay hindi kalian man maisasara. Ang kamay ng Diyos ay patuloy na magpapala. At si Hesus pa din ang tanging daan patungo sa Ama.
Mga kapatid, sa atingebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng MulingPagkabuhay, s iHesus mismo ang nagsabi, “Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas . . . magkakaroon [siya] ng buhay – buhay naganap at kasiya-siya.”
Ano bang mga pintuan ang ating pinapasok? Maraming pagkakataon ang mga pintuan nating pinapasok ay nagdadala sa atin sa kapahamakan, sa kasamaan, at sa kasalanan. Hindi si Hesus ang pintuang yan. At kung hindi siHesus ang pintuan, kung ang pintuan ay maglalayo sa iyo kay Hesus, kung ang papasukin mo ay mali at hindi makakabuti sa iyo at sa iyong kapwa, bakit mo papasukin?
Mga kapatid, tandaan ninyo, hindi dahil bukas ang pintuan dapat agad pasukin. Maging mapanuri. Hindi kasi lahat ng pintuan maghahatid sa atin sa kabutihan. May mga pintuang daan patungo sa kasamaan. Kaya mag-iingat tayo sa mga pintuang ating papasukin. Ang pintuan na siHesus lang ang ating pasukin sapagkat sa kanya tayo ay mapapabuti, tayo ay ligtas, tayo ay magkakaroon ng kaganapan ng buhay.
Maganda ding tanungin: kumusta naman kaya ang pinto ng ating puso? Kumusta ang pinto ng ating buhay? Ano-ano at sino-sino ang hinahayaan nating makapasok sa ating puso at buhay? Sino ang mga pinatutuloy mo sa iyong puso? At sino naman ang pinagsasaraduhan mo? Sana ang pinto ng ating puso ay laging bukas para sa Panginoon. Sa ating unang pagbasa ngayon, nangaral si Pedro sa mga Hudyo upang anyayahan silang sumampalataya at tanggapin si Hesus sa kanilang buhay. Inanyayahan sila ni Pedro na magpabinyag at buksan ang kanilang puso upang tanggapin ang Espiritu Santo. At marami ang tumugon sa paanyayang ito. May tatlong-libong tao ang nagpatuloy kay Hesus sa kanilang buhay.
Mga minamahal na kapatid, si Hesus ang pintuan. Si Hesus ang daan. At lahat tayo ay inaanyayahan niyang pumasok. Walang itataboy. Walang pagsasarhan. Lahat ay welcome. Sana ganyan din ang pinto ng ating buhay. Sana ganyan din ang pinto ng ating parokya. Ang tunay na komunidad na natitipon kay Kristong muling nabuhay ay laging bukas para sa lahat. Walang itinataboy. Walang pinapaalis. Walang pinagsasarhan. Ang parokyang laging sarado ang pinto ay hindi sambayanan ni Hesus.
Kaya naman, sana ang ating parokya ay laging bukas upang tanggapin ang lahat, lalo na ang mga kapatid nating mas nangangailangan, nahihirapan, at nabibigatan sa buhay. Sa pagpasok nila dito, makaramdam nawa sila ng kaginhawaan. Tanggapin nawa natin ang mga kapatid nating nakakalimutan ng lipunan. Sa pagpasok nila dito, makaramdam nawa sila ng pagtanggap. Tanggapin nawa natin ang mga kapatid nating nag-iisa, nalulungkot, at nawawalan ng pag-asa. Sa pagpasok nila dito, makaramdam nawa sila ng pagdamay. Tanggapin nawa natin ang mga kapatid nating nagkamali at nagkasala. Sa pagpasok niladito, makaramdam nawa sila ng pagpapatawad at pagmamahal.
Ang ika-apatnaLinggo ng MulingPagkabuhay ay itinalaga bilang World Day of Prayer for Vocations. Sa arawna ito, nananalangin tayo kay Hesus, ang ating mabuting pastol, na magpadala pa ng maraming pastol sa kanyang kawan. Ipagdasal natin na maraming kabataan, lalo na ditto sa ating parokya, ang magbukas ng kanilang puso sa paanyaya ni Hesus na maglingkod bilang pari, madre, o relihiyoso.
Sa mga kabataang naririto, kung marinig ninyo ang tawag ni Hesus, kung marinig ninyo ang pagkatok niHesus sa inyong puso, sana pagbuksan ninyo. Sana tumugon kayo. Kay Hesus, matatagpuan ninyo ang kahulugan at kaganapan ng inyong buhay.
Mga minamahal nakapatid ditto sa Shrine at Parokya ng Mahal naBirhen ng Peñafrancia, bagama’t isasara ang jubilee door, ang puso ni Hesus ay mananatiling bukas para saating lahat. Nawa ang puso natin at ang puso ng ating parokya ay manatili ding bukas para kay Hesus at para sa atingkapwa, lalo na ang mga mahahalaga sa puso ni Hesus.
Lumapit tayo sa ating Mahal na Ina, Nuestra Señora de Peñafrancia. Siya na nagbukas ng kanyang buong buhay para kay Hesus at nagpatuloy sa dakilang kalooban ng Diyos ay maging huwaran nawa natin sa pagpapatuloy kay Hesus sa ating buhay upang magkaroon tayo ng pusong puno ng pag-ibig upang mahalin ang ating kapwa at upang maging matibay ang ating pananampalataya na siyang gabay sa ating kaligtasan. Amen. (Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC | Photogallery)