HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, 9th Day of Misa De Gallo, Mary, Mirror of Justice Parish, December 24, 2021, 4:30 a.m.

Sa ating Kura Paroko, Fr. Joel Jason, sa ating diyakono, mga minamahal na kapatid kay Kristo, masaya akong makapiling kayo ngayon umaga sa huling Misa de Aguilnaldo o Simbang Gabi.

Siyam na araw tayong gumising, nagsakripisyo at nanalangin. Sinamahan po natin ang Mahal na Birheng Maria na wari baga’y ang bawat isang pagmimisa de Aguilado natin ay katumbas ng isang buwan ni Hesus sa kanyang sinapupunan. Hindi natin iniwan ang Mahal na Ina at ang Banal na Sanggol sa kanyang tiyan. Siyam na araw kasama ni Maria at ni Hesus.

Nang muling makapagsalita si Zacarias na pipi at nabingi, ang una niyang sinabi ay, “Benedictus” – purihin ang Panginoong Diyos. Nagpuri siya Diyos. Hindi niya sinumbatan ang Diyos na sa kabila ng kanyang pagiging matuwid ay pinagkaitan siyang magsalita dahil sa isang pag-aalinlangan lang niya. Hindi pagrereklamo o pagmumura ang lumabas sa kanyang bibig, kundi pagpupuri at pasasalamat. Sa lahat ng bagay, magpuri at magpasalamat tayo sa Panginoon. Maging mulat tayo sa pagkilos ng Diyos sa ating buhay. Punuin natin ang ating buhay ng pasasalamat. Mamuhay tayo sa pasasalamat sa pagkilala sa mga biyaya ng Diyos at pagtingin sa mga pagsubok sa ating buhay bilang mga biyaya pa rin niya. Walang trahedya, walang kamalasan ang pipigil sa atin upang magpuri at magpasalamat. Sabi ng isang Dominicanong Msytic na si Meister Eckhart, “If the only prayer that I could say in my entire life is, thank you, that is enough.” May pag-aaral na ang mga taong mapagpasalamat, magaan ang buhay, masaya ang buhay. Nagpuri si Zacarias sa Diyos dahil tapat ang Diyos kung umibig at pangako. Ito rin ang umaalingawngaw sa ating Psalmong Tugunan, “Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.”

Sa Unang Pagbasa, nangako ang Diyos kay David na sasamahan siya sa anumang dako at lahat ng kanyang mga kaaway ay lilipunin. Dagdag pa ng Panginoon, gagawin kong dakilang ang iyong pangalan tuald ng mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko patitirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon. Wala nang aalipin sa kanila tulad noong una, buhat ng maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sayo.

Maririnig natin ng makailang ulit ang pangalan ni David bilang patunay ng katapatan ng Panginoon. Ayon sa mga propeta, ang Mesiyas ay magmumula sa lipi ni David. Ito rin ang ipinahayag ni Zacarias sa kanyang awit ng papuri. Sabi niya, “At nagpadala siya sa atin ng isang makapangayarihang tagapagligtas mula sa lipi ni Dabid na kanyang lingkod.” Tumutupad ang Diyos sa kanyang pangako.

Makita nawa natin ang lahat sa ating buhay – tagumpay man o kabiguan, kaligayahan man o kalungkutan, kasaganahan man o kasalatan, kaliwanagan man o kadiliman bilang mga biyaya ng Diyos at matututo tayong maging bukang bibig ang pagpupuri at pasasalamat sa kanya. Kapag nagpapasalamat tayo sa Diyos, nagtitiwala tayo sa kanyang plano sa atin. Nagtitiwala tayong kapag ang Diyos ang nagplano, hindi siya nagkakamali. Hindi siya sumasablay. Alam niya ang pinakamabuti para sa atin. Sa dulo ng lahat, may pagbubukang liwayway. Pagkatapos ng anumang kadiliman, may pgbubukang liwayway. Darating ang bagong umaga. The dawn from on high shall break upon us.

Siyam na buwan napipi si Zacarias, siyam na buwan sa sinapupunan ni Elizabeth si Juan Bautista kasabay ng pagbuo ng binhi ng buhay sa sinapupunan ni Elzabeth ang pagbuo ng awit ng pananampalataya sa gunita ni Zacarias. Maraming pagkakataon na sumusuko tayo dahil tila ba wala nang pag-asa.

Akala ng mamang ipinanganak na bulag sa isang kuwento sa ebanghelyo, wala nang pag-asang makakita siya muli. Akala niya buong buhay niyang tatahakin ang madilim at malungkot na daan. Akala ng mga eskriba at pariseo, wala nang pag-asa ang babaeng nahuling nakikiapid. Dinala nila ang babae sa harap ni Hesus at inudyukan ang taong bayan at batuhin siya hanggang mamatay. Para sa kanila, wala nang pag-asang magbago ang babaeng nahuling nakikiapid. Akala ng mga kaibigan ng mga paralitiko, wla nang pag-asang makagalaw pa at mabuhay ng normal ang kanilang kaibigan. Desperado na sila. Wala nang pag-asa. Sinubukan na nila ang lahat. Nabigo sila. Si Hesus ang huli nilang alas. Huling pag-asa. Dinala nila kay Hesus ang kanilang kaibigan. At ito ay gumaling. Hindi na rin inakala nila na sina Zacarias at Elizabeth ay magkakaanak pa, matanda na pero nabuntis pa. Puno ng sorpresa ang Panginoon. God is a God of surprises. Napili si Zacarias na mananalangin at mag-alay sa templo. Dito ibinalita sa kanya ng anghel na sa kanila ng katandaan ni Elizabeth ay magdadalang tao ito.

Mga kapatid, ito ang pangako ng Pasko. Isang bagong umaga para sa ating lahat. Pagkatapos ng anumang mahabang gabing madilim sa buhay natin. (RCAM-AOC | Photo from MMJP Facebook Page)

 

Leave a reply

The Roman Catholic Archdiocese of Manila