HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, 38th Canonical Coronation Anniversary, Archdiocesan Shrine of Our Lady of Peñafrancia, November 12, 2023

Reverend Father Herbert Camacho, ang ating minamahal na shrine rector at kura paroko; mga kapatid kong pari; mga diyakono, seminarista, mga madre at relihiyoso; mga ginigíliw kong kapatíd kay Kristo.

Nagagalak akong makapiling kayo sa pagdiriwang ng anibersaryo ng canonical coronation ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia ng Maynila.  Kapag araw ng nanay, natitipon ang mga anak.  Kapag araw ng nanay, panahon para magbalik tanaw at magpasalamat.

Umuuwi tayo sa tahanan ng nanay, sa yakap ng isang nanay, sa puso ng isang nanay – ng Mahal na Birheng Maria.  Kapag napapagod, kapag nagugutom, kapag nasasaktan, uuwi kay Inang Peña.

Habang nalalapit ang pagtatapos ng taong pang-liturhiya, ipinapaalala rin ang pagtatapos ng buhay natin dito sa lupa.  Tila dahan dahang ipinapaalala sa atin ito.

Sinimulan natin ang buwan ng Nobyembre sa undas.  November 1 ang araw ng lahat ng mga banal na nagpapaalala ng dapat uri na banal na pamumuhay natin dito sa lupa at ang naghihintay sa ating buhay kapiling ang Diyos sa langit.  November 2 naman ang araw ng mga yumao na paalala ng katapusan at paghuhukom.  Maririnig natin sunod sunod ang mga talinghaga tungkol sa pagtatapos.  Lahat ito ay aakay sa atin sa pagdiriwang ng Kapistahan ni Kristong Hari na siyang huhukom sa atin lahat.

Sampung dalaga ang ibinigay sa ating imahen.  Saglit nating balikan ang kuwento sa ebanghelyo.  Kung titignan natin halos wala namang pinagkaiba ang matatalinong dalaga sa mga mangmang.  Lahat sila’y may dalang ilawan, pareho silang nakatulog sa paghihintay.  Ang pinagkaiba nila’y walang sapat na dalang langis ang mga mangmang.  Huli na ang lahat nang nang makabili sila ng langis.  Isinara na ang pinto.  Kung papaanong hindi nakapasok ang mga dalagang kulang sa langis, hindi rin makakapasok sa langit ang kulang sa timbang.

Papaano ba tayo makakaiwas sa ganitong kapahamakan?  Ano ba ang sukatan at timbanga?

Kailangan nating tandan na ang paghahanda ay panghabambuhay.   Ang paghahanda sa pagharap natin sa Panginoon para sa huling paghuhukom ay hindi nagagawa ilang araw, ilang buwan o ilang taon lamang.  Ito’y panghabambuhay na proyekto.  Dahan-dahan ang pagbabago.  Mahirap kasing umiwas sa kasalanan kayat hindi tayo kaagad nahuhubog sa buhay ni Hesus.   Kung ipagpapaliban natin ang pagpapakabanal, baka kapusin tayo ng panahon.

Hindi natin alam ang takdang oras ng pakikipagtagpo natin sa Panginoon.  Hindi pwedeng ikatuwiran na hindi pa tayo handa o may iba pa tayong gagawin.  Ang Panginoon ang may alam ng takdang panahon.  Ang magagawa lamang natin ay maghintay at maghanda.

Kailangang tuloy-tuloy ang paghahanda.   Ang paghahanda natin ay hindi limitado sa isang aspeto lamang – na tayo’y nagdadasal at nagsisimba ay sapat na.  Saklaw ng paghahanda natin ang lahat ng larangan at aspeto ng buhay kung saan isasabuhay natin ang buhay Kristiyano – hanap-buhay, paglilibang, kaugnayan sa kapwa, kalikasan.  Sa lahat ng aspetong ito, anyayahan natin ang Diyos na pagharian tayo, kasabikan natin ang Diyos at ating sambitin sa kanya: “Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.”

Mahihirapan tayong maghanda sa pagharap natin sa Panginoon kung watak-watak ang buhay natin.  Hindi puwedeng nakakahon ang pagiging Kristiyano natin na bubuksan lamang tuwing kailangan.

Sabi ni San Agustin ang lampara daw natin ay lampara ng pananampalataya.  Ngunit ang langis na patuloy na magpapaningas ng apoy ng lampara ay langis ng pag-ibig at pagmamalasakit.  Pag-ibig ang nagpapangingas sa pananampalataya.

Sabi ni San Pablo: kung may pananampalataya akong nakapagpapakilos ng mga bundok ngunit wala naman akong pag-ibig, balewala ako.  Pag-ibig ang susi natin sa langit.  Isa lang namang talaga ang batayang tanong sa pintuan ng langit: “Nagmahal ka ba? Nagmalasakit ka ba?”

Kuwento ni San Mateo tungkol sa paghuhukom: “Sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. Sapagkat ako’y inyong pinakain noong ako’y nagugutom; ako’y inyong pinainom noong ako’y nauuhaw. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.”

Hayaan nating turuan tayo ni Maria.  Higit sa ginto at pilak, higit sa mga diyamante ng korona, ang korona ni Maria ay ang korona ng pagmamalasakit – sa pagbusog sa mga nagugutom, sa malasakit sa mga dukha, sa di mapakali at nag aalalang habag hanggang hindi natutugunan ang pangangailangan ng kapwa, ang pagtupad sa Magnificat ni Maria para sa mga dukha.

Mahal na Inang Peña, Ina ng mga Dukha, yakapin mo kami sa bisig ng iyong pag-ibig.  Ipanalangin mo kami. (Photo by Austin Reyes/RCAM-AOC)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *