HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advicnula, 17th Ordination Anniversary of Fr. Carmelo P. Arada Jr., Santisima Trinidad Parish, November 9, 2023

Reberendo Padre Carmelo “Jekjek” Arada Jr., ang ating butihing kura paroko; mga pari, relihiyoso, at relihiyosa; mga minamahal na apatid kay Kristo:

Salamat sa Diyos na Santatlo, tinipon niya tayo ngayon upang sumamba at magpasalamat sa kanya.  Salamat sa Diyos sa biyaya ng pagiging isang Simbahan.  At salamat sa Diyos na binigay niya sa atin si Father Jek bilang kanyang pari.  Malugod nating binabati si Father Jek ng isang maligayang anibersaryo sa pagkapari.  Happy anniversary, Father Jek!

Sa mga pagbasa natin ngayon, para sa kapistahan ng pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterno, may dalawang larawan para sa Simbahan at para sa pari: buháy na tubig at buháy na apoy.

Sa Unang Pagbasa ngayon, mula sa aklat ni Propeta Ezekiel, inilarawan ang pangako ng Diyos para sa isang bagong templo sa Jerusalem.  Bumubukal at umaagos daw doon ang buháy na tubig.  Ang tubig ay buháy na buháy kaya’t tinitirahan ito ng maraming iba’t ibang mga isda.  Ang pagdaloy ng tubig ay larawan ng pagdaloy ng búhay; kapag hindi dumadaloy ang tubig, mapapanis ito, at mawawalan ng búhay.

Ganun din ang Simbahan: Ang simbahay ay daluyan ng buhay, daluyan ng biyaya, daluyan ng pagmamahal ng Diyos.  Dapat daluyan ng biyaya, hindi tambayan ng biyaya.  Kapag pinigil ang daloy ng biyaya na galing sa Diyos, kapag ipinagdamot ang buhay at pagmahahal, ang Simbahan ay tumatamlay at nagiging papatay-patay.

At ganun din dapat ang pari: hindi pwedeng madamot ang pari.  Dapat padaluyin niya ang biyaya.  Noong na-ordinahan kami, nilangisan ng obispo ang mga kamay namin.  Sagisag ito ng Espiritu Santo.  At sagisag na rin siguro ito ng hangarin ng Diyos para dumulas agad ang biyaya mula sa amin.  Sa halip na ipagdamot namin ang biyaya ng Diyos ay ibabahagi namin agad sa kanyang bayan.  Father Jek, salamat sa patuloy mong pagbabahagi ng biyaya ng Diyos sa kanyang bayan.

Dito sa inyo, alam kong buháy na buháy ang inyong parokya dahil hindi kayo nagdadamot.  Anuman ang maiaalay nyo sa Diyos at sa kapwa ay ibinabahagi nyo.  Salamat sa Diyos na kayo’y buháy na buháy!

At sa ating Ebanghelyo naman, ikinwento ang marubdob na malasakit ni Hesus alang-alang sa banal na tahanan ng kanyang Ama.  Ito ay parang buháy na apoy sa kanyang puso.  Sa Bibliya, ang apoy sa templo ang simbolo ng patuloy na presensya ng Diyos sa loob ng templo, sa piling ng kanyang bayan.  Ngunit kay Hesus, hindi lang nasa templo ang apoy, nasa puso rin niya ang apoy, ang presensya ng Diyos.

Kaya naman, sa Simbahan natin, laging may apoy.  Noong nabinyagan tayo, binigyan tayo ng kandilang may apoy.  Noong first communion at kumpil, ay ganun din.  Sa kasal naman, nagsisindi ng apoy sa tabi ng ikinakasal.  Sa paglilibing, nakatanod ang nakasinding kandila sa tabi ng pumanaw.  Sa tuwing nagmimisa, nagsisindi rin ng apoy malapit sa altar.  At pagkatapos ng misa, may iniiwang apoy sa tabi ng tabernaculo.  Lahat ng ito ay paalala sa atin na lagi nating kasama ang Diyos.

Mga kapatid, tayo ay Simbahan, hindi dahil magaling tayo o dahil perpekto tayo.  Tayo ay Simbahan dahil kapiling natin ang Diyos.  Tapat ang Diyos sa atin.  Walang maliw ang pag-ibig niya sa atin, sa kabila ng ating mga kasalanan at pagkukulang.  Dito sa ating parokya, lagi nating damhin sa ating mga puso ang buháy na apoy ng pagmamahal ng Diyos, ang init at liwanag ng presensya ng Diyos sa loob at paligid natin.

At ganun din sa amin mga pari: kaming mga pari nyo ay dapat nag-aalaga ng apoy, hindi naglalaro ng apoy.  Bilang mga pari, dapat kami ay mga pogi: P. O. G. I.  “Presence of God Inside”.  Nagpapabaga at nagpapaalab sa buháy na presensya ng Diyos sa puso ng bawat isa.  Hindi ang presensya namin, kundi presensya ng Diyos.  Father Jek, salamat sa patuloy mong pagsaksi ng tapat na presensya at walang-maliw na pag-ibig ng Diyos.  Sa kabila ng iyong mga kahinaan, pinananaig ang katapatan ng Diyos.  At nararamdaman namin ito sa iyo.

Buháy na tubig at buháy na apoy: tanda ng pagbibigayan at pagsaksi sa presensya ng Diyos.  Ito ang misteryo ng Simbahan; ito rin ang misteryo ng pagkapari ni Father Jekjek at ng lahat ng mga pari.  Tayong lahat ay lalo pa sang magbigayan at sumaksi sa presensya ng Diyos.

O Diyos na Banal na Santatlo, kaawaan mo kami.  Amen. (Photo File by RCAM-AOC)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *