HOMILY | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Feast of the Presentation of the Blessed Virgen Mary at the Temple, St. Joseph the Worker Parish, Palanan, Makati City, November 21, 2023

Reb. Padre Joselino Tuazon, ang ating kura paroko; mga kapatid na pari at diyakono; mga relihiyoso at relihiyosa; mga civil at lay leaders ng parokya; mga minamahal kong kapatid kay Kristo:

Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ng paghahandog sa ating Mahal na Birheng Maria sa templo. Ayon sa tradisyon, bilang pasasalamat sa ipinagkaloob sa kanilang anak sa kanilang katandaan at kabaugan, dinala nina San Joaquin at Santa Anna ang tatlong taong gulang na si Maria sa templo ng Herusalem upang ialay sa Diyos. Ayon pa sa ating paniniwala, nanatili siya roon upang maglingkod, manalangin, at lumago sa pananampalataya, hanggang sa siya’y magdalaga at maipagkasundong ikasal kay San Jose.

Sa kanyang murang edad, natutunan na ng Mahal na Birhen na ituon at italaga ang kanyang sarili sa kapurihan ng Diyos. Ito ay itutuloy niya sa kanyang buong buhay, lalo nang tanggapin niya ang misyong maging ina ng ating Tagapagligtas. Siyang ipinaglihing walang kasalanan, at nanatiling walang bahid ng kasalanan, ang tunay, ganap, at karapat-dapat na handog sa Panginoon.

Ang ating Mahal na Ina ay kinikilalang huwaran at modelo ng Simbahan. Ano kaya ang nais niyang ihabilin sa ating kanyang mga anak sa kapistahang ating ipinagdiriwang ngayon?

Unang-una, marahil nais niyang ipaalala sa atin na bago pa tayo pumasok sa templo o sa simbahan, nauna nang nanahan at nanatili ang Espiritu Santo sa ating buhay. Sa pagkakaloob sa kanya ng natatanging tungkulin na maging ina ng Diyos, pinuspos na siya ng biyaya nang ipaglihi siya sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Anna. Sa pagdadalang-tao niya kay Hesus, siya ang naging bagong arko ng tipan. Sa pagbubulay-bulay niya ng mga nangyayari sa kanyang buhay, nakipagniig siya sa Espiritu Santong nananahan sa kanyang puso. Samakatuwid, nasa kaibuturan ni Maria ang prinsipyo ng kabanalan. Habang mahalaga sa isang Hudyo at nakakatulong sa pananampalataya ang kanyang pagtungo sa sinagoga at pagbisita sa templo, ang pananatili ng Diyos kay Maria at ang pananatili ni Maria sa Diyos ang naging puwersa at gabay ng kanyang buhay.

Mga kapatid, habang totoo na ang pisikal na simbahang ito ang tahanan ng Diyos sa ating lugar, alalahanin natin na tayo mismo ang templo ng Diyos. Ito ang ipinapahayag ng ating unang pagbasa mula sa aklat ni propeta Zacarias. Madalas nating nalilimutan ang biyaya ng ating binyag at kumpil. Madalas tayong nagbibingi-bingihan sa Espiritu Santong nangungusap sa ating mga puso. Madalas nating hinahayaang panahanan tayo ng ibang mga ispiritu at diyus-diyosan. Inuudyok tayo ng ating Mahal na Ina na laging gunitain ang ating katotohanan bilang mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, at templo ng Espiritu Santo, at lumago sa larangan ng kabanalan, sa loob o labas man ng simbahan.

Ikalawa, kung tunay nating yayakapin ang identidad na ito, hindi lamang dapat makita sa ating buhay-panalangin, mga sakramento, at debosyon ang ating pagiging mga banal na templo ng Diyos. Kailangan din itong bumakas sa ating pamumuhay, mga pakikitungo, at mga pagpili sa araw-araw – na mahayag din sa atin ang isang buhay na maka-langit kung saan naghahari ang Diyos at sinusunod ang kanyang mga utos – gaya ng sa ating Mahal na Ina.

Isang kritisismo sa ating pagdedebosyon sa Mahal na Birhen ay kung minsan nananatili lamang ito sa nibel ng mga nobena, rosaryo, at iskapularyo, sa pagpupursige sa personal na kabanalan at langit na tahanan, na walang kinalaman sa kapwa at kasalimuotan ng buhay. Ipinapaalala sa atin ng ating Mahal na Ina na siya ang umawit ng Magnificat na nagtataguyod at nagbibigay pag-asa sa mga kapus-palad at nasa abang kalagayan; na siya ang tumulong sa bagong kasal na naubusan ng alak sa Cana; na siya ay tumindig sa paanan ng krus ng kanyang anak at tumitindig para sa mga biktima ng krus ng buhay; at na siya ang Ina ng Simbahan na laging nakikinig at tumutugon sa mga kahilingan at pangangailangan ng kanyang mga anak. Sa isang mundong pinag-iiralan ng kasamaan at kasalanan, ang ating debosyon sa kanya ay dapat tumungo sa aksyon – aksyong maka-langit at maka-Diyos na nagdadala ng kaginhawahan at kaligtasan sa iba at sa mundo.

Ikatlo at huli sa lahat, upang mapalalim natin ang ating kamalayan at mapag-ibayo ang katotohanan ng pananahan ng Diyos sa ating buhay, kailangan nating maging mga kapuso at hindi lamang mga kapamilya ni Hesus. Hindi sapat na tayo ay mabinyagan at maging Kristiyano sa pangalan lamang. Kailangan nating makinig sa Ama at sumunod sa kanyang kalooban, gaya ni Hesus, upang maging kawangis ng kanyang puso at makilalang mga tunay niyang kapatid.

Ang ating Mahal na Birheng Maria ang siyang una at ganap na kwalipikado sa pamantayang ito. Pinakinggan niya ang kalooban ng Diyos at isinakatuparan ito, bitbit man ng maraming pagsubok, sakripisyo, at hapis. Sa ganang ito, tunay siyang ina ni Hesus. Sa ating pamilyang Kristiyano, niloob ni Hesus na maging ina rin natin ang kanyang ina. Ipinagkatiwala niya ang ating pag-unlad at paghuhubog sa nagpalaki at naghubog sa kanya. Tumunghay tayo at magpaturo sa ating Mahal na Ina upang lumaki tayong kahawig ng kapatid nating si Kristo, pinamumunuan ng Espiritu Santo, at isinasabuhay ang kalooban ng Ama.

Amen. (File Photo by RCAM-AOC)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *