Homily – January 18, 2021

Homily delivered by Most Rev. Broderick S. Pabillo, Apostolic Administrator of Manila during the online Sunday Mass to celebrate the Feast of Sto. Niño at Greenbelt Chapel in Makati City on January 18, 2021, at 10 am.

Isa pong katangian ng ating Kristiyanong Katolikong Pilipino ay ang ating pagiging Marian. Malapit tayo sa Mahal na Ina. Marami tayong mga piyesta at mga dasal na malakas ang Marian character tulad ng pagrororsaryo natin. Talagang tayo ay Pueblo Amante de Maria. Pero isa pang katangian ng ating Filipino Christianity ay ang ating pagiging Christocentric – nakasentro tayo kay Hesus at malapit tayo kay Hesus kaya ang malalaking kapistahan natin na talagang ang mga tao’y lumalapit sa simbahan ay ang Pasko, ang Mahal na Araw, ang Poong Nazareno, ang Sto. Niño. Malakas din ang ating debosyon sa Sacred Heart of Jesus, sa Divine Mercy. Ito ang dahilan bakit malalim at nakaugat sa atin ang debosyon sa Sto. Niño na walang iba kundi ang batang si Hesus.

Ganun kalaganap ang debosyong ito sa buong kapuluan natin na pinayagan tayo ng Roma na sa buong bansa ipagdiriwang natin ang kapistahan ng Sto. Niño tuwing ikatlong Linggo ng buwan ng Enero tulad ngayon.

Malalim ang ating debosyon sa Sto. Niño dahil mahigpit ang kauganayan ng Sto. Niño sa kasaysayan ng ating pagiging Kristiyano sa Pilipinas. Ngayong taon, ipinagdiriwang natin ang ika-500 years ng pagdating ng pananampalataya sa ating kapuluan at ang larawan ng Sto. Niño ay ang sagisag nito. Ito ang ibinigay ni Ferdinand Magellan kay Reyna Juana noong siya ay binyagan noong March 14, 1521.

Isa pang dahilan ay ang ating katangian bilang Pilipino – malambot ang ating puso sa mga bata kaya madali tayong maka-identify kay Hesus na isang bata. Madali nating hayaan ang Niño Hesus na maghari sa atin. At iyan ang karaniwang larawan natin ng Sto. Niño hindi tulad ng larawan ninyo dito sa ating simbahan, Sto. Niño dela Paz. Ang pangkaraniwang larawan natin ay isang batang may korona, isang batang nakawak ng setro sa isang kamay, nakahawak ng mundo sa isang kamay at nakasuot siya ng malaharing damit. Talagang hari, isang batang hari.

Tulad ng narinig natin mula kay propeta Isaias sa unag pagbasa, ibinigay sa atin ang isang bata na maghahari sa atin. Isang paghahari na magdadala ng kapayapaan at katarungan ngunit hindi sa pamamagitan ng lakas, ng  armas o ng dahas kundi sa mapayapang pamamaraan. At gusto nating maghari sa atin ay si Niño Hesus.

Ang ating pagiging Kristiyano na sinasagisag ng Sto. Niño ay hindi lang basta basta nangyari. It was not just an accident of history. Ito ay ayon sa plano ng Diyos. Bago pa nilikha ng Diyos ang mundo, itinakda na niya na tayo’y maging mga banal sa pamamagitan ni Hesus. Tayo ay pinili na ng Diyos na maging anak Niya. Kaya ang pagiging Kristiyano natin ay naaayon sa balak ng Diyos bago pa likhain ang mundo. Kaya ipinapasalamat natin lalung lalo na sa araw na ito, ang pagpili sa atin ng Diyos. Talagang malaking biyaya ng Diyos ang pananampalatayang pinanghahawakan natin ngayon. Totoo, dinala ito ng mga Kastila noong panahon ng colonialization, pero 120 na, ng iwinaksi natin yung mga Kastila ngunit pinanghahawakan pa natin at isinasabuhay pa natin ang pananampalatayang Kristiyano na dala nila.

We are truly gifted with a Christian faith. It was meant for us and as the slogan goes, “We are gifted to give.” Ang pananampalataya na  ibinigay sa atin ay dapat maibahagi din natin para sa iba. Hidni lang ito para sa atin. Ito ay hamon sa atin ng Sto. Niño ngayong Year of Missio Ad Gentes. Ibig sabihin misyon sa mga ibang bansa, sa ibang bayan, sa ibang lahi. Pagkaraan ng limang daang taon, panahon ng palaganapin natin ang mabuting balita sa ibang mga tao.

Isa pang dahilan bakit malapit sa puso natin ang Sto. Niño kasi ang sanggol na si Hesus ay kumakatawan sa lahat ng mga bata na malapit sa puso ng Diyos.

Sa ating ebanghelyo, naguguluhan ang mga alagad ni Hesus sa mga magulang na dinadala ang mga bata nila kay Hesus, ang mga anak nila kay Hesus. Itinaboy nila ang mga ito. Dakilang tao yata si Hesus. Marami siyang mga importanteng bagay na inaasikaso. Walang siyang panahon sa mga batang ito. Nng makita ito ni Hesus, pinagalitan niya ang mga alagad. Mali ang akala nila. “Let the children come to me. Do not prevent them to such as this belong the kingdom of God.” May karapatan din sila sa kaharian ng Diyos at hindi lang karapatan, sila ay ginawa pa ni Hesus na halimbawa kung paano tanggapin ang paghahari ng Diyos – tanggapin ng may tiwala, tanggapin ng may kababaang loob, tanggapin ng may pag-asa, tanggapin ng may pananalig – mga katangian ng mga bata. Kung wala tayo ng mga ganitong katangian, hindi tayo makakapasok sa paghahari ng Diyos.

Ang ating debosyon sa Sto. Niño ay dahil sa ating karanasan na ang pagsusumamo natin sa Kanya ay madaling pakinggan. Mabait ang sanggol na si Hesus. Malambot ang puso niya sa ating mga kahilingan kaya ngayon ay maraming mga tao sa iba’t ibang mga simabahan at punung puno ang mga simabahn natin kahit na pandemic. Kasi gusto nating magpasalamat sa mga biyayang tinanggap natin sa pamamgitan ng Sto. Niño sapagkat gusto nating ilapit natin sa Kanya ang mga kahilingan natin lalung lalo na ngayong panahon ng kahirapan dala ng pandemic.

Pero ang debosyon natin ay hindi lang sana maipapakita  sa pamamagitan ng mga dasal, sa pamamagitan ng Misa. Ito’y mapakita rin natin  sa iba’t ibang paraan. And I would like to suggest three ng pagpapahayag ng debosyon sa Sto. Niño.

Una, sa ating pagpapahalaga at paggalang sa mga bata. Totoong mapag-alaga tayo sa ating mga anak, sa ating mga pamangkin, sa ating mga apo. Pero baka pabaya tayo sa ibang mga bata. Kaya nga sa ating bansa, maraming mga bata ay biktima ng violence, ng human trafficking, ng sexual abuse, ng cyber sex. Pati nga sa simabahan nangyayari pa ang pag-aabuso sa mga bata. Kaya malaking eskandalo ang pedopilya sa simbahan. At ito’y lubha nating pinagsisisishan at binabago. Pero mas malaki ang sexual abuse na nangyayari sa loob ng mga pamilya mismo lalung lalo na ngayong panahon ng pandemya. We should all be vigilant to prevent this. Kung talagang tayo ay deboto ng Sto. Niño, dapat makiisa tayo na labanan ang pagsasamantala sa mga bata.

Pangalawa, gusto natin na maging ligtas ang mga bata sa coronavirus. Pero ngayong pandemya, pinipigalan lang natin ang mga bata na huwag lumabas, huwag pumunta sa mall, huwag magsimba, huwag mamamsyal, huwag, huwag, huwag. Pero ano naman ang mga programang ibinibigay natin para tulungan silang maging masaya. Tulungan sila ngayong panahon ng pandemya. Hindi sapat na basta na lang sila ikulong sa bahay lalung lalo na kung ang mga bahay at yan ang  karaniwang mga bahay sa atin ay maliliit. Kaya kailangan tayong magbigay ng mga extra time sa mga bata upang sila’y turuan, upang sila’y laruin, upang sila’y kuwentuhan at isama sa ating mga panalangin.

Ang dami nating mga programs sa mga children na wala na ngayon hindi na natin magagawa – ang children’s mass natin, ang ating mga children’s party, ang ating mga katesismo sa mga bata, ang ating Flores de Mayo noon, hindi na natin magawa. That’s why we need to create programs for children during this time of the lockdown.

At pangatlo, ngayong taon ng pagmimisyon, Missio Ad Gentes, alam ba ninyo na ang mga bata ay maaari ring maging mga misyonero? Mayroon tayong Holy Childhood Association, Sancta Infantia na tinatag sa France noong 1843, more than 150 years ago. Ito ay asosasyon ng mga bata up to 12 years old, na matatagpuan ngayon sa mga 120 countries at kasama na diyan ang Pilipinas. Ang objective nito ay children love children, children help children, children are missionaries and inspire other children to become missionaries. Simple lang ang hinihiling sa mga members nitong Holy Childhood Association. Una, magdasal araw araw para sa ibang mga bata sa buong mundo lalung lalo na ang mga nangangailangan at ang mga hindi pa nakakakilala kay Kristo. Mabisa ang dasal ng mga bata. Turuan natin sila na maging misyonero sa pamamagitan ng kanilang dasal. At pangalawa, ang mga bata ay nagbibigay ng pinansiyal na tulong para sa mga bata na nangangailangan kahit na piso lang kada araw. Maliit na mahalaga pero yan po’y nagpapakita sa kanila na nakakatulong sila sa kapwa bata nila.

Alam nyo po sa pamamagitan ng Holy Childhood Association, may mga naitayo ng mga ampunan, mga pagamutan, mga feeding programs, mga kindergardens, at ito lahat ay galing sa mga bata para sa kanilang kapwa bata. Children helping children. Ang mga bata ay maaari ring maging misyonero.

Mga kapatid, malalim ang ugat at malawak ang sanga ng debosyon sa Sto. Niño. Ito’y nakaugat sa ating kasaysayan. Ang simbolo ng 500 years of Philippine Christianity ay ang larawan ng Sto. Niño. Ito’y nakaugat sa kaugalian nating mga Pilipino na malapit tayo sa mga bata. Ito’y nakaugat sa turo ni Hesus na ang kaharian ng Diyos ay para rin sa mga bata at ang katangian ng pagiging bata ay kailangan natin upang makapasok sa paghahari ng Diyos.

Ang mga sanga naman ng debosyong ito ay ang pagsugpo sa anumang uri ng pang-aabuso sa mga bata saan man ito matatagpuan – sa bahay man kaya, sa simbahan man kaya, sa school man kaya, sa ating barangay man kaya.

Ang pagpro-promote ng pagmimisyon ng mga bata para sa kapwa bata ay isa ring resulta ng debosyong ito. Pukawin natin sa mga bata ang missionary spirit. Sila mismo ay may kapasidad na, na maging missionaries.

Let the eyes of our hearts be open so that we may know the richness of the devotion that we have to the child Jesus – ang ating Poong Sto. Niño.

Leave a reply