Homily delivered by Most Rev. Broderick S. Pabillo, Apostolic Administrator of Manila during Mass to celebrate Ash Wednesday at the Our Lady of Veritas Chapel in Quezon City on February 17, 2021, at 12 noon.
Huwag nating sayangin ang pagkakataon na ibinibigay sa atin. At ngayon na ang pagkakataong ito. Pagkakataon ng grasya ng Diyos. Kaya tulad ng sinabi ni San Pablo ganun din sinasabi ko sa inyo, kami’y namamanhik, nakikiusap sa inyo na magsisi na sa inyong kasalanan.
Iyan po ang ginagawa nating ngayong Miyerkules ng Abo na sinisimulan natin ang apatnapung araw na paghahanda para sa muling Pgkabuhay, ang panahon ng Kuwaresma. Kaya nga papasok na tayo po sa diwa ng pagsisisi. Sana tumugon tayo sa panawagan sa ating lahat. Lahat naman tayo may kailangan pang baguhin. Wala naman sa atin kahit na ang pinakabanal sa atin ang makasasabi na ayos na ang buhay ko. Wala nang kailangang pagbabago pa.
At iyung abo na tatanggapin natin, noon tinatanggap natin sa ating noo, ngayon po dahil sa pandemic, tatanggapin natin sa ating ulo, iwiwisik sa ating ulo. Ito’y matagal nang kaugalian sa simabahan at sa Bibliya mismo sa lumang tipan.
Napakinggan natin sa unang pagbasa kay propeta Joel, ang kanyang panawagan din sa mga tao na magsisi na, maupo sa abo. Maligo ng abo, sumuot ng sako at mag ayuno upang tanggapin ang kanilang mga kasalanan, pagsisihan ito. Ang Diyos na mahabagin ang siyang magbibigay sa kanila ng pagpapala.
So, iyan din po ang pagtanggap natin ng abo. Tandaan po natin yung abo na tinatanggap natin ay panlabas na tanda lamang na sumasagisag ng attitude. At dalawang attitude ang kailangan po natin na tinatanda ng abo. Una po, yung ating attitude ng pagpapakumbaba ay yung isang formula na sinasabi habang nilalagyan tayo ng abo sa ating ulo ay, “Tandaan mo tao, ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” Talagang ganyan naman tayo. Galling tayo sa alabok at sa bandang huli babalik tayo sa abo. Naging buhay lamang tayong tao sapagkat ang alabok ay hiningahan ng Diyos. Kaya nga ang kababang pinanggalingan natin sana hindi tayo magyabang sa ating sarili.
At pangalawa, yung abo po ay sumasagisag ng pagsisisi kaya isa pang formula na sinasabi sa atin ay, “Talikdan mo ang iyong mga kasalanan at manampalataya ka sa Mabuting Balita, tanda ng pagsisisi.”
Kaya mga kapatid, kung tatanggap lamang tayo ng abo na hindi naman tayo nagpapakumbaba, hindi naman tayo nagsisisi, pagkukunwari ang ating ginagawa.
At alam ko ngayong pandemic may mga kasama tayo ngayon na nakikinig sa atin na hindi makakatanggap ng abo kasi hindi naman kayo makakalabas, hindi makakapunta sa simbahan, o kaya hindi naman kayo nakapagsunog ng inyong abo. Pero kung tayo’y nagsisisi, kung tayo’y nagpapakumbaba, para na rin tumanggap tayo ng abo. Ang mahalaga yung tinatanggap niya hindi lang yung tanda.
Ang atin pong paglalakbay at iyong apatnapung araw ay paglalakbay, iyan po yung ating pakikipagtunggali sa kasamaan – struggle against evil, against sin. At ang buhay Kristiyano, yan po yung pagtanggi natin sa kasamaan at pagtanggap natin sa Diyos. Yan po ay nagsimula nung tayo’y bininyagan. Tinanong tayo, “Tinatakwil mo ba si Satanas? At ang gawain Satanas? At ang panghihikayat ng kasamaan? At sinabi po natin o sinabi ng mga ninong natin para sa atin, “Opo, tinatakwil ko”. At pangalawa, tinatanong tayo “Sumasampalataya ka ba sa Diyos Ama, Diyos Anak, Diyos Espiritu Santo, Banal na Simbahang Katolika, sa buhay na walang hanggan?” “Opo, sumasampalataya ako”. At iyan po yung essence ng buhay Kristiyano – lumayo sa kasamaan at lumapit sa Diyos. At iyan po ay struggle na sinasariwa natin ngayong panahon ng Kuwaresma.
At sa ating pakikipagtunggali, mayroon po tayong tatlong sandata. At ang tatlong sandatang ito, yan yung mga mabubuting gawa na nirekomenda ni Hesus sa ating ebanghelyo. Yan po yung sandata ng pangalangin, sandata ng kawanggawa at sandata ng penitensiya.
Ang sinasabi lang ng Panginoon, huwag natin itong gawin bilang pakitang tao lang. Pero gawin natin at tayo’y gagantimpalaan ng Diyos may nakakaalam man o wala, kapag ginagawa natin, ang Diyos ang gagantimpala sa atin.
Ang sandata ng pangalangin, ito po yung paglapit natin sa Diyos. Kaya ngayong panahon ng Kuwaresma, hinihikayat po sana tayo na mas maging madasalin. Dagdagan ang panahon ng pagdadasal o mas maging taimtim ang ating panalangin. At meron po tayong maraming dasal na nakaugalian natin ngayong panahon ng kuwaresma.
Una po, mahalaga po yung ang pagbabasa ng Bible. Kapag tayo ay nagbabasa ng Bible, nagdadasal tayo kasi nakikinig tayo sa Diyos. Kaya kapag hindi pa natin ginagawa, gawin na natin ngayon. Isa pa pong dasal natin ay ang Way of the Cross, daan ng Krus na pwede nating gawin sa simbahan o kahit na personal sa bahay, sa ating pagninilay sa huling sandali ng buhay ng ating Panginoon. Nandiyan po yung dasal natin ng pagpapasyon. Yan po ay dasal din. Sa totoo lang yan ay galing naman sa Bible yung pagpapasyon natin. Siyempre yung ating pagrorosary. At ngayong pinaghahandaan din natin ang ating consecration kay St. Joseph. Mga panalangin sa tulong ni San Jose na ating paghahanda sa ating preparation nating ito. Iyan ay mga panalangin na ginagawa natin ng panahon ng Kuwaresma.
Ang sandata ng pagpepenitensiya. Yan yung pagpigil sa ating sarili. Pagtitimpi. Pinapakita po iyan sa pamamagitan ng pag-aayuno. At ngayong Miyerkules ng Abo ay araw ng pag-aayuno. Minsan lamang tayo kakain ng full meal. Siyempre masakit sa tiyan hindi tayo sanay. Kaya pinapakita kaya mo bang magpigil ng iyong sarili? Pero ang penitensiya po ay hindi lang naman ang pag-aayuno. Pwede ring magpenitesniya ng hindi muna pagkain ng karne, abstinensiya. Pwede rin natin gawin tuwing Biyernes o kaya kahit na araw araw o bawasan ang pagkain ng karne. Masarap ng karne pero alam naman natin nakakasira tayo sa environment kapag karne kinakain natin. So, ayan po isa.
Isa pang penitensiya, pwede naman ang penitensiya ay bawas bawasan natin ang panonood ng Netflix, ang panonood ng TV. Pwede naman bawas bawasan natin ang pakikinig ng music sa mga panahong ito. At lalung lalo na ang penitensiya na tanggalin ang kasalanan. Kung mahilig tayong magmura, manigarilyo, uminom, magtaya ng Lotto, pwede bang mapigilan natin yan para masabing kaya ko naman na mapigilan ang ating sarili. So, iyan yung spiritual exercise natin.
At ang pangatlo pong gawain natin ay ang kawanggawa. Iyan ay magtulong naman sa kapwa o paglilimos. Sa kawanggawa natin ngayong panahon na ngayong araw ay meron po tayong tinatawag na Fast2feed. Programa natin na ano yung masa-save natin sa ating fasting, ibibigay po natin sa Hapag-asa, pagpapakain sa mga batang malnourished at dumadami pa yan ngayong panahon ng pandemic. Kaya magcontribute tayo sa Fast2feed. Kung nasa bahay pwede naming magpadala sa Caritas o sa Veritas para po sa Fast2feed. Pagtulong diyan at ngayong limang Linggo ng Kuwaresma, mayroon po tayong Alay Kapwa. Kung anuman ang matitipid natin – hindi muna ako magsosoft drinks, hindi muna ako magmemerienda. Ang natitipid ko, ibibigay ko sa Alay Kapwa. Yung Alay Kapwa collection naman natin, second collection every Sunday of Lent, yun naman po ay para po sa mga nasasalanta ng man made or natural calamities. Ngayon papasok na si Auring sa Mindanao o sa Eastern Visayas, sana hindi siya magdala ng damage. Taun taon ang dami po nating bagyo. At dito sa Kamaynilaan, ang dami nating nasusunugan. Kapag nasunugan, kaagad kailangan niyan ng relief, ng pagkain, ng damit. Kaya dapat may nakahanda tayong pondo para diyan. Yan po yung nilalaan natin sa ating Alay Kapwa.
Pero ang Alay Kapwa hindi lang po yung pagbugay ng pera, pagbigay ng material na kailangan. Isa ring mahalaga sa Alay Kapwa ay pagbigay ng ating boses sa mga nangangailangan ng ating boses.
Dalawa po, pangangailangan na suportahan natin ang magagandang programa na nangyayari. Magbigay ng boses na tulad ngayon. Hinihikayat tayo na magregister sa election. So, magsalita tayo, kausapin natin ang mga kapit bahay, mga kamag-anak na hindi pa nakaregister. Tayo po ang mag-encourage sa kanila.
O ganun din papasok papasok na yung vaccine. Maraming natatakot. Magbigay ng boses magpaliwanag sa kanila. Hindi naman ito masama para sa inyo, ikabubuti po ng buong bansa. So, magbigay ng boses suportahan ang magandang programa.
Pero kasama din sa pagbibigay ng boses ay tutulan, mag-object sa mga pangyayari na hindi makakatulong sa atin para hindi tayo manipula ng ating mga leaders tulad ng hirap na hirap na tayo para sa ating pangangailangan dahil sa COVID-19. Ang pinag-iisipan pa nila ay Cha-Cha. Babaguhin ang konstitusyon, ano ang ibabago sa atin niyan, babaguhin ang konstitusyon, makakabuti ba sa atin? Ang kanilang agenda ang kanilang iniisip at hindi yung para sa bayan.
So, yan po ay dapat magsalita tayo. Tulad din sa red-tagging, patuloy parin ang pag-re-red tagging sa mga tao at yung nangyari lang sa Cebu yung sa mga SVD na kinuha yung mga bata na kinukupkop nitong grupo for one year kasi na-lockdown at sila ay inaakusahan pa ng child trafficking. So, hindi naman tama yun sa halip na i-appreciate na natutulungan yung mga lumad na taga Mindanao na sinira ang mga eskuwelahan nila at tinuturuan dun, aakusahan pa ngayon. So, basta basta na lang lumalabas yung ganyan dapat magbigay tayo ng boses natin.
So, yan po yung mga panawagan natin ngayon. Sana po ay pumasok tayo sa disiplina na Kuwaresma. Panalangin. Ano kaya ang gagawin ko para mas maging madasalin ako? Penitensiya. Ano yung penitensiyang gagawin ko na kailangan kong ipakit ana hawak ko ang aking sarili na hindi ako nadadala lang ng hilig ng katawan. At pagtulong sa kapwa. Ano ang mai-co-contribute ko sa ikabubuti ng iba, ikabubuti ng lipunan?
So, ito po yung papasukin natin. Sana po yung pogtanggap ng abo ay maging tanda na talagang pumasok tayo sa ganitong diwa. Kaya ngayon po ay bebendisyunan natin ang abo dito at kung may mga abo kayo sa inyong mga bahay, ilabas nyo rin at ang bendisyon ay para rin sa mga abo diyan. At pagkatapos ilalagay po natin sa mga ulo, ibubudbod natin. Yumuko lang at bubudburin ang ulo tanda na kayo po ay tatanggap nito. At sa halip na bawat isa pagsasabihan ng formula, isang sabihan lang ng formula at lalapit lang dito, dahan dahan na pagbibigay ng paalaala na tanda at commitment na tinatanggap natin ngayong panahon ng Kuwaresma. (Archdiocese of Manila – Office of Communications/RCAM-AOC)