FULL TEXT | Homily of Jose F. Cardinal Advincula, Archbishop of Manila during Mass at the Mary, Comforter of the Afflicted Parish in Pasay on June 27, 2021, at 10 am

Rev. Fr. Russell Ocampo, ang ating Parish Priest at sa lahat ng mga pari na kasama natin ngayon sa Banal na Misa, Mayor Emy Calixto Rubiano, at sa mga opisyal ng lungsod ng Pasay at mga barangay. Sa mga officers ng Parish Pastoral Council, sa mga parishioners ng Mary, Comforter of the Afflicted Parish at sa inyong lahat, maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap sa akin ngayong umagang ito. Natutuwa ako na makasama kayong lahat sa pagdiriwang ng Banal na Misa ngayong unang lingo ko bilang bagong Arsobispo ng Maynila.

Ang inyong komunidad dito sa Maricaban ang isa sa mga una kong nadalaw at sa aking pag-ikot ay nakita ko ang riyalidad, riyalidad ng inyong buhay na siyang larawan ng riyalidad ng buhay ng marami sa ating mga kapatid dito sa Archdiocese of Manila. Riyalidad ng kahirapan, ng pangangailangan, ng pagdurusa, ng pagiging kapos sa maraming bagay at ng kawalan ng pag-asa. Lalo pa itong pinabigat ng pandemya na dinaranas nating lahat. Maraming nawalan ng trabaho at kabuhayan, marami pa din ang nagkakasakit, maraming namamatay, at maraming pamilya ang nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng mahal sa buhay. Sa lahat ng ito, hindi na natin alam kung ano ang ating gagawin. Hindi natin alam kung saan tayo pupunta at hindi natin alam kung saan tayo hihingi ng saklolo.

Ganito rin ang pinagdaraanan ng dalawang tao sa ating Ebanghelyo ngayon – si Jairus na tagapamahala ng Synagoga ay may matinding problema. Ang kanyang labindalawang taong gulang na anak ay nag-aagaw buhay.

Kapag ang anak ay nagkakasakit, ganoon na lamang ang pag-aalala ng mga magulang. Paano pa kaya kung ang anak ay nag-aagaw buhay na. Napakabigat ito sa kalooban ng magulang. Gagawin ng magulang ang lahat para madugtungan ang buhay ng kanyang anak.

Narinig din natin sa Ebanghelyo ang kuwento ng babaeng labindalawang taon ng dinudugo. Ginawa na niya ang lahat para gumaling. Marami siyang doktor na napuntahan pero walang nakapagpagaling sa kanya. Hindi siya bumubuti bagkus lalo pa siyang lumulubha. Sa kawalan ng pag-asa ni Jairus at ng babaeng dinudugo, ano ang kanilang ginawa? Lumapit sila kay Hesus. Si Jairo, …. pa sa paanan ni Hesus. Nakiusap siya na sumama si Hesus sa kanilang bahay at pagalingin ang kanilang anak. Walang tanung tanong, sumama agad si Hesus. Pumunta siya sa bahay ni Jairus, at binuhay na muli ang anak nito. At ang babae, nakipagsiksikan sa maraming tao para lamang makalapit kay Hesus at ng malapit na siya kay Hesus, inipon niya ang damit nito at tumigil agad ang kanyang pagdudugo.

Sa kanilang pangangailangan, lumapit sila kay Hesus sapgkat ang Diyos ay Diyos ng buhay. Ayon sa Aklat ng Karunungan sa ating Unang Pagbasa ngayon, ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos. Ang pagkamatay ng alin mang may buhay ay hindi niya ikinalulugod sapagkat ang taoý hindi nilikha ng Diyos para mamatay kundi para maging larawan siya ng buhay.

Mga minamahal na kapatid, kapag tayo ay may pangangailangan, kanino ba tayo unang lumalapit? Kapag tayo ay nagigipit, kanino ba tayo unang kumakapit? Ngayong panahon ng pandemya, sino ba ang inaasahan nating magliligtas sa atin? Katulad ni Jairus, lumapit tayo kay Hesus, manalangin tayo sa Kanya, makiusap tayo sa Kanya na sumama sa atin, ipatong ang Kanyang kamay sa atin upang tayo ay gumaling at mabuhay. Katulad ng babae sa Ebanghelyo, kumapit tayo kay Hesus, manalig tayo sa Kanya, at tiyak dadaloy ang kapangyarihan ni Hesus na magbibigay ng kagalingan at kaligtasan sa atin. Lumapit tayo kay Hesus sapagkat walang ibang tagapagpagaling at tagapagligtas kundi Siya.

Sa pagsisismula ng aking misyon, bilang Arsobispo ng Maynila, ito ang aking tungkulin, ang maging pastol na mag-aakay sa mga tupa patungo kay Hesus, ang mabuting pastol nating lahat. Dumating ako sa Archdiocese of Manila hindi bilang tagapagpagaling at tagapagligtas. Nandito ako upang kasama ninyo ay mapalapit tayong lahat kay Hesus. Sa aking paglilingkod bilang inyong obisyo, sa pamamagitan ng aking pagtuturo, pangunguna sa panalangin at pagsamba, at sa pamumuno bilang servant leader, mapalapit sana kayong lahat sa Panginoon at lumalim ang inyong pananampalataya sa Kanya.

Sa aking interaction sa inyo, sa aking pakikinig sa inyo, alam ko, kayo din ay magiging daan upang ako ay mapalapit kay Hesus. Ang obispo, inaakay ang sambayanan. Pero ang sambayanan din inaakay ang obispo. Tayong lahat, sama sama nagtutulungan, naglalakbay patungo kay Hesus.

Ipagdasal ninyo na tapat kong magampanan ang misyon na ito. Hilingin natin ang panalangin ng ating Ina, ang Mahal na Birheng Maria, mapag-aliw sa mga nagdadalamhati. Hilingin natin sa kanya na hawakan ang ating kamay at dalhin tayo sa kanyang anak na si Hesus, na siyang tanging pinagmulan, pinagmumulan ng ating kagalingan, pag-asa at kaligtasan, amen. (Archdiocese of Manila – Office of Communications/RCAM-AOC | Photo by Fatima Llanza/RCAM-AOC)

 

Leave a reply