FULL TEXT | Homily of Bishop Broderick S. Pabillo, Auxiliary Bishop of Manila during online Sunday Mass at St. Dominic Savio Parish on July 4, 2021, at 10 am.

Tayo ay mga Kristiyano kasi naniniwala tayo na nandito na ang matagal na ipinangako na Kristo, at ang Kristo na dumating ay si Jesus na taga Nazaret. So we call him Jesus Christ, that is, Jesus is the Christ. Ano ba ang Kristo? Ang Kristo ay ang pinahiran ng langis, the one anointed with oil. Ang pagpapahid ng langis ay tanda ng pagtatalaga. So when we say he is the anointed one we mean he is the chosen one. Chosen for what? To be priest, prophet and king.

As Christians we share in the life and the mission of Jesus. So all of us baptized share in the kingship, in the priesthood and in the prophetic ministry of Jesus. The readings this Sunday speak about Jesus as the prophet, in fact, as the rejected prophet.

Today when people say that you are a prophet, they mean that you are good in foretelling things to come. Kaya ang propeta ay itinuturing natin na manghuhula. Hindi iyan ang kahulugan ng propeta sa Biblia. Ang propeta ay ang taong itinalaga ng Diyos upang magsalita sa kanyang pangalan. So the prophet is the announcer of the message of God for the people. Ang mensahe ng propeta ay hindi kanya. Kaya palagi niyang sinasabi: Thus says the Lord.

Si Jesus ay kilala ng mga tao na isang propeta. Minsan tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad. Gumawa siya ng kaunting survey: “Sino ba ako ayon sa mga tao?” Ang sagot ng mga alagad: “May nagsasabi na kayo ay si Juan Bautista, sabi naman ng iba na kayo ay si Elias, o si Jeremias, o isa sa mga propeta.”  Pati na nga ang mga komokontra kay Jesus ay humahanga sa kanyang mga pahayag. Sabi nila: “Teacher, we know that you are a truthful man and that you teach the way of God in accordance with the truth. And you are not concerned with anyone’s opinion, for you do not regard a person’s status.” (Mt. 22:16) Iyan talaga ang propeta. Ang sinasabi ay dapat marinig ng mga tao, hindi ang gusto nilang marinig. The prophet is not after the rating nor after popularity.

Si Jesus mismo, ang tingin niya sa kanyang sarili ay isang propeta. Kaya sabi niya sa mga kababayan niya sa Nazaret noong ayaw nilang maniwala sa kanya: “Ang propeta ay ginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Sabi rin niya na ang propeta ay dapat mamatay sa Jerusalem, kaya nagtungo siya sa Jerusalem kahit may banta sa buhay niya doon.

Dahil sa ang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Diyos, siya ay tinatanggihan ng mga tao na ayaw makinig sa Diyos. Sa ating ebanghelyo, si Jesus ay hindi tinanggap ng mga kababayan niya sa Nazaret kung saan siya lumaki. Akala nila ay kilang-kilala na nila siya. Alam nila na siya ay karpintero lang. Kilala nila ang kanyang nanay. Ang kanyang tatay ay patay na noon kaya hindi na binanggit. Kilala niya ang kanyang mga kamag-anak, at pinangalanan pa nga nila. Kaya hindi nila matanggap na magaling na siya magsalita at nababalitaan pa nilang nakakagawa ng himala. Their familiarity with him blinded them and kept them from believing in him.

Sa ating unang pagbasa narinig natin ang salita ng Diyos kay Ezekiel noong natanggap niya ang pagtawag sa kanya na maging propeta. Susuguin siya sa bayan ng Israel, isang bayang suwail at matigas ang ulo. Palagi silang naghihimagsik laban sa Diyos. Kahit na nakikinita na ng Diyos na hindi tatanggapin ang sasabihin ni propeta Ezekiel, ipinadala pa rin siya at patuloy pa rin siyang magsasalita para malaman nila na hindi nagsasawa na nananawagan ang Diyos at nagpapadala ng mga propeta. Wala silang madadahilan na hindi nila alam. Hindi nagkukulang ng paalaala ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na sinusugo niya.

Ang Diyos natin ay hindi nananahimik. Palagi siyang nagpapaalam, nagpapakilala, nagpapaliwanag – hanggang ngayon. Tayong mga binyagan ang pinapadala niya para magsalita sa kanyang ngalan dahil sa tayong lahat ay mga propeta. Gampanan sana natin ito. Ang iba ay may pagkakataon na magsalita sa maraming tao – tulad ko at ng mga pari. Nagbibigay kami ng homilies, ng mga recollection talks, ng mga retreats. Kayo na walang ganitong pagkakataon ay propeta rin sa maliliit na grupo na inyong kinikilusan, sa pamilya, sa gitna ng mga kaibigan, sa kasamahan sa trabaho, sa mga kapitbahay. Magsalita kayo ng totoo, huwag kayong mahiya o matakot na magsalita tungkol sa Diyos, palakasin ninyo ang loob ng mga nalulumbay at natatakot at ituwid naman ang nagkakamali. Iyan ang paraan ng inyong pagiging propeta. Let us talk about God again in our families and in our small circles. Anu-ano na lang ang karaniwang pinag-uusapan natin: ang buhay ng mga artista, ang mga politico, ang ating mga kapit-bahay. Pero bakit ayaw nating magkwento tungkol sa pananampalataya, tungkol sa Diyos, o tungkol man sa katarungan? Sa mga kwentuhang ito naisasabuhay natin ang ating pagiging propeta. Ngayon isa pang venue ng pagiging propeta ay ang pagpost sa internet ng mga bagay na totoo, mga bagay tungkol sa katarungan at kabutihan. Magpost ng Salita ng Diyos. Manindigan para sa pananampalataya. Pati na ang politika ay usisain at suriin natin sa liwanag ng pananampalataya. Kaya huwag mahiya o matakot na magpost ng paninindigan na nakabase sa katotohanan at sa katuwiran kahit na sa larangan ng politika. Iyan ay iyong karapatan at ang politika din ay dapat liwanagan ng katotohanan.

Sa ating ikalawang pagbasa naging propeta si Pablo pati na sa pagpapahayag niya ng kanyang personal na karanasan. Ipinakita niya kung paano kumilos ang Diyos sa kanyang buhay. Para hindi siya maging mayabang dahil sa mga visions na kanyang naranasan, binigyan siya ng Diyos ng masakit na kapansanan. Hindi natin alam kung ano ito. Ito ba ay isang karamdaman? Isang tukso? Isang pagdududa? Hindi niya sinabi kung ano, pero hirap na hirap siya rito kaya tatlong beses niyang hiningi sa Diyos na ito ay alisin na sa kanya.  Hindi ito ginawa ng Diyos at sinabi lang sa kanya na sapat na ang grasya na ibibigay sa kanya kaya makakayanan niya ito. Dito naranasan ni Pablo na kung saan siya mahina doon siya malakas. Malakas siya kasi ang lakas na makakayanan ang kanyang kahinaan ay galing na sa Diyos. Ang lakas ng Diyos ay kumikilos sa ating kahinaan. Hindi ba ganito din sa ating buhay? May mga bagay na gusto nating tanggalin ng Diyos. Hindi niya tinatanggal pero napapansin natin na nakakayanan naman nating dalhin ang mga ito. Grasya na ito ng Diyos.

Kaya sa ating pagiging propeta huwag nating sabihin na hindi natin ito kaya. Ang Diyos na nagtalaga sa atin na maging propeta ang nagbibigay sa atin ng lakas. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na sila ay kakaladkarin sa harap ng mga hukom at ng mga leaders upang litisin. Huwag dapat silang matakot kung ano ang isasagot nila. Ang Diyos na ang magbibigay sa kanila ng isasagot nila na hahangaan sila ng mga umuusig sa kanila. Dito tayo nagiging propeta.

Si Lorenzo Ruiz ay isang taong duwag. Kaya nga siya nagtago sa simbahan noong hinahanap siya ng Guardia Civil. Sumama na siya sa mga pari na mangibang bansa para lang makatakas sa mga soldado. Pero noong nasa Japan na sila at nahuli siya kasama ng mga paring Dominikano at pinahirapan at pinako sa krus, naging matapang siya. Gusto siyang palayain kasi hindi naman siya pari, basta lang itatwa niya si Kristo, pero sa harap ng lahat buong tapang niyang pinahayag na kahit na mayroon man siyang isang libong buhay ang bawat isa nito ay ibibigay niya kay Kristo. Ito na ang tapang at lakas ng pagiging propeta na galing sa Banal na Espiritu na binigay kay San Lorenzo Ruiz.

Hindi madali na maging propeta ngayong panahon natin na nandiyan nakaabang ang mga trolls na bina bash ang mga independent minded. Gustong takutin tayo at patahimikin. At iyan nga ang hindi magagawa sa propeta – na siya ay manahimik. Kahit na walang nakikinig, kahit na pinuputakti tayo ng mga bashers – we shall continue to speak in God’s name. God sends his prophets among his people. God’s voice cannot be silenced.

 

Leave a reply